Rakstar Man, May Puso Din

Katatapos lang ng concert ng Incubus sa Araneta nung nakaraang Hulyo, 28. ‘Tang ina floyd, walang kasing-headbang talaga ‘pag live concert. Hindi mo iisipin ang pagod sa biyahe, walang kamatayang trapik, lintik na ulan na umeepal ‘pag ‘di mo kelangan at parusa ng apat na oras na paghihintay. Hindi mo pagsisisihan ang pagbili mo ng ticket na presyong ginto. Basta iisa ang nasa utak ko ng mga oras na ‘yon---makikita ko na rin sila ng LIVE, sa wakas. Pucha mula pa hayskul fanatic na ko ng wakanginang banda na ‘yun. Andito na rin ako sa metro manila naninirahan, palalampasin pa ba ang pagkakataon?

Aaminin ko na first time ko makatuntong sa Araneta. Kahit fan ako ng basketbol eh hindi sumagi sa isip ko na manuod ng PBA. At dahil sa tatanga-tanga ako sa direksyon eh paulit-ulit kong tinatanong ang katabi ko sa bus kung malapit na ba ang Araneta o malapit na kong  maligaw. Mabuti na lang at maaga-aga ako dahil tulad ng inaasahan, mahaba na ang pilya sa takilya. May kani-kaniya pang entrance ang bawat ticket kaya masusuri mo kung sino ‘yung may kaya sa buhay at kung sino ‘yung pumayat sa gutom dahil sa pagiipon. ‘Tol----P800 ang general admission. Halos katumbas na ng dalawang araw na basic salary ng isang karaniwang manggagawa. Sino bang tao ang gagasta ng ganun kalaki para lang makakita ng bandang banyaga na sa telebisyon mo lang nakikita at laman ng playlist mo, cellphone man ‘yan o I-Pod? Ako ‘yun pre…maniwala ka. Dahil sa medyo budgetarian ako, hindi na ko namili ng ticket na nakapanghihinayang ang presyo, at ilang cartwheel lang naman ang pagitan mula sa pinakatuktok na pwesto. Masaya na ko na isa ako sa mga nakasaksi sa concert nila ng “live”.

Inisip ko---kung P800 ang general admission, meron ka ng P80,000. Ang pinakamahal na ticket eh nasa P7000. So kung ang 100 tao ay P70,000, alam mo na ang sagot. M-A-L-AK-I ANG K-I-T-A. May 16,500 seating capacity ang nasabing coliseum. Kahit na puro gen-ad lang ang presyo ng ticket (P800x16,500), aabot ang kita nito sa P13,200,000. Gen-ad na tiket pa lang ‘yan. Bahala ka na sa ibang kalkulasyon.

Sa mga oras na ‘yon, naisip ko rin na hindi pa tuluyang naghihikahos ang ‘Pinas. May mga tao pa rin na handang gumasta ng wala sa budget---luho, sariling interes o pansariling kaligayahan. Necessity rin kasi sa isang tao ang magkaron ng isang bagay na hindi naman gaano mahalaga pero dapat-pagipunan-kasi-astig-at-sasaya-ako-kahit-magastos. Tinatao pa rin ang mga fastfood, ang mga casino at sinehan. may mangilan-ngilang tao ang tumatambay sa Starbucks at may ilang tao na mapalad na natutulog sa mamahaling hotel samantalang ang iba ay natutulog lang ilalim sa ng tulay. May ilan pa ring mga tao na may kakayahang gumasta ng labag sa kalooban, samantalang mas marami ang mga taong problema ang pagkukunan ng panggastos.

Isipin mo, ano ba ang nagawa ng bandang ito at kelangan pang makita sila ng personal? Bukod sa iniidolo at naging impluwensiya, gaano ba kalaki ang epekto ng mga musikero sa buhay ng isang simpleng tao?

Sila----kumikita kasi binibili ng tao ang kanta nila. Nagbigay sila ng kanta sa mundo na habambuhay mo ng maririnig, korni o baduy man sa pandinig mo, pero musika sila sa tenga ng marami. Wala silang inatupag kun’di ubusin ang oras nila para lumikha ng obra, mag-tour at mag-concert kung saan-saan. Hindi nila naranasan ang makibaka para sa pagtaas ng sahod at mamroblema sa pinapataw na buwis. Hindi uso sa kanila ang overtime at holiday. Pwede nilang gawing kalokohan ang trabaho nila, kasi natural sa isang artist(s) ‘yun. Ang tanging pangamba lang nila ay ang pagkalaos. Kahit kasing boses mo pa si Steve Perry at kasing galing mo si Slash maggitara, kung wala kang fans, deadma ang karir mo ‘dre. Kadalasan pa silang naiisyu sa mga masamang impluwensiyang bagay gaya ng alak at droga. Bantay-sarado ang buhay nila at uhaw sila sa salitang privacy. Wala eh, rockstar nga eh.

Pero mga ‘tol, sa  kabila ng mga kasikatan ng mga taong ito, nagagawa pa rin nilang tumulong sa ibang paraan. Sa maniwala ka o hindi, may sari-sariling foundation ang ilang mga sikat na artists. At nagagawa pa nilang magkaron ng benefit concert. Para ulit sa mga nangangailangan.

Hindi tulad ng gobyerno na mabigat na ang kanang bulsa, pati ang kaliwa pabibigatin pa.

Ang banda may foundation, ang gobyerno naghahanap ng sariling foundation na sila-sila rin ang nakikinabang. PCSO? Tsk tsk tsk…

Ino-auction ang ilang mga mahahalagang gamit ng ilang miyembro ng banda para sa donasyon ng mga taong mas may pangangailangan. Samantalang ang ilang pulitiko’t pulitika ay nagiipon ng mamahaling bagay na hindi naman necessity  sa katulad nilang dapat tumutulong,---gamit ang pera ng bayan. Kung magbigay man ng donasyon, dapat kasama sila sa picture taking. AT tuwing may disaster lang…

Nagbibigay ng libreng concert ang ilang banda bilang pasasalamat, samantalang may mga dating pangulo at senador na sila-sila rin ang nagpapasalamatan sa sarili nilang katiwalian at ang dakila nilang pagnanakaw sa pera “ulit” ng bayan.

Sariling pera nila ang ginagasta sa pagbili ng mga pansarili nilang interes o luho, bunga ng kasikatan. Ang walangkasingkapal na dating pangulo, namudmod ng kotse at midnight deal bago lisanin ang pwesto sa Malakanyang, gamit pa rin siyempre ang pera ng bayan. Mas bagay sa kanya ang paluin ng gitara sa batok ng matuluyan.

Ang mga fanatic ng banda, hume-headbang sa concert. Ang SONA ng pangulo, hindi concert pero maraming nagheadbang sa kalsada na may hawak na “ITAAS ANG SAHOD!” at “EDUKASYON PARA SA LAHAT!”.

Kaya sino ang pipiliin mong iidolo? Ang rakstar na nagdodroga gamit ang sariling pera o ang gobyerno na hindi nagdodroga pero sabog ang utak at nakakairita ang lyrics ng kanta?




Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!