Unfriend kita, Like mo?

Huli mong naaalala na ‘yung friends mo sa peysbuk eh may bilang na 100. Nung nag-check ka pagkagising sa umaga nang may simoy ng ‘morning breath’ at may nakaharang pang muta sa mata, 97 na lang.

            Bale tatlo sa kinikilalang mong ‘friends’ eh malamang na isinumpa ka na, naisama ka bilang ‘block-user’ o kung matindi-tindi pa, nai-report ka bilang spam user.

            Nagtataka ka ngayon kung ano ang tunay na dahilan ng pagkabawas ng bilang ng ‘friends’ mo sa nasabing profile site. Curios din kung close friend ba, katrabaho, dating klasmeyt, kainuman, nakasamang pumila noong nakaraang bagyo para makipag-agawan ng relief goods, kapit-bahay o EX ang walang awang pinindot ang makasaysayang “unfriend’ o “block user” button ng walang pasubali o hindi makatarungan. Ni hindi ka man lang nakatanggap ng advance warning na kelangan nilang alisin ang kasaysayan nila sa sarili mong account.

            Anong nangyare?

            At bakit?

            Sa pagkakaalam mo sa sarili mong pagkatao, wala ka namang nagawa o ginawang masama, bukod sa huli mong status na “F*** Y*** ka kahit kelan!”. Wala ka ring diagnosis na schizo o bipolar. Hindi mo rin natatandaan na tinext mo ang sarili mo kung “ok k lng b?” sa mga oras na hindi mo maintindihan mismo ang sarili mo. Hindi mo rin matandaan kung lumagpas na sa 100x na natawag kang baliw.

            Alam mo sa sarili mong ‘walang mali’ sa pagkatao mo.

            Hindi ka rin baliw, ayon na rin sa sarili mong pananaw at bulong ng subconscious mind.

            Nakikiuso ka naman kung ano ang uso. Kilala mo ang mga sikat na artista at alam na alam mo ang lahat ng ending ng mga telenobela/serye/blah-blah-blah. Updated ka sa kung ano-anong tsismis. Maayos naman ang pananamit mo at cool ang hairstyle mo. Hindi rin naman pahuhuli ang mga gadgets at anik-anik mo sa katawan.

            Hindi ka laos.

            Pero alam na alam mong iilang tao lang ang nangahas ayain kang sumabay sa pagkain tuwing breaktime. Hindi ka rin nadadaanan ng group messages. Bibihira ka ring maimbitahan sa kung ano-anong okasyon. Walang gusto mag-post sa wall mo, bukod sa humihingi ng pabor na “Paki-like naman ‘yung pic ng aso ko. Thanks!”. Hindi mo pa rin naranasang mailibre ng pamasahe ng kung sino mang kakilala. Hindi ka pansinin sa sarili mong pamayanan at pakiramdam mo, suplado ang mga tao sa paligid mo. Kung may mabuting taong nakakain ng ‘lakas-loob meal’ na babati man sa’yo sa peysbuk tuwing birthday mo, “HBD” lang ang salita o letrang mababasa mo. Wala man lang smiley.

            Loner ka. Kahit meron kang 97 friends sa peysbuk. Hindi ka pa sigurado sa term na ‘friends’.

            Hindi ka kasi ganun ka-friendly at ‘congeniality’ sa mga taong nakabanggaan mo ng balikat o nakakatanguan sa kung saan mang lugar ka napapadalas. Kasi, hindi ka naman talaga ganun.

            So, ano ngayon ang problema?

            Tanungin ang sarili: May kulangot ba ko?

            Mali. Ulit.

            Anong problema ko? O nila?

            Bakit marami ang ilag at hindi ako pansinin kahit marami akong pera at nakatira ako sa isang magarang subdivision?

            Hindi naman ako anak ng senador.

            At nagbibigay naman ako ng barya sa pulubi.

            What’s the problem???

            Ngayon naman, kung satisfied ka na wala naman talagang mali sa pagkatao mo, eto ang follow-up question:

            Anak ka ba ni Lucifer?

            Madalas ka bang makarinig ng katagang “Sama ng ugali mo!”

            Suplado/suplada image ka ba?

            Lagi ka bang nakakarinig ng bulungan at nakakakita ng mga kilay sa kisame sa tuwing magsasalita ka?

            Mas matangos ba ang nguso mo kesa sa ilong pag naglalakad?

            Sobrang-closeness ba ng kilay mo kahit hindi naman maaraw?

            Kung OO, ‘wag na magtaka. Nasagot na ang katanungan mo.
           
            Wala sa pananamit o bank account ang problema. Baka nasa sarili mo na,

            Kung ganito ang sistema ng buhay mo mula pagkabata hanggang sa mabasa mo ang epal na blog na ‘to, baka ganito ka mag-isip:

  1. NAIIBA SILA!” – alam mong tao sila, pero itinatanggi mo dahil kakaiba sila. Hindi mang direktang alien ang tingin mo sa kanila, pero pakiramdam mo, hindi ka nila naiintindihan. Baket? Siguro dahil hindi mo masakyan ang trip nila. Ayaw mo sa mga bagay na common kaya pilit mong maging tulad ng nakararami, pero ‘kakaiba’ pa rin ang tingin nila sa’yo.  Anong dahilan? Baka nakokornihan ka sa mga common na bagay. ‘Yung mga bagay na normal namang gawain ng isang tao, iniiba mo. Ibang version. Kakaibang trip. Unique.

            O baka naman ikaw na ang naiiba sa kanila?

            Baka naman hindi normal ang normal na mga bagay sa’yo?

            Hindi kaya?

            Baka nagpapawis ka ng anesthesia kaya hindi mo nararamdaman ang tingin at approach ng tao sa’yo. Na baka ‘weirdo’ na rin ang tingin nila sa’yo dahil mas gusto mong gawin ang mga bagay na alam mong normal kahit hindi naman. Baka sinasadya mong maging kakaiba para lang mapansin dahil alam mong hindi ka pansinin. Meaning, weirdo ka nga, ng hindi mo namamalayan.

  1. LAGI NA LANG SILANG GANYAN!” – Same-same-same. Iniiwan ka ng mga tropapips at friendship mo dahil paulit-ulit ang masasamang ugali nila. Na parang mga clones lang ang mga taong dumadating sa buhay mo. Wala silang pinagiba. Yun at yun pa rin ang masasamang ugali nila.

            Teka…baka lagi ka ring ganun kaya lagi silang ganyan?

            Na hindi mo man lang mabago ang sistema ng pakikisama mo dahil sa alam mong tama ang ginagawa mo. Na sa pagkakaalam mo eh laging okey ang pakikisama mo kahit marami na ang gustong ipa-blotter ka o ipakulam para tubuan ng tagyawat sa kili-kili. Madalas ikaw lang ang nakakaalam na tama ka, kahit ayon sa survey eh ikaw lang ang mali.

            Baka nga lagi kang ganun.

            Laging tama kahit mali. Feeling leader kahit hindi. Feeling matalino kahit alanganin ang opinyon. Hindi tumatanggap ng kahit anong opinyon. Ang lahat ng bagay ay tama sa sarili mong pananaw, kahit madalas kang nasasapak sa inuman. O nasasampal sa parlor.

  1. PAG-PRAY NA LANG NATIN SILA!” – Wala kang magawa kaya humingi ka ng tulong kay BRO. Alam mo sa sarili mong hindi dapat patulan ang mga ‘walang kwentang tao’ kaya dapat ipagdasal na sana unahin na silang kuhanin ni BRO bago ikaw. “Lord, kuhanin mo na si [insert your favorite enemy here] kasi masama ang ugali niya, Amen!” sabay irap tulis-nguso mode.

            Dahil mabuti kang tao at alam mong sila ang laging mali, idinadaan mo na lang sa dasal ang paglaho nila, instantly. Na hindi tumatalab ang mga patama mong status na “Ang panget ng manicure mo!” kaya last resort ang pray-over. Na alam mong hindi cool ang blackmail at pagpapakidnap dahil mabait ka at hindi makatarungan ang mga bayolanteng aksyon sa mga walaaaaang kakwenta-kwentang bagay.

            AT DASAL ANG SAGOT SA MGA MASASAMANG TAO.

            (cool ba? Meron pa dito www.facebook.com/sijuanmandaraya)

            Ngayon, kung hindi ka naman ganun magisip, baka ganito ka naman:

  1. SOBRANG BUSY – hindi mo na sila kilala. Masyadong kinakarir ang career at sumbora sa fast pacing ang buhay mo. Mas alam mo ang istorya ni MS WORD at araw ng sahod kesa sa mga tropa mo. Wala kang pake sa mga kung ano-anong imbitasyon, mapagala man o simpleng kainan. Panay ang tanggi mo sa mga alok na gimik, na kahit ang pagiging ninong/ninang eh iniilagan mo. At huli na ng ma-realize mong unti-unti na silang nawawala sa’yo.
  2. WALA SA VOCABULARY ANG SALITANG “SORRY” – minsan ng nakakatuwa ang kalokohan, at mananatiling kalokohan kung may kasamang “sorry” sa huli lalo na kung umabot na sa pag-aaway o ubusan ng lahi. Dalawang syllables lang naman ang sorry, kumpara sa salitang “Anong pakelam ko kung magalit ka?”. Kung nagkamali, wag mag-pretend na parang walang nangyari. Pwedeng nakangiti sila habang kausap ka, pero malamang na umuwi kang masakit ang likod sa dami ng backstab. Hindi naman kelangang dramatic ang pagso-sorry. Tamang timing lang, mas effective.
  3. DEMANDING – sa lahat ng lakad, ang salita mo ang batas. Sa lahat ng usapan, ikaw ang dapat nasusunod. Na dapat lagi kang liyamado sa kung ano mang usapan. Mauuwi sa wala ang lahat ng lakad kung hindi rin lang masusunod ang gusto mo. In short, kupal ka.
  4. WALA MAN LANG MORAL SUPPORT – hindi dahilan ang pagiging busy para hindi makapagtext ng “Galingan niyo mamaya ha?” sa tropang nangangailangan ng positive statement sa larangan ng kung ano-anong trip. Sabihin na nating wala kang time para manuod at magsisigaw ng “I-shoot mo, tanga!” sa basketball league, pero ang salitang ‘goodluck’ ay isa sa umaatikabong salita na naglalaman ng milyon-milyong kahulugan lalo na sa mga sa mga taong uhaw sa moral support. At dahil tropa ka nila, expected nila na susuportahan mo sila, kahit man lang sa paggamit ng bawal na gamot. Pero syempre joke lang yun.

            Ngayon mo kausapin ang sarili mo kung bakit hindi lumalagpas sa isandaan ang friends mo sa peysbuk.

            Sa susunod na mabawasan ang bilang ng friends mo sa peysbuk, itanong mo sa sarili mo:


            KUPAL BA ‘KO? O SILA YUNG KUPAL?

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!