"May Batas ba ang Social Life sa Pinas?" Part 2: A Valentines Adventure

First time kong kakain sa Sambokojin. May ka-date kasi. Bukod sa araw ng mga puso, birthday din ni ka-date. Siya na ang nagplano na dun kami kumain dahil bukod sa siya ang magbabayad (libre kasi yung may birthday), ma-experience ko naman daw dahil okey at mae-enjoy ko naman daw ang nasabing kainan. Pero may advance warning na siya na baka mag-antay kami sa pila sa dami ng kumakain. Okey lang, tutal treat naman niya. Menos-gastos. Ayoko naman talaga kasi balita ko mahal kumain dun. Pero dahil nga sa treat niya, hindi na ko nagpakipot.

(Hindi po ito advertising o promotion)

Sa isang mall sa Las Pinas kami nagpunta. Gaya ng inaasahan, trapik ang mga kakalsadahan (asa pa!). Valentines Day + araw ng sahod + araw ng sabado = parusa. Mahigit isang oras ang biyahe. Para ka na ring nakatapos ng pelikula. Gutom na ko, puyat at amoy-bituka ang hininga. Nakakahiya tuloy mag-side comment sa mga kinukwento ni ka-date. Sa mga oras na yun, puro pagkain na ang nasa utak ko.

Pareho naming hindi alam ang eksaktong puwesto ng kainan kaya nagpalakad-lakad muna kami pagkadating sa mall. Madaming tao. I mean, mas maraming tao ngayon kumpara sa mga normal na araw sa mall. Panigurado akong 70% ng nasa mall ay magkaka-love team o may ka-date. Yung natitirang porsyento e nakiuso lang kahit single. Yung iba e wala lang magawa sa buhay. Bawat kainang makita namin e parang pila sa NBI. Tiyagaan at tiisan sa ngalan ng araw ng pambansang date. Masuwerte ka na kung hindi ka makakabangga ng balikat sa paglalakad sa dami ng tao.

Hindi rin naman nagtagal (mga 10 minutes), natagpuan na din namin ang kainan.  Maganda at malaki ang puwesto---pero may bagong parusa. Full house ang kainan, at kabilaan ang pila. Lalo akong nanlambot. Parang mas gusto ko ng kumain sa mga fast food. Mura na…yun na yun.

“Mga one hour and thirty minutes pa daw, okey lang sa’yo?” tanong ni ka-date.

Wow! Isa’t kalahating oras? Baka makatapos pa kami ng isang pelikula ulit niyan? May welga na sa bituka ko, at ayaw daw nila ng paasa! Pero ano bang magagawa kong buraot?

“Sige lang, nakaplano na to e.”

“Ite-text na lang daw tayo pag next in line na.” matutuwa ba ko dapat dahil sa libreng sms promo nila?

Matapos ibigay ang contact number ni ka-date kay ateng sumabog ata ang foundation sa mukha, lumakad na kami para maghanap ng pantawid-gutom pansamantala. Dahil pareho kaming gutom, napagdesisyunan muna naming pumapak ng nachos sa food court. Ganun din ang sistema, maraming tao. Find the missing blank ang mesa, talo ang mabagal at malabo ang mata.

Ito minsan ang dahilan kung bakit ayaw kong nakikipagsabayan sa uso. Parang may disaster. Ang hirap kumilos, masabi lang na nakiuso. Lahat napapraning kung paano gagastusin ang pera, habang sumasaya naman ang ekonomiya ng mga negosyante. May mga pagkakataon na ayos lang naman tumambay sa mall (kung may pera), pero kung may okasyon ( sabayan pa ng araw ng sahod at “sale”), nevermind. Maraming pagkakataon para i-celebrate ang valentines day, pero hindi ko pinangarap makipagsabayan para lang maging ‘in’ at makiuso. Kita mo, lahat ng produktong may kinalaman kay kupido e nagtataasan ang presyo. Magmula sa chocolate, bulaklak hanggang sa tatlong oras na “cable tv, aircon room with free wi-fi for only P300.00 every weekdays”. Pero dahil uso, walang pake ang may mga pera. Paligsahan ng mga maluluho at gustong maging pinaka-romantic sa araw na yun. Wala namang contest.

Halos magi-isang oras din ang lumipas bago kami nakapasok sa pangarap na kainan. Nabawasan na ng bahagya ang appetite ko at parang nalalasahan ko pa ang cheese sa dila ko kaya medyo hindi na rin ganun ka-exciting ang entrance.

Out of curiosity lang naman kaya napapayag na rin akong kumain dito. Eat all you can ang sistema. At ang interesanteng parte e yung ikaw mismo ang magluluto ng kakainin mo, gamit ang ‘smokeless-grill’ machine. Ang cute di ba? Luto mo, kain mo. At dahil malawak ang meaning ng ‘eat all you can’, nasa sa’yo na yun kung paano mo susulitin ang bayad. Kung tatablan ka man ng kahihiyan o takaw-mata, side effect na lang yun. Bayad ka naman kaya no worries.

Nauna na akong kumuha ng pagkain. Madaming pagpipiliian. As in marami. Tatalunin nito ang mga handaan tuwing fiesta o birthday ni mayor. Magmula sa karne ng isda, baboy, baka, manok, gulay, desserts, soups, etc. Pero para hindi malito kung ano o alin ang hindi pa natitikman, sa unang parte ng mga karne muna ko namili. Sunod-sunod na section para organized. At para masiguradong matikman ang lahat (na malabong mangyari), paunti-unti lang ang kuha. Nakakailang nga minsan dumampot ng marami, lalo pa’t may mga kasabay ka ding mga kamay na dumadampot din ng pareho niyong trip. Napag-initan ko nga yung hipon, pero dahil sa kahihiyan e hindi ko nagawang kunin lahat yung apat na natira. Tatlo lang yung kinuha ko, hehe.

Oo, masarap naman ang pagkain habang yung ibang karneng kinuha ko e nakababad lang sa lutuan. Kelangan kong isipin at lasahan na masarap dahil libre at mahal ang presyo ng nginguya ko nung oras na yun, pero hindi ko maiwasang makaramdam ng pagka-ilang at discomfort. Malikot ang mga mata ko at common sense habang busy ang bibig ko kakanguya.

Hindi ako natatae. Hindi lang ako sanay sa mga kainang pang-high profile.

Kung oobserbahan ang lugar, puro may kaya sa buhay ang mga customer. Puwede ko ring isipin na yung iba e katulad kong nalibre lang, o sabit lang. Puwedeng yung iba e pinaghandaan/pinag-ipunan kahit sapat lang ang pera o sahod. Pero kung papansinin mo ang ambiance at takbo ng eksena sa loob, mararamdaman mong para ka na ring naging mayaman, kahit saglit lang sa buong buhay mo, kahit ang totoo e gusto mo lang naman maki-experience, gaya ng iba.

Nakakailang pa nga yung katabi naming magka-love team (mga college student ata). Maya’t maya nagsusubuan at nagpi-picture. Ang sweet nila? Oo, siguro. Lakas maka-PDA e. Pero that’s none of my business. Ang sarap ng bacon, bahala na sila maglampungan.

Hindi ko na matandaan kung nakailang tayo ako para tikman ang pagkaing yung iba e first time ko lang nakita o natikman. Hindi ako foodie, pero walang masama mag-experiment kahit paminsan-minsan. At gaya ng experiment sa mga science lab, hindi naman lahat successful. Gaya nung isang pagkain na tinikman ko. Ayokong sabihin na hindi masarap. Teka, mas okey ata na ‘hindi ko trip ang lasa’. Yun. Play safe.

Trenta porsyento ng mga customer sa mga oras na yun e mga foreigner. Kung oobserbahan mo ang kilos at gesture ng mga customer, masasabi mong hindi sila nakakaranas ng gutom, kahit minsan. Panigurado akong marami sa kanila e de-kotse. Mas masuwerte pa kung may sariling driver.

Nasa isang lugar ako na bibihirang tapakan ng mga simpleng tao. Yung mga taong katulad ko na minsang nangarap makakain sa magarang lugar, kahit isang beses sa buhay nila. Yung mga taong masaya na sa mga mamantikang value meal. Yung mga taong umaasa lang sa minimum wage. Parang ako.

Busog ako, at medyo masaya naman. Nakatikim ng bagong putahe, nakaranas ng bago sa kainan. Mas malupit pa sa fast food. Mas astig pa sa mga fine dine. Pero sumasagi sa isip ko na hindi na ko babalik sa gantong kainan, lalo pa kung sariling pera ang gagamitin. Hindi dahil sa kuripot ako o hindi ko nagustuhan ang pagkain, kun’di hindi ako komportable. Gusto kong kumain ng payapa ang utak at hindi naiilang. Ayokong makibagay sa isang lugar na ako mismo sa sarili ko e hindi bagay. Hindi yun self-pity. Trip ko, yun ang term. Okey na ko sa katagang ‘ma-experience’ tutal hindi naman required sa buhay ang kumain sa mamahaling kainan.

Sa kabilang banda, nakakatuwa din namang isipin na kahit naghihirap ang Pinas, marami pa rin pala sa’tin ang nakakaraos sa buhay. Yun nga lang, mas mataas ang bilang ng mga taong hindi kilala ang fried chicken.

“May ice cream dun, gusto mo?”


Nasusuka na ko. Pero parang gusto ko ng ice cream.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!