Bakit Ba Kasi Naimbento?



Bored na bored ako ng araw na iyon. Ewan ko ba. Araw ng Martes. Kasalukuyan akong nakatitig sa monitor noon at walang puknat kong kinakalabit ang keyboard. Humihinto lang ako pag nakaramdam ako ng pagod o gusto ko mangulangot. Makailang hikab at pagmumura na ang nagagawa ko dahil hinihila ako ng sarili kong antok. Mortal sin pa naman yun sa trabaho ko. Bawal ang lipad-utak. Hindi tulad dati na pwede akong humingi ng tulong sa kape, kaso bawal na daw sabi ni dok. Sa dinami-dami ng pwedeng ibawal, KAPE pa. Samantalang kaya kong laktawan ang almusal basta lulong ako sa kape. Yun ang tinuring kong energy drink kahit walang logo ng cobra o ng hapong may hawak na samurai. At kung bakit parang walang talab sa’ken ang energy drink, hindi ko alam. Kaya ayun, minsan nagtitiyaga ako sa mga kending ‘coffee flavor’. Ok na rin kesa wala. Hindi naman pwedeng daldal ako ng daldal at usisain ko ang personal ng buhay ng katrabaho ko. Baka magiyakan pa o isiping alagad ako ni Lolit Solis.

Sa araw-araw na schedule sa buhay lalo na sa trabaho, minsan kelangan mo din ng ‘sugar rush’.

Marami ang nagpapasalamat kung bakit naimbento ang kape. Hindi dahil sa may bago ka ng tambayan, o bagong primary photo na may kalakip na status sa fb na  “Here in starbucks with my super-duper-sosyal-frends”, kundi dahil sa napakinabangan ng nakararami lalo na sa mga taong naghahanap ng ‘gising’ at simpleng ‘tadyak’ sa utak, o nanghihiram ng pansamantalang gising (sakto pa namang maghapong makulimlim ang araw na ito, at kasalukuyang umaambon at may naririnig akong boses sa di kalayuan na nangaasar at sinasabing “magtimpla ka ng kapeeee…”). Kelangang iwasan ang tukso. Hindi labanan.

Yung hindi matapos-tapos na satisfaction ng tao ang ugat na dahilan kung bakit marami pa ring malilikot ang utak ang patuloy na nagiimbento ng kahit ano para sa pangangailangan ng isang tao. Marami pa daw kasing blanko at kulang sa necessity ng isang tao kaya samut sari na ang mga bagay na pwede mong bilhin sa kung saan na tatapos ‘pansamantala’ sa satisfaction ng tao. Ang hindi natin alam, ang tinuring nating kapakipakinabang na bagay, ang syang gagawa ng problema sa mismong lumikha at kokonsumo. Hindi damay ang notebook na gamit ko ngayon. Isa siya sa necessity ko. Pati na ang internet. Pati na yung cellphone. Damay mo na rin yung charger.

Ayun nga, dahil sa bored ako ng mga oras na iyon at pinaparusahan ako ni antok kaya umisip na lang ako ng pwede naming pagubusan ng common sense at debate ng mga katabi ko at kapwa empleyado. Out of nowhere, naisip ko ang ganitong tanong:

“Magbigay ng mga bagay na sana hindi na naimbento”

Rules:

  1. dapat hindi tatamaan ang pilosopiya ng relihiyon
  2. bagay lang, wag idamay ang tao
  3. siguraduhin lang na ang lahat ay sasang-ayon, bale hindi tatanggapin ang nasabing bagay kung may papalag at violent reaction(s)



At heto ang ilan sa mga bagay na nominee at talagang pinagisipan ng matagal:


1. GADGETS – Walang sisihan. Aminin na nating nagpaloko tayo sa ganitong bagay. Isa din sila sa malakas kumain ng kuryente at enerhiya, bukod sa 12 oras na telebisyong walang patayan. Wala tayong pakelam sa presyo nila basta sa ngalan ng uso at necessity kaya dapat meron tayong isa o higit pang gadgets sa buhay naten. Entertaining at isa sa mga dahilan kung bakit dapat kang bansagang mayaman at sosyal. Katuwang ng mga taong gustong makausap ang isang tao sa pamamagitan ng linya o signal kahit pa nasa lababo ka ni Lucifer. Inaalis nito ang ‘boredom’ ng isang tao at isinasama na rin sa budget tuwing araw ng sweldo. Pero isipin na lang naten na isa sila sa dahilan kung bakit marami ang nagkaron ng trabaho. Kahit pa may piracy at  ‘class a’. Dahilan din ito ng pagaaway ng magjowa. Ex: wrong send.

Kung hindi naimbento: Nagkalat ang mga transistor at walkman sa mga suking malls. Problema ang mga battery-ing ilang oras lang ang enerhiya. Dagdag na kalat sa bahay ang mga nakapilang tape o minus one. Magtiyaga sa snail mail. Ang maganda sa ganito eh natutupad ang ‘call time’ tuwing may lakad. Walang palusot na text na ‘on the way na’ kahit maliligo pa lang. Hindi uso ang wrong send at nakakakonsensyang ‘chain message(s)’. At mabili pa rin ang song hits.


2. PLASTIK, STYRO atbp – Sobrang sang-ayon. Wala ng debate pa. Hindi na kelangan ng court of appeals para dito. Problema ito ng mother nature, damay mo na rin ang baga naten. Hindi natin katatakutan ang limang Sendong o Milenyo dahil hindi uso ang baha. Masaya ang rainy season. Masaya din si ozone layer.

Kung hindi naimbento:

Saang materyales gawa ang mga gadgets? Monoblock? Lalagyanan ng mga personal hygienes at cosmetics?



3. BARIL, BOMBA, etc – kumpara sa kamehame wave ni Gokou at raygun ni Eugene, ok pa rin to, sa panaginip. Nagsimula naman ang tao sa matutulis na bagay bilang deadly weapons, pero nakasurvive pa rin sila. Hindi kelangan ng gunpowder o nuclear test. Bakit ba kasi may nuclear o atomic bomb? Sarap kutusan ng nagimbento nun.

Kung hindi naimbento:

Ano ang hitsura ng mga naunang giyera ng Pinas? Mahirap ma-imagine ang hitsura ng Ampatuan Massacre. Sayang ang Counter strike. Ano kayang hitsura ng mga pulis na walang baril? Kung walang bomba, walang mass destruction, walang suicide bomber. Kelangan daw magubos ng lahi ng tao ng maramihan, kaya dapat may atomic o nuclear bomb?



4. DROGA – Maraming sinirang pangarap ang bagay na’to, damay mo na ang mga sikat na artists na kumitil sa buhay nila. Alam nating may silbi ang mga ito sa ospital, lalo na kung hindi na kaya ng simpleng gamot lang. Hindi na kasi basta-basta ang mga sakit ng tao ngayon kaya hindi na rin basta-basta ang lunas sa kanila. Kelangan yung mabagsik pa sa amoy ng zonrox ang dosage. At para kang bumiyahe ng langit.

Kung hindi naimbento:

marami ang sasali sa networking dahil sa mga herbal medicines at products. Maluwag ang mga bilangguan ngayon. Hindi uso ang salitang ‘adik’. Marami ang magtatanim ng marijuana (herbal sila, hindi drugs).



5. SUGAL – Madalian ang pagyaman sa lotto. Pangarap ng bawat tao ang manalo sa lotto. Kahit ako kasama sa pangarap ko ang mabilisang pagyaman. Kesihodang tawagin akong tamad, marami naman akong pera. Pero marami naman talaga ang naloloko sa ganito. Nasisira ang buhay, pamilya at pagkatao. Kung maituturing man siyang hobbies o past time, wow ha. Maraming tao ang nagbabanat ng buto sa loob ng walong oras (o higit pa!) para lang kumita ng medyo-sapat-na-sahod. Ang sugal ay para lang sa mga taong gifted sa larangan ng sugal. O kaya politiko.

Kung hindi naimbento:

Walang Casino Filipino. Hindi ka magkakakaron ng utang ng dahil sa sugal. Bawas porsyento sa criminal percentage per day. Walang thrill ang mga sports gaya ng boxing.


6. GASOLINA atbp – Main course ng balita sa bawat araw. Sa pagkakaalam ko, may mga sasakyan na nabubuhay ng wala si gasolina. Lagi na lang natin itong problema, sasabay pa ang gobyerno. Kawawa ang mga naghahanap-buhay na laging iniisip si gasolina. Lalo na ang mga nagtitipid sa pamasahe. Parang ako.

Kung hindi naimbento:

Walang stop-over sa mga express way. Maigsi lang ang timeslot ng mga balita. Magkano naman ang pamasahe?


7. ALAK – Medyo marami ang hindi sasang-ayon dito, Hindi ko naman sila masisi. Malaki ang papel na ginagampanan ng alak lalo na sa ekonomiya ng mundo. Sa mga bansang mahaba ang panahon ng tag-lamig, kelangan talaga nito. Hindi para magkaroon ng lakas ng loob sa videoke, kundi para labanan ang sobbrrraang lamig. Laos ang kape dito, at panis ang energy drink pagdating sa init ng katawan.

Kung hindi naimbento:

Malungkot ang bawat selebrasyon. Boring ang videoke. Matamlay ang reunion. Walang thrill ang gimik. Panis ang laway ng mga tao sa kasalan. Tahimik ang mga tambay sa madaling-araw. Ano na ang mangyayari sa pulutan? Wala ng pwedeng i-alibi sa gabi na galing ‘lang’ sa inuman. Hindi uso ang hang over. At wala na tayong makikitang mga ebang naka-two piece habang hawak ang bote ng alak. (wag nama sana)


8. SIGARILYO – tulad ng utol nitong si ALAK, marami pa rin ang hindi sasang-ayon. Oo, ginamit ko na rin si yosi ng mahabang panahon, pero mabilis pa sa alas kwatro y media ang pagiwas ko sa kanya. Parang wala naman akong napapala. Mukhang seryoso lang kausap ang mga taong nagyoyosi. Nagmumukha talagang astig ang mga action star pag may hawak na ganito. At ito ang gumagawa ng preview ng langit sa mga bar o diskuhan.

Kung hindi naimbento:

mawawalan ng dahilan ang isang tao para pumunta ng tindahan at tumambay. Mababawasan ang bilang ng mga taong may kakaibang ‘breath’. Lalakas ang industriya ng kendi, babagsak ang negosyo ng lighter at posporo. Bababa din ang bilang ng mga taong pumanaw ng may komplikasyon sa baga. Korni ang mga action star lalo na sa Pinas.



9. PERA – mahaba-haba ang naging diskusyon dito (ayaw ko sana nito kasi sakop nito ang isyu ng relihiyon pero sadyang malakas ang hatak nito sa natutulog kong diwa). Sa lahat ng nabanggit, ito ang pinakamaselan. Ang bawat kilos ng tao sa ngayon ay may nakapatong na presyo. Isang text message, piso. Mensahe pa lang yan. Pano pa yung mga bagay na kelangan na kelangan mo talaga sa buhay?

May barter system noon. Ang pagkuha ng isang bagay ay may sapat na kapalit na bagay. Kung kelangan mo ng bigas, maaari mong ipalit ang ilang karne, tutal pareho naman itong pagkain o kahit na ano basta napagnegosasyon ng maayos. Mahirap lang iimagine kung ano ang pwede mong ipalit kung maggu-goodtime ka sa isang nightclub at kukuha ka ng ka-table, o kukuha ka ng bahay sa Tagaytay. O trip to Rome for 3 days.

Hindi kikilos ang simbahan ng walang pera. Walang magagarang simbahan kung walang pondo. Naniniwala pa rin ang relihiyon sa ‘survival mode’. Imagine kung ano ang pwede mong ibigay sa donasyon kung hindi naimbento ang pera.

Kung mags-shopping ka, dyahe naman kung marami kang bitbit na hayop para lang makabili ng damit. O kaya simpleng outing kapalit ng isang basket ng calamansi. Manunuod ka ng sine kapalit ng 5 kilong bigas. Baka magkatamaran na at wala ng maggrocery pag nagkataon.


Kung hindi naimbento:

Hindi uso ang wallet, credit cards, tseke atbp. Malamang na simple lang ang buhay ng tao, walang away dahil sa pera. Iba ang batayan ng kayamanan ng isang mayaman. Ano hitsura ng bangko? Malamang magmukhang zoo dami ng hayop, at warehouse sa dami ng kung ano-ano pwedeng ipalit na bagay. Malalaman agad ng tao ang estado mo sa buhay, sa dami mong hila-hilang hayop, pasan-pasan na bigas o bitbit na gulay. Tatamarin ang mga holdaper at kidnapper. At maraming marami pa.

Mahirap talaga pag usaping pera. Sakit sa ulo.


Marami pa sanang bagay na sana hindi na lang naimbento pero yung mga nabanggit lang ang sa tingin ko eh nagdala ng problema sa tao. Yung mga hindi nabanggit, share mo na lang sa iba.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!