"Please Be Careful With Your Post"
Meron akong ilang ‘friend’ sa FB na ina-unfollow ko. Hindi kami magkaaway, ayoko lang nakikita sa newsfeed ang hinaing at hinanakit niya sa buhay. Kun’di man personal na issue, away-kapitbahay. Walang palya yun, laging ganun. Bad vibes sa newsfeed. Nung una medyo nato-tolerate ko pa. Kaso nung tumagal, ibang level na yung rants sa buhay-buhay. Para bang araw-araw siyang ina-unfriend. Laging galit sa mundo. No choice, kesa naman mabawasan ang 300+ kong friendlist, in-unfollow ko na lang.
Minsan gusto ko tuloy isiping wala sa pananamit o trip na telenobela ang maturity ng isang tao. Nagre-reflect na sila ngayon sa kung ano-anong klaseng status, sa lahat ng social media sites. Tulad ng isang pamangkin kong 1st year high school pa lang. Puro tungkol sa galaxy at alien ang trip, samantalang yung ka-batch ko noon sa college e puro away nila ng dyowa niya ang buong puso niyang bino-broadcast. Take note, kadalasan naka-upper case lahat ng character at hindi bababa sa tatlo ang exclamation point. Intense.
Oo, wala naman talagang pakelamanan pagdating sa trip sa buhay. Kanya-kanya yan. Kumbaga e, praktis ng ‘freedom of speech’, o whatever. Pero ngayong nauuso ang pagiging sensitibo ng netizens, malabo na ang freedom sa pagkakalat ng kahit anong speech lalo pa kung medyo foul at imoral.
Tanong: meron ba talaga tayong freedom of speech?
Wala. As in wala. Speech for freedom baka meron. Dahil kung totoong merong freedom pagdating sa pagsabog ng sariling speech, e di sana walang naglulutangang instant bashers. Isa pang take note, lalong lumalaki ang members ng pagiging bashers, depende sa tatamaang ego at subconscious mind.
Kaliwa’t kanan na nga ang pagtuligsa sa ilang netizens na kung makapag-post ng status e parang nakulangan ata ng IQ pagkasilang. Nagkasunod-sunod ang isyu ng pamba-bash sa mga personalidad na imbes umani ng papuri, flood-like at shares, kalaboso at kahihiyan ang inabot. Ayoko na magbanggit kung sino sila. Sumikat naman na sila kaya malamang kilala mo na sila. Basta, walang clue.
May posibilidad na ang pagyayabang o pagpapapansin sa mundo ng cyberspace ay makatawag-pansin sa ilang utak na naghahanap ng entertainment at temporary good vibes. Pero dahil iba-ibang klase ang utak ng tao, may mga bagay na hindi talaga magiging okey sa ilan, at meron namang magpapatay-malisya na lang. Ang ‘amazing’ sa iba ay ‘foul’ sa ilan. Meron talagang mga naglipana pag-iisip sa ngayon na minsan e ‘against the flow’.
Napapansin mo ba, pati pag-iisip ng magandang status sa FB problema na rin?
Sana marami mag-likes. Sana marami mag-share. Sana marami makapansin. Sana marami mag-comment (ng maganda).
Ngayon, bakit mas apektado tayo sa pagla-like at pagko-comment thru internet kesa sa totoong buhay? Dahil ba sa dami ng friendlist o followers na hindi naman talaga kilala? Dahil ba sa ‘instant fame’? O dahil kaya sa kaligayahang hindi natin nakukuha ng personal?
Bakit kasi hindi mo subukang makipag-socialize sa totoong buhay?
Think before you click. Apat na salita lang yan para ipaalala sa’yo na ang bawat tunog ng ‘enter button’ at ‘mouse click’ na gagawin mo ay may katumbas na ilang side effect lalo na sa pagpo-post ng status nang hindi pinag-iisipan, medyo maselan at inuulan ng pagpapapansin. Meron talagang kayabangan minsan na nato-tolerate, pero meron din talagang mayayabang na hindi nagpapatalo sa kapwa mayabang. Pati na ang tsismoso’t tsismosa sa kapwa nila.
Kung binibigyan mo ng public access ang dapat sana’y privacy sa buhay mo, para mo na ring binigyan ng kontrol ang netizens na pakelaman ang buhay mo. Wala namang masama kung sasarilinin mo ang personal mong problema. May mga totoong tenga ang handang makinig sa’yo kahit lasing. Hindi naman likes at comments at makakasagot sa problema mo. Wala namang kinalaman sa pagse-share ang solusyon dun. Para ka lang nagsaboy ng gasolina sa maliit na apoy ng posporo. Hindi mo dapat pinapakilala ang pagkatao mo ng dahil sa imaginary profile mo.
Sa oras na nag-sign up ka at gumawa ng personal account, dapat naa-anticipate mo na ang mga puwede at hindi puwedeng mangyari sa buhay mo pagpasok mo sa cyber world. Ang personal mong buhay ay maaari ng pakelaman ng pakelamero’t pakelamera KUNG hindi ka mag-iingat. Walang kinalaman ang dami ng friends at followers mo sa tindi ng impact ng ibo-broadcast mong opinyon o saloobin, mapa-konti man yan o marami. Parang kang umutot ng pasimple, pero hindi mo alam, marami na palang ilong at utak ang napinsala.
Ang mundo ay isang malaking mata at tenga . Marami na ang nakakakita sa’yo. Marami na rin ang nakikinig. Mabilis pa kay The Flash at Quicksilver ang pagkalat ng balita sa ngayon. Hindi na lang sa mga internet shop available ang internet. Dumarami na ang bahay na may sariling wi-fi. Hindi mo na mababawi ang sinabi mo kung marami na ang nakabasa, nag-share, nag-like at nangelam. Kahit mag-deactivate ka ng account, pumasok na sa isip ng marami ang pagpapakalat mo minsan ng maling impormasyon o pag-angkin sa isang ‘word of wisdom’ na binago mo lang ang ilang term at pagsalansan ng tuldok at kama. Ingat-ingat mga floyd, may plagiarism tayo.
Grammar Nazis. Bashers. Cyber bullies. Kapitbahay nyo. Si Ex. Ilan lang yan sa mga makakalaban mo sa mundo ng cyberspace kung hindi mo gagamitan ng common sense ang pagpa-practice mo ng freedom of speech sa internet. Ipagyabang mo na ang niretoke mong mukha gamit ang Retrica at Camera 360. Ipangalandakan mo ng pinakamasarap kang magluto ng ginisang munggo. Tadtadarin mo ng selfie ang bawat newsfeed ng nasa friendlist mo. PERO wag na wag na wag kang magpo-post ng maseselang isyu, lalo na kung against sa human rights. O kaya tungkol sa religion. Sa pang-aabuso sa mga cute na tuta. Pati na sa paborito mong loveteam. Iwas-iwasan mo yan, kung ayaw mong murahin ka ng maseselang utak hanggang sa pagtulog mo.
Nga pala, pag nagmura ka, wag kang exagge sa exclamation point. Sobrang intense e.
Comments
Post a Comment