Onli In Da Pilipins Part 1: Telenobela Con Teleserye

Noon gusto ko ng paniwalaan na may mangyayari ng pagbabago sa mga noypi simula ng bumaba sa pwesto yung nakaraang pangulo na sa loob ng halos siyam na taon, puro sakit sa ulo at bulsa ang dulot. Pero gaya ni Nostredamus, bigo ang propesiya. Same-same pa rin. At dahil malayo pa nga ang panaginip na progreso, kasabay nito ang wala pa ring kakupas-kupas na programa sa telebisyon. Telenobela o teleserye, wala ng iba.

Ngayon naisip ko, kasalanan ba talaga ng gobyerno kung bakit third world country pa rin tayo?

Parang hindi.

Wala sa Malakanyang o sesyon ng mga senado ang balat sa puwet ni Juan dela Cruz. Hindi mo lang napapansin, araw-araw na natin itong nakikita at kasa-kasama sa buhay. Yung isang appliance (singular kasi) na halos lahat ng tao binobola at inuuto nito, na mas madalas, kung umasta ay parang magulang kung mag-utos. At kung wala ka nito, hindi ka ‘in’ o ‘cool’ na miyembro ng isang pamayanan.

Telebisyon. Wala ng iba.

Minsan gusto ko talaga sisihin ang mga programa sa telebisyon kung bakit ang drama-drama pa rin ng takbo ng Pinas. Para bang pa-easy-easy lang tayo sa mga bagay-bagay at sitwasyon na sa loob ng ilang taon, hindi tayo nagsasawa. Ganun at ganuuuun pa rin tayo, at itinuring na nating habit o tradisyon ang mga bagay na nakadikit na sa mapa ng Pinas. Ayaw nating magseryoso. At patunay diyan ang mga telenobela at teleserye. Idadamay ko na rin ang mga Korean/Mexican telenovela (wala kayong ligtas sa blog na ‘to!).

Nitong nakaraan lang nakapanuod na naman ako ng bagong programa na ipapalalabas ng isang tv network. ‘Bago’ kasi tinapos na yung isang telenobela na hindi pumatok, at konti lang ang isinaksak na tv commercials. Bigatin ang cast. Matindi yung trailer. Pwede ng ihanay sa trailer ng paparating na blockbuster na pelikula. Pero gaya pa rin dati, mapaklang ngiti lang ang reaksyon ko, kasunod ng iling. Bago? Oo, yung font na ginamit sa title. At kahit yung title ng programa, hiram lang sa title ng kanta. Pero yung istorya, sa trailer pa lang, alam ko na ang magiging ending. Hindi ako manghuhula at hindi ko rin kamag-anak si Nostredamus, pero malinaw pa sa mahahaling mineral water kung ano kahihinatnan ng ‘bagong TN o TS’.

Ganun pa rin.

Yan ang sakit ng mga ipinagmamalaki nating ‘pinag-gastusan’ at ‘pinaghirapan’ ng mga talentado nating writer at producer. Lahat ng magagandang eksena, ibinuhos sa trailer. Tapos pag nag-pilot episode na, kamot-batok ang televiewers. Matatabang ang mga eksena at very predictable. At ang ayoko sa lahat, yung kunwaring pa-rated PG ang script. Sa title pa lang ng TN at TS, alam na ng common sense natin na seryoso/madrama/maaksyon (sa halikan at sampalan) ang magiging takbo ng istorya, pero napaka-cheesy ng mga linya.

Bida: Napaka-walang-hiya mo! Ang sama talaga ng ugali mo!

Kontra-bida: (tumatawa habang nakatingin sa kisame) Hahaha! Nararapat lamang ‘yan sa isang hampas-lupang kagaya mo!

Laos ‘yung dating ‘di ba? Parang remake ng mga nakalipas na TS o TN. Pwede namang ganito:

Bida: Punyemas kang animal ka! Sigurado akong itim ang dugong dumadaloy sa ma-kolesterol mong puso! Kulang na lang sa’yo buntot! Hayop na hayop na ang image mo!

Kontra-bida: Parang tanga ang linya mo! Natural na masama ang ugali ko dahil kontra-bida ako dito! Naturingan kang bida, pero hindi mo ginagamit ang utak mo! Hindi na ko magtataka kung may makasalubong kang zombie at nilagpasan ka!

Tanong lang: Ano ba ang tingin nila sa mga televiewers, nasa tuhod ang IQ?

Pero parang ganun na nga yata. May mga taong handang uminit ang puwet at mata sa mga nakakaumay na TS at TN. Marami pa rin ang umuuwi ng maaga para mag-emo habang naghihimay ng pritong isda. Marami pa rin ang nagi-status ng mga linya ng kasalukuyang TS at TN. Marami pa rin ang tumataas ang bill ng kuryente para lang sa inaabangang sampalan at “Ako ang tunay mong ina!”. Marami pa ring pamilya ang nag-aaway at nasisira ang relasyon dahil lang sa agawan ng remote. Marami pa rin ang napupuyat para lang sa isang episode na ewan kung mas mahalaga kumpara sa Pork Barrell. In short, marami pa rin talaga ang tumatangkilik sa ni-recycle na TS at TN, at ewan kung ano ang scientific explanation dito.


Dapat magkaron din ng protesta laban sa mga nakakalokong TS at TN. Baka sakaling magkaron ng mabilisang tadyak o kalabit man lang ang stock exchange ng Pinas. Hindi mo ba napapansin, mula umaga hanggang gabi (na inaabot din ng hating-gabi), hindi nawawalan ng timeslot ang mga TS at TN. Pagkatapos ng balita, TS/TN. Pagkatapos ng mga cartoons, TS/TN. Pagkatapos ng noontime show, TS/TN. Pagkatapos ng balita, TS/TN pa rin. At kung may nalalabi pang oras, magkakaron pa ng TS/TN marathon ang sabado at linggo. Walang’ya talaga!

Hindi ko alam kung ‘yun ba talaga ang solusyon upang hindi mawalan ng trabaho ang talents ng mga naglalakihang tv networks ng bansa. Shuffle-shuffle lang ang mga cast. Maswerte kung sa gabi mapapasama ang lineup. Mas mataas kasi ang porsiyento ng mga televiewers pagsapit ng gabi kung saan kasalukuyang kang nagsasaing, naghuhugas ng plato at namamalantsa. Mas mahaba ang oras kasi ang kahati nito ang sandamakmak na commercialas. Dahil tapos na ang isang araw ng samu’t saring gawain, kelangan ng mag-relax sa gabi. At TS/TN nga ang kaagapay ng karamihan sa’ten para makalimot sa tunay na problema ng bansa. Simple lang: uupo ka lang sa tapat ng tv at magbilang kung ilang beses lalabas ang mga produktong pwedeng maging ‘proof of purchase’ kung saka-sakaling magkaron pa ng contest (na mas madalas e thru text na ang labanan).

Pero paano matatapos ang dilemma ng isang tao kung ang lahat ng takbo ng TS/TN ay:

-          agawan o sulutan
-          “ampon” (all time favorite)
-          Alipustahan at kayamanan
-          Love triangle
-          Hindi maipaliwanag na special powers ng bida/kontra-bida
-          Drama, DRAMA, drama, D R A M A
-          Iyakan, sampalan, halikan na minsan hindi naman kelangan
-          Mas mahaba ang oras ng mga commercials
-          Tuwing biyernes ang matinding eksena

Hindi naman sa ayaw ko ng mga ganung klase ng programa sa telebisyon. Iba pa rin kasi yung kahit papano, kahit niloloko ka ng media, e may mapupulot ka pa ring aral o moral lesson. Sabihin nating dati ay nauto din ako. Pero dahil sa tumatanda at nagbabago ang prinsipyo sa buhay, may mga bagay na hindi maiiwasang ayawan o mayamot. Marami namang programa sa telebisyon ang sa tingin ko ay mas deserving na paglaanan ng oras.

Pero sa kabila ng mga sinabi ko (na pawang opinyon pa rin), hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na magkakaron tayo ng mga dekalidad at totoong-totoong TS/TN. Kumbaga sa mga smartphones, may quality. Kahit tambakan pa nila ng commercials o tv ads, basta naagaw nila ang atensyon ko at naging interesado ako, wala akong pakelam. Kung yun ba ang ikayayaman nila, sige lang. Gusto ko lang naman lumitaw ang salitang ‘originality’ at ‘astig’. Pero kagaya ng pagbangon ng Pinas, hindi ako sure kung kelan.


Takdang-aralin:

  1. Sa iyong palagay, bakit karamihan sa mga TS/TN ay title ng mga kanta?
  2. Punan ang patlang ng pinaka ‘the best’ na sagot: Mas masarap manuod ng telenobela kapag ____.
    1. Luto na ang sinaing
    2. Walang kaagaw sa remote
    3. Flat screen ang tv
    4. Araw ng biyernes


  1. Bakit iyakin ang mga bida? Bilangin kung ilang beses iiyak ang bida sa isang linggo.
  2. May katotohanan bang minsan ay malandi ang babaeng bida? Bakit? Sure ka ba?
  3. Magsaliksik ng ilang mga telenobela kung saan ang tema ng istorya ay tungkol sa ‘ampon’. Makipag-debate sa magulang kung kinakailangan.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!