Onli In Da Pilipins Part 3: (Un)Reality Shows
Bilib na
bilib ako noon nung unang ilabas sa telebisyon ang ‘mother of all reality shows”
na “Survivor” taong 1997. Title pa lang, alam mo ng hindi ‘cheesy’ at basta-basta
ang magiging takbo ng teleserye. Kahit pa nga noong mga panahong yun e hindi
ako mapakali kakaantay ng ‘Mask Rider Black’ (sabado, 5:30 pm) at ‘Power
Rangers’ (biyernes, 7:00 pm) sa telebisyon, naging interesado ako sa isang
programa na hindi naman maabot ng kawawa naming antenna. Mabuti at may kapitbahay
kaming nakakaunawa sa isang batang katulad ko (noon) na payagan akong dumungaw
sa bintana para makapanuod, habang ngalay na ngalay na nakatingkayad, amoy-araw
at tagaktakan ang pawis dahil sa maghapong paglalaro.
Napanuod mo
na ba yung movie ni Tom Hanks na ‘Cast Away’? Bale yung istorya e nag-plane
crash sa isang island yung eroplano niya (sa FEDEX pa siya nagta-trabaho) at
bukod tanging siya lang ang nakaligtas. Isipin mo, isang island, ikaw lang ang
nilalang. At ang mga present lang na hayop e yung nasa dagat na kinalaunan e
naging pagkain na niya matapos mawalan ng option kakakain ng laman ng buko. Walang
wild animals na pwede niyang gawing pet o kausapin sa mga oras na kelangan niya
ng social communication. Lahat ng mga bagay na nagdudulot ng salitang libangan,
wala lahat. As in WALA. Ang tanging pinagsasayangan niya lang ng laway at
bokabularyo ay si Wilson
(bola ng volleyball na kasama sa mga bagaheng himalang nakarating ng island). At
dahil wala namang kuryente at internet para mag-post ng status na “HELP!”, wala na siyang ibang choice kun’di maghanap ng
mga bagay na magdudugtong sa buhay niya, nang hindi gumagamit ng pera at credit
card. Yung ending e nakabalik pa rin siya sa modernong buhay, pero hindi na
tulad ng dati na normal.
Ganun din
ang konsepto ng Survivor. Lahat ng mga bagay na nakasanayan mo sa modernong
panahon: pagkain, damit, tirahan, laro, leisure, past time, gadgets, kaartehan
at hindi-naman-necessary-talagang-gamit, WALA. Mararanasan mo ang mamuhay nung
mga panahon pa ng kuweba at kung paano natuwa ang mga caveman sa pag-diskubre
ng apoy. Ang pinagkaiba lang nito sa experience ni Tom Hanks, may mga
makakausap at makaka-plastikan ka sa mga oras na gusto mong gumawa ng ratings
sa telebisyon. At kung balak mo talagang gumawa ng pangalan kahit kabawasan ng
dignidad at kahihiyan.
Mantakin mo,
sa loob ng mahaba-habang panahon, milyong tao ang matutunghayan ang maghapon at
magdamag mong kilos magmula sa paghikab, pagkamot ng puwet, pagkilatis ng tinga
hanggang sa mga challenges na may katapat na premyong hinding-hindi mo mapapanalunan
sa mga Christmas raffles o quiz bee. Malaya kang
magmura (yung bad words) anumang oras mo naisin. Pero siyempre censored na yun
sa national tv. Malaya kang makipag-away at gumawa ng istorya sa ngalan ng
ilang kilong bigas, unan, kumot at ilang mga premyong ipagdarasal mo na sana bumagsak galing sa
alapaap. Pwede mong ituring na isang mahabang bakasyon ng summer ang mga araw
na naroroon ka pa (kung hindi ka agad mabo-vote out). Pero isang malaking PERO,
kalaban mo dito ang homesick, pagkaburyong, LSS, matinding crave, inip at bungang-araw.
Sino mang makaranas nito, tiyak na ang pagkatalo.
Dahil sa
isa itong strategic na laro, uusbong dito ang mga hindi aakalaing plastikan,
siraan, backstab-an at story-telling. Bukod sa apoy at masisilungan, kelangan mo
ang mga ganung talento para sa kapakanan ng iyong estado bilang contestant. Mas
matindi ang pagiging poker face, mas malaki ang tiyansang makapanloko, manalo
at sumikat. Hindi uubra dito ang mga salitang sacrifice, pakikisama at honesty.
Magagamit mo ng matagal-tagal ang salitang ‘team work’, pero sa bandang huli,
matututunan mo ng baligtarin ang prinsipyong “There’s no I in a team”.
Ganun katindi
ang pagkahanga ko noon sa nasabing programa. Pero nung tumagal, parang nawawala
na ang konsepto ng pagiging ‘reality’. Napapansin ko kasi na parang nagiging
scripted na ang mga kilos at galawan ng mga contestant. Babaliin ng ilang
eksena ang mga expected na mangyayari dahil lang sa…ratings. Wala ng iba. Doon ko lang naisip na “Oo nga pala, media pala ‘to.” Papaikut-ikutin
ng mga contestant ang takbo ng mga eksena hindi dahil sa kagustuhan ng
sitwasyon, kun’di dahil na rin sa kagustuhan ng director at script writer.
Ewan kung
impluwensiya yun ng mga telenobela.
Nang
ma-realize ko ang mga ganung eksena, nawalan na ko ng gana manuod ng reality
shows.
Sayang.
Ewan kung
yun ba talaga ang formula ng mga reality shows sa panahon ngayon. Napakababaw
at obvious. May isang maimpluwensiyang pwersa na nagdidikta sa lahat ng mga
pwedeng ikilos, gawain at ‘statement’ ng mga contestant sa ngalan ng showbiz. At
rating. Mas nangingibabaw ang showbiz kesa sa thrill ng mga episode. Nakakawalang-gana
at panghihinayang. Sayang talaga. Sayang yung salitang ‘reality’.
Nitong mga
nakaraang taon lang, umusbong na parang puting-buhok ang lahat ng klase ng
reality shows sa maraming network company. At ang all time favorite dito ay ang
singing competition kasunod ang talent competition. Pero gaya ng mga class A na gamit, hiram lang
natin sa mga kanluraning bansa ang ganung sistema ng programa. Meron man tayong
orihinal, hindi bumenta.
Nami-miss
ko ang mga competition sa telebisyon na walang mga huradong epal na kung
makapagbigay ng komento o reaksyon e punung-puno ng talent sa katawan. Nakaka-miss
ang mga paligsahan na hindi kelangan ng text-voting. Hinahanap-hanap ko ang mga
talent shows na hindi kelangang halughugin ang pinaka-madramang parte ng buhay
ng isang contestant. Madalas kasi na mas nananalo ang mga kaawa-awa, kumpara sa
mga talentado.
Napansin mo
ba na yung mga nananalo ng talent/reality shows e hindi rin naman nagtatagal
ang career sa industriya ng showbiz o sa music industry? Maaga silang
nakakalimutan ng mga taga-hanga? Bakit kaya?
Tingnan mo
si Regine Velasquez-Alcasid. Ilang dekada na ang kasikatan niya. Alam mo bang
una siyang nadiskubre sa isang singing competition sa telebisyon nun na “Ang
Bagong Kampeon” (akala ko Tanghalan ng Kampeon, mabuti at sinilip ko muna sa
wikipedia) na walang epal na judges at text-voting? Ngayon, ano-ano ba ang mga
naging achievement niya? Silip ka na lang din sa wikipedia. Madami kasi.
Siguro nga,
iba na ang definition ng ‘reality shows’ sa telebisyon ngayon. Siguro nga,
dahil sa kelangan ng kaunting pagbabago at innovation sa isang programa kaya
dapat lagyan ng mga talentadong hurado ang isang kompetisyon para mas cool at
mas mapuna ang talento. Siguro nga, mas maganda at makulay ang kompetisyon kung
may mga huradong tatayo at papalakpak, o kaya’y luluha habang nagkukuwento ng
talambuhay ang isang contestant. Siguro nga mas lilitaw ang talent ng isang
contestant kung may mga huradong nagbibigay ng payo sa’yo kung ano-ano at alin
ang mga dapat at hindi mo dapat gawin sa pagpapakitang gilas. Siguro nga, mas
matibay na ebidensya ang milyong-milyong boto sa text ng mga televiewers kung
sino ang karapat-dapat na manalo. At siguro nga, mas malaki ang makukuhang
premyo ng mga contestant kung patuloy na magu-ubos ng load ang mga televiewers
para lang iboto ang kaawa-awang contestant, mas guwapo/maganda, pero hindi
naman talaga talented.
Okey na direk, set na po tayo. Kabisado
ko na yung script…
Comments
Post a Comment