Kelan At Paano Naging Weird ang Normal na Bagay?
Isa sa dating katrabaho ko noon ang hirap na hirap akong sabayan sa pagkain tuwing breaktime. Hindi dahil sa buraot siya, kun’di may kakaiba siyang paraan o sariling version ng paggamit ng ketchup. Isipin mo---ginisang munggo---may ketchup. Totoo to, hindi joke. Ang akala ko e naglalaro lang siya. Trip-trip lang. Pero yung mga sumunod na araw ang lalong nagpakunot ng noo ko at sumira ng appetite. Isipin mo na lang ang tinola, ginisang pechay, pakbet at nilaga---lahat sila may halong ketchup. Pero hindi lang naman siya ang kakilala kong may pagka-weirdo pagdating sa pagkain. Isang kababata ko naman ang naglalagay ng mayonnaise sa lahat ng ulam. As in, lahat---may sabaw man o tuyo. Mas ginaganahan siya sa ganung style at mapapansing hirap siyang ganahan kumain kung wala nito. Habang enjoy na enjoy siya sa sarili niyang recipe, curious naman kaming mga kasabay niya sa pagkain. Mantakin mong pati yung inorder naming spaghetti sa isang fastfood, hinanapan niya ng libreng mayonnaise.