"Religion"
(Paunawa:
Ang sumusunod na blog ay pawang opinyon lamang ng awtor. Pasintabi sa mga
mambabasang ‘complete attendance’ sa simbahan)
Hindi ko na
talaga matiis. Gusto ng kumawala sa isip ko. May makati sa bandang kaliwa ng utak ko na
matagal ko ng gustong kamutin. Eto na siguro ang tamang oras (dahil naguguluhan
ako sa ugnayan ni ‘tamang oras’ at ‘bad timing’) dahil tulad ng hadhad at
balakubak na kelangan ng matinding atensyon, kailangan ng kamutin at bigyan ng
solusyon. Umpisahan na ang diskusyon tungkol sa isang usaping pihadong marami
ang magmumura at mag-aalay ng bigas. Ihanda ang sarili para sa makasunog-impiyernong
debate at bonding.
(Basahin ulit yung part ng ‘paunawa’
ng isandaang ulit bago tumuloy sa susunod na paragraph. Please lang. Opo.
Ngayon na po.)
Bale ganito kasi yan.
Kasalukuyan akong inaantok nun, araw
ng martes (7:45 pm). Kaka-time in ko pa lang. Hindi late kahit nakaubos ako ng
isang ‘playlist’ sa traffic. Hindi ko alam kung bakit sa dami ng pwedeng
pansinin ng katrabaho ko ng gabing yun, yung t-shirt ko pa. “Yan na naman siya.
Itim na naman…” na sinundan naman ng isa pang sulsol na “Nagtaka ka pa, lagi
namang nakaitim yan. Hindi kasi nagsisimba.” Hanggang sa naubos ang tatlong oras
ng pulos relihiyon ang topic---na ang mitsa e ang kawawa kong itim na t-shirt
na bukod sa kupas ay amoy pawis ng EDSA.
Sa lahat ng pwedeng diskusyunan at
ubusan ng common sense, mapapansin na trending ang usaping religion, bukod pa
sa politika at bagong sex video scandal. Mas humahaba at nagiging interesante
kung yung mga nag-uusap ay iba-iba ang pinaniniwalaan at may alak na
kasalukuyang ibinubuhos at pinapaikot. Aakalain mong may mga sapi ng mga anito
at lasing na anghel ang mga miyembro ng ‘hearing’ na lahat naman ay may punto
at tama. Pero gaya ng mga telenobela, mas
madalas na malabo
ang ending ng usapan. Walang nanalo. Walang humigit. Walang tinubuan ng pakpak
at halo. At wala ring umuwing may
bubog sa noo.
Matagal ko ng iniiwasan ang
makipagdebate sa ganitong uri ng usapin, pero dahil nabubuhay ako sa curiosity
at parang sanggol na inosente pa sa mga bagay-bagay, minabuti ko ng magbigay ng
ilang puna at obserbasyon. Hindi para sirain ang pananampalataya at hikayatin
kang magpa-convert. Basta curious lang talaga. At walang masama dun. Period.
Ilang beses ko ng naringgan ang
ilang ‘love story’ (lalo na sa radyo tuwing gabi) na hindi ‘happy ending’ dahil
sa usaping relihiyon. Kahit pa nga ang dahilan nila e “Mahal na mahal po namin ang
isa’t isa…”, mas litaw ang konklusyon na ‘hindi pwede’ at ‘bawal sa relihiyon’.
Ending, parehas talo.
Natatandaan ko pa yung sagot ng
isang candidate sa isang pageant kung saan, isinagot nito na kung talagang
mahal siya ng lalake, tatanggapin nito kung ano man ang pinaniniwalaan niya, at
kahit ano pa mang estado ng relihiyon niya. Palakpakan ang mga tao. Marami ang
natuwa at nabilib sa sagot niya. Nabigyan ng korona at naging usap-usapin na sa
mga sumunod na araw. Pero ako, gusto kong i-revised yung tanong.
Paano
kung ganun din ang itanong sa kanya ng boyfriend niya? Na kung talagang mahal
siya nito, dapat din niyang igalang at mahalin ang paniniwala niya? At kelangan
niyang magpa-convert alang-alang sa ‘pagmamahalan’?
Pero tapos na yun.
Unang tinuro sa’ten ng relihiyon na
mahalin at igalang ang lahat ng uri ng tao. As in lahat. Walang exceptions. Maging
mapagpatawad, kahit gaano man kabigat ang nagawang kasalanan sa’ten. Pero bakit
relihiyon pa minsan ang unang hadlang sa pagmamahalan ng dalawang tao?
Hindi pwede kasi iba ang sinasamba
niya. Hindi pwede kasi iba ang paniniwala niya. Hindi pwede kasi sumasamba siya
sa ____. Hindi pwede kasi yun ang tradisyon at paniniwala natin. Hindi pwede
kasi iba siya sa’ten.
Magulo. Talagang magulo. Problema ko
minsan ang pag-fillup ng ilang dokumento sa parte ng ‘religion’. Isinilang akong
katoliko, na-convert bilang ‘born-again christian’ hanggang sa ewan. Hindi ko
na alam kung ano ba talaga at kanino ba talaga ako maniniwala. Minsan gusto ko
na lang laktawan yun, pero hindi pwede kasi baka matagalan ang pagproseso. Nagdasal
pa naman ako na sana
mai-process agad. Kasi nakasalalay yun sa magiging trabaho ko, na ipinagdasal
ko rin sana
matanggap ako. At lahat ng yun ay nagsimula sa dasal, tapos lalaktawan ko pa?
Naging member ako ng kung anong
grupo sa simbahan noong elementarya pa lang ako. Katoliko ako nun. Hindi ako
sure kung grade 1 o grade 2. Basta yung panahon na yun, sikat pa ang panahon ng
mga holen, teks at trumpo. Tuwing linggo ng umaga, na madalas sinusundo pa ko
ni Brother (hindi ko na matandaan ang name niya), nagkakaron ng isang
pagpupulong o ‘bible study’ kasama ng ilang mga katulad kong chikiting. Hindi ko
na rin matandaan kung paano ako nasali dun. Kahit minsang ayaw ko at mas gusto
ko pang matulog, hindi ko magawang tumanggi dahil may sundo at may malalakas na
kalabit at tapik sa’ken si ermat. Kahiya naman kung tatanggi ako. Na-experience
ko kasing manalo ng laruan noon nung minsang magkaron ng activities. Sporsfest ata.
At dahil sabik sa laruan at sa pagnanais na magkaron ulit ng bago, napilitan
akong sumama sa mga activities tuwing linggo, kahit ang nasa isip ko lang noon
at libreng pagkain at laruan. Pero ilang buwan lang ata tumagal yun.
Hindi ako naging active sa pagiging
katoliko. Hindi ko nakumpleto ang ‘7 sacraments’. Nakakapagsimba lang ako nun
kung:
- Utos ni ermat. Pagtapos kasi
nun, meron akong choco butternut sa dunkin donut.
- Trip-trip na simbang gabi sa
pagnanais na matupad ang wish (kahit ano)
- May ka-date
- Birthday ng miyembro ng pamilya
- Iisip pa ko ng dahilan
Nang makatapos ako ng elementarya, na-convert
naman ako sa pagiging Christian. Mahaba ang istorya kaya wag na natin
pag-usapan. Dun natapos ang pagiging katoliko ko, at dun ko rin natutunan na
marami pala talagang pagkakaiba ang bawat religion.
Sa totoo lang, hindi naman magiging
katoliko ang bansang Pinas kung hindi lang naligaw ang mga kastila dito sa
bansa naten. Kung natatandaan mo pa ang history na itinuro nung elementary ka
pa lang, mga kastila ang nagpakilala sa’ten ng paniniwalang katoliko. Iba pa
ang sinasamba ng mga ninuno naten noon.
Iba ang politika sa relihiyon. Parehong
komplikado. Kaya dapat hindi sila nagyu-unite para lang makagawa o makalutas ng
problema ng bansa. May sariling batas ang gobyerno. At ganun din naman ang
simbahan.
Kung talagang mabuti ang hangarin ng
mga relihiyon sa buong mundo, at puro kabutihan ang pangaral nila sa’ten, bakit
sila mismo ang nag-aaway-away?
At bakit natin ginugunita ang araw
ng patay tuwing November 1? Ang gulo talaga. Di ba araw ng santo yun?
Ang religion sa ngayon ay parang
tradisyon na lang. Hindi mismong ina-apply sa pagkatao. Kelangan mo ng ganitong
klase ng asosasyon kasi kasama ito sa mga pi-fill up-an mo sa ilang dokumento. Pero
wala itong kinalaman sa aaplayan mong trabaho. Dapat kasali ka dito, hindi
dahil sa masaya ka at gusto mo, kun’di minsan o kadalasan, ayon na rin sa
paniniwala at tradisyon. O utos ng magulang. Lang. Pero may option ka pa kung
sakaling mas gusto mo yung ‘iba’, kesa sa nakasanayan. Mas magandang pumili ng
grupo na naaayon sa sariling kagustuhan. Hindi ng dahil lang sa inggit, nang
dahil lang sa impluwensya. Dapat ikaw mismo bukal sa loob na “Sasali ako dito
kasi masaya dito!”. Hindi isang larong-kalye ang religion na gusto mo ng umayaw
dahil hindi ka na masaya at pagod ka na, aalis ka na.
Pag-aralan mo: May isang empleyado
na madalas nagpapaalam para um-absent dahil sa may kung anong activities daw
ang kanilang relihiyon. E ang kaso, kelangan siya ng kumpanya dahil sa tambak
ang trabaho. At dahil sa konsensya, mas pinili nito ang um-absent. Kinabukasan,
sinibak siya ng kumpanya dahil sa AWOL.
Ngayon, ano ang point nito?
Una, sigurado akong katakot-takot na
dasal ang inusal ng empleyado para matanggap sa kanyang trabaho. At dahil may
responsibilidad na siya sa relihiyon at trabaho, may mga pagkakataon na
kelangan niyang mamili sa dalawa. Ngayon, alin ang pipiliin niya? Yung
relihiyon na dinasalan niya para magkatrabaho, o yung trabaho na nagbibigay sa
kanya ng pera para may mailaglag sa ‘donasyon’, pambili ng bagong damit pansimba,
pamasahe papuntang simbahan, pagkain at gastusin sa bahay, at smartphone na
dinawnlodan ng application na ‘bible’?
Wag mo ng sagutin.
Comments
Post a Comment