Mga Dapat Tandaan Para Makaiwas sa Pagiging Engot na Botante sa Eleksyon 2016

Madalang lang ako magpalipas ng oras sa harap ng idiot box (tv yun, para lang masabing cool). Night shift kasi ako, kaya pati pagharap ko sa…ano…idiot box, kinatatamaran ko na. Kung may chance man na manuod ng…err…idiot box, usually sa balita ako nanunuod. O kaya HBO. Minsan Star Movies. Tsaka pala History. Pati pala Discovery, Nat’l Geographic at…

(Scroll down to continue reading. Adik yung writer)

Di ko nga napansin na dumarami na pala ang mga ‘early-epal’ tuwing magko-commercial (local channels). At ang sakit nila sa mata panuorin. Nauumay na nga ako sa mga telenobela, nagsingit pa sila ng pre-audition para sa eleksyon next year. Eto pa, ang lupet ng strategy. Hindi direktang nangangampanya ang mga bogaloyds. Slight lang. Bawal pa kasi, baka ma-disqualified sila pag maaga silang umamin na tatakbo sila sa susunod na taon. Kaya yung mga matatalinong balak kumandidato, nagpapapansin na. Paid advertisement daw kuno, sus.

Bukod sa summer, isa sa pinaka-ayokong panahon ang eleksyon. Gusto, dahil baka meron ng ‘changes’ ang ‘Pinas. Ayaw, dahil sa mga putang-syet na pagmumukha ng mga kandidato na nagkalat sa lahat ng sulok ng kalsada, at ang mga nakakabaog na jingles na ang aga-agang badtrip, lalo na sa umaga. Maghapon pa yun. Mas nakakangilo pakinggan kumpara sa mga batang nangangaroling pag pasko. Noise barrage. Dagdag hassle habang lumalanghap ng usok tuwing traffic.

Masyado pang maaga ang blog na ‘to, pero prevention is the best policy (?). Kung first time mong botante, mas mainam na basahin mo muna to para makatulong ka sa bayan. Para naman mabawas-bawasan ang engot tuwing eleksyon. Ang pagiging engot ay applied kahit sino, me’ facebook ka man o wala.

Okey, tutal eleksyon na naman next year (national election na mga floyd!), heto ang ilang reminders para makaiwas sa pagiging engot na botante:

Kilalanin ‘muna’ ang kandidato. Hindi ibig sabihin e i-stalk mo lahat ng social media accounts niya. Mag-research ng ilang mga bagay na sa tingin mo ay magpapa-good shot sa’yo. Hanapan siya ng magandang plataporma. Mas may pinag-aralan, mas okey. Para at least hindi sila magmumukhang engot tuwing may senate hearing at interview sa harap ng tv. Dagdag points na rin kung meron mang political history. Pero siyempre, yung maayos na history. Inuna ko talaga tong tips na to dahil ito na ang pinakaimportante sa lahat ng pwede mong isiping importante pagdating sa pagpili ng kandidato. Imadyinin mo na lang na yung kandidato ay isang smartphone na gustong-gusto mong bilin. San ka, sa astig ang porma o sa astig ang specs?

Huwag magpapadala sa advertising. Natural, mas maraming commercial, mas maraming tao ang maaabot nito, at mas maraming mare-recruit (parang networking?). Kung maya’t maya mo nga naman silang napapakinggan o napapanuod sa tv, baka masanay na ang utak mo sa pagmumukha nila. Tandaan, puro magaganda lang naman ang ipapakita nila sa bawat ‘paid advertisement’ nila. Pero kung gagamitin natin ang common sense kahit minsan, maiisip mong hindi magandang halimbawa ang paliligo sa dagat ng basura at hindi lahat ng daang matuwid ay okey. Ex: EDSA.

Huwag magpaloko sa jingle. I-boycott ang mga kandidatong rerenta ng mga pipitsuging singer tuwing maga-adapt ng sobrang-catchy-songs-na-naging-instant-jingle. Ibig lang sabihin nun, mahina ang taste nila sa music. Dedmahin ang mga kandidatong gagamit ng mga kantang nag-number one hit sa lahat ng number radio station sa ‘Pinas. Kabiliban ang mga kandidatong gagamit ng mga metal o rock na kanta. O’rayt, rakenrol!

Pag-aralan ang trip nila sa buhay. Wag lang basta gusto niya, ‘happy ka’ o ‘sipag at tiyaga’. Dapat, yung panlahatan yung trip. Yung kahit ordinaryong tao, makikinabang. Kung ang gusto niya e bumaba ang tuition fee para makapag-aral ang marami, go. Kung ang gusto niya e bawasan ang porsiyento ng tax, wag ka ng magdalawang-isip pa. Kung ang balak niya e magtayo ng maraming MRT at LRT, ay pusang gala, idol-in mo na siya! Yung mga tulad nila ang kelangan ng tao para may mapakinabangan naman. Malay natin, sa taong 2017 o 2018, hindi na pinakamalaking parking lot sa bansa ang EDSA tuwing biyernes pag nagkataon.

Huwag magpasilaw sa pleasing personality. Marami nang naloko sa ganyan. Ang pogi-pogi at ang ganda-ganda sa mga advertisements. Parang nung nanliligaw pa lang sila, todo-todo ang effort nila. Pag-upo sa puwesto, mas panget pa sa ex mo yung ugali. Wala naman palang silbi. Na-photohshop na nga yung mukha sa mga tarpaulin at libreng kalendaryo nila, pati ugali edited din. Isipin mo na lang, hindi lahat ng magagandang smartphone, pakikinabangan mo ng matagal. Yung iba hanggang porma lang. Badtrip pala yung specs, nasilaw ka lang sa presyo.

Hindi porke may artista, astig na. Uso rin to tuwing eleksyon, yung magbabayad sila ng artista para i-endorse sila. Nga naman, malaking hatak sa botante yun, lalo na kung crush mo yung nag-endorse. Tandaan mo, binayaran sila hindi dahil trip din nila yung ini-endorse nila kun’di BAYAD LANG TALAGA YUNG TALENT FEE NILA AT WALANG KINALAMAN ANG PAGIGING MATINEE IDOL SA PLATAPORMA NG KANDIDATO. Paksyet.

Huwag magpahawa sa trip ng iba. Hindi porke gusto ng crush mo yung iboboto niya, gagaya ka na rin. Utang na loob, magkaron ka naman ng originality! Ginaya mo na nga yung porma ng idol mong artista, pati ba naman opinyon ng iba, gagayahin mo na rin? Ano ka, robot? Sayang ang brain mo floyd.

Huwag magpalinlang sa kakarampot na suhol. Totoo to, hindi lang sa mga noontime show o game shows nagbibigayan ng pera. Malakas ang bigayan nito tuwing eleksyon, take it from me. Ang pinagkaiba nga lang nito e hindi mo na kelangang magpakita ng talent. Ang kelangan lang e maging tanga, mabulag temporary at masilaw sa pera. Kung magpapabayad ka rin lang sa sariling boto, lubus-lubusin mo na ang talent fee. Wag tatanggap ng mababa sa isang libo. Pero kung hindi ka naman talaga tanga, wag mo ng tanggapin yung pera. Please lang. Kung iisipin mong balato yan, engot ka pa din. Ang balato e nanggagaling lang sa sugal. Sa sugalero.

Wag ituring na reality shows ang eleksyon. Wala. Wala na talagang matinong reality shows sa ngayon. Karamihan sa kanila, puro scripted. Negosyo lang ang style. Dadaanin sa texting-texting echos eklavu ang winner. Mas madrama ang buhay, mas malaki ang chance manalo. Yung totoong talented, iilan lang ang nakaka-appreciate. Kaya ikaw, wag mo ng dagdagan ang drama mo sa buhay, huy.


Kung hindi pa sapat ang mga nasabi ko, engot ka na nga. Kung tuusin, ang simpleng katagang ‘vote wisely’ ay sapat ng dahilan para makaiwas sa pagiging engot. Tandaan mo, karamihan sa mga binoto nung nakaraang eleksyon e kun’di man nagkasakit at umiwas sa kontrobersiya gamit ang wheelchair, humihimas na ng rehas. Ang talino mo kasi.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!