7 Deadly Sins Part 1: Greed
Dahil hindi ako gaanong busy, nakapanuod na naman ako ng
noontime show kamakailan lang. Matagal-tagal na din akong hindi nakakapanuod ng
mga nagsasayawang bellas, sound effects na palakpakan at mga host na pwede na
ring kumandidato etong darating na eleksyon. Wala kasing choice at kelangan
lang meron akong makitang ‘entertainment’ sa telebisyon kaya pinatulan ko na.
Pero hindi ko sinasabing wala akong hilig sa ganung programa. O pwedeng
sabihing ‘no choice’ ako ng time na yun kaya bahala na ang antenna kung
mae-entertain man ako. Wala kasi kaming cable kaya tiyaga-tiyaga sa biyaya ng
antenna.
Nakakatuwa yung mga contestant na everytime na mananalo
sila at aabutan ng limpak-limpak na salapi (na malabong makuha ng masipag na
empleyado sa gobyerno), kung hindi man parang nasapian ng ispiritu ng barya, magpapalakpak
at magtatalon-talon sa tuwa na minsan na ring nasasabayan ng tears of joy. Yung
eksena na “Syet ang laking pera nito! Ang swerte-swerte ko na, sikat pa ko sa
tv!”. Na kahit sino ata hindi makakapulot ng ganung kalaking halaga sa ilang
pagsagot-sagot sa mga tanong at pasali-sali sa mga contest. Instant money.
Eto pa ang ilan sa mga eksena na --- medyo nakakatuwa (kung
totoo man):
Host: Ano pong
gagawin nyo sa ten thousand pesos?
Contestant 1: Ipange-enroll
ko ng mga anak ko! (habang naglulundag at pumapalakpak)
Contestant 2: Ipambabayad
ng utang at maliit na negosyo po! (habang sinisinok sa iyak)
Contestant 3: Pampagawa
ng bahay namin! Thank you Lord! (habang naluluha at nagpupunas ng uhog sa
labi)
Contestant 4: Ipamimigay
ko po sa mga nangangailangan (habang nakatingin sa langit at nakataas ang
dalawang kamay)
(ERROR YUNG CONTESTANT #4. HINDI PA KO NAKAPANUOD NG GANUNG
EKSENA)
Sa mga oras na yun, ilang tao na naman ang hindi inaasahang
nagkapera. Ilang tao na naman din ang hindi inaasahang sasaya pansamantala sa laki
ng instant money na maswerte kung aabutin ng linggo o buwan bago maubos. Iilang
pamilya na naman ang makakain ng masarap at makakabili ng luho, pansamantala.
Iilang tao na naman ang magyayabang sa sugal ng buhay.
Ang swerte talaga nila.
Pansamantalang swerte.
Malaki na yung pera, hindi pa gaanong nakapagbanat ng buto.
Pulbos sa mukha lang ang kelangan para mabawasan ang hiya, kumita na agad.
Dagdag mo pa ang exposure sa tv.
Pera nga naman, automatic ang dalang saya sa tao.
Ilang beses ko ng narinig ang litanyang “Hindi nabibili ng
pera ang kasiyahan sa mundo”. Kung sa literal na paraan, pwede ang ganung
sistema lalo na kung de-aircon ang kwarto mo at hatid-sundo ka ng kotse. Pero
sa reyalidad, maraming tao ang sumasaya-sasaya-masaya sa tuwing (o lagi)
makakahawak ng [matigas na boses] ‘limpak-limpak’ na salapi (gaano ba karami
ang limpak-limpak?). Maraming tao ang pilit hinahanap ang kasiyahan na hindi
nabibili, na minsan ang katotohanan na may katumbas na malaking pera.
Pera. Salapi. Cash. Yaman sa banko. Iisa lang ang mukha
nila.
Naitanong mo na ba sa
sarili mo minsan kung ‘magkano kaya kung ibebenta ko ang sarili kong kidney’?
Naitanong mo na ba minsan sa sarili mo habang nakatingin ka
sa salamin pagkagising sa umaga, kasabay ng paglanghap ng sariling morning
breath kung mahalaga ba talaga ang pera sa tao? Kung mabubuhay ba ang tao ng
walang pera? Kung isinilang ba ang tao para gumamit ng pera? Kung hindi talaga
isinilang ang mga taong nakaisip imbentuhin ang…pera?
Noon, may bartery. Hindi mo kelangan ng credit card at atm
card para lang rumampa sa merkado para masabing “Wow! Ang yaman siguro niyan?”.
Ang kelangan mo lang e mga bagay na pwedeng ipalit katumbas ng pangangailangan
na ipagpapalit. Basta patas ang palit o swap, tapos ang usapan. Wala ng
sukli-sukli o “wala ba kayong barya?”. Walang isyu na kung peke man ang hawak
na pera o peke yung ibinebenta.
Pag pasok ng sixth to seventh century BC, isinilang na ang
sagot sa problema ng tao at tatapos sa sistema ng bartery.
Ang pera. Wala ng iba.
Nasimulan kasi ang pagbabayad ng ilang bagay gamit ang
mamahaling bato o metal kapalit ng kung ano mang trip ng mamimili. Yun ang
unang barya. Kung anong uri man ng bato yun, hindi ko alam. Pero panigurado
hindi kasali dun ang ginagamit ng mga adik. Hindi rin ako sigurado kung uso na
ang mga pawnshop nun at mga lalaking parang may malalaking asin na nakatusok sa
tenga.
Numismatics ang scientific explanation kung bakit kelangan ng
kalimutan ang bartery at para masimulan na ang paghihirap ng tao, kaya naisipan
ng mga matatalino na ipagtibay na ang pera. Bahala na kung ano man daw ang
kalabasan, basta kinakailangang pumasok na sa history ng tao ang pera para
magawa na rin ang propesiya kay Hudas na nabulag sa ilang piraso ng pilak,
kapalit ng…yun na yun. Basahin na lang sa bibliya.
Pagkatapos ng mahabang panahon, kasalanan na ng pera kung
bakit nagkakasala ang tao.
Parang mali
ata.
Kasalanan na ng tao kung bakit tayo nagkakasala dahil sa
pera.
Sa totoo lang, ugat lang ng pagkakasala ng tao ang pera.
Walang kinalaman ang pera sa pagupo ng mga senador at kung sino-sino pang
miyembro ng ‘Forbes top 10 wealthiest in the world’. Hindi kasalanan ng mga
mukha sa pera, papel man o barya kung bakit nagpapatayan ang ilang tao at
natututong magdasal, sa ngalan ng pera.
Greed o kasakiman ang dapat sisihin. Hindi ang pera.
Ang tanong: sinong sabog o lasing na tao ba ang unang
naging gahaman sa mundo?
Hari: Ba’t parang lumalaki ata ang espasyo ng mga baul ko? Parang
hindi na limpak-limpak ang hitsura. Parang kelangan ko na atang magdagdag ng
mga alipin para mapagtibay ko ang pagiging hari ko…
Pulis: Syet, kulang ang pambili ko ng bagong bala ng magnum
357 ko! Dapat magkaron ako ng limpak-limpak na salapi!
Pari: Mahabaging langit, nawa’y magkaron kami ng
limpak-limpak na salapi para makapagpatayo kami ng maraming simbahan!
Doktor: Pagod na ko mag-commute. Dapat magkaron ako ng
limpak-limpak na salapi para madalaw ko naman ang mga friendship kong doktor
gamit ang kainggit-inggit na car!
Senador: Hindi ako makapagbakasyon sa Italy at tinatawanan na ako ng mga
amigo ko, kaya dapat lang magkaron ako ng limpak-limpak na salapi!
Negosyante: Para sa kapakakanan ng nakararami, gagawa ako
ng maraming franchise ng negosyo ko para marami ang magkaron ng trabaho at lalo
akong magkaron ng limpak-limpak na salapi, para maging tropa ko ang mga
senador!
Abogado: Your honor kelangang maipanalo ko ang kasong ito
sa ngalan ng limpak-limpak na pera. Wag kang magaalala, may makukuha kang
porsyento kahit obvious na kriminal ang pinagtatanggol ko!
Reporter: Mga tagapagbasa nakikita niyo po ngayon ang kuha
ng isang video kung saan kitang-kita sa video ang parking lot ng mga kotse ng
isang….ay susmaryosep! Akin pala ang video-ng ito mga tagapagbasa! Tingnan niyo
ang limpak-limpak na salaping nakakalat sa loob ng sasakyan oh!
Basketball Player (Pro): Picture ko pa lang na naka-layup,
limpak-limpak na salapi na ang katumbas. Paano pa kaya kung mag-layup ako
habang nagkakape sa ere?
Ang pera nga naman.
Parang lahat ng kilos sa mundo, nangangailangan ng pera.
Wala ng libre, kahit ang simpleng pagtatanong. At kung malibre ka man, may
katumbas din na utang na loob. At ang utang na loob, katumbas ay pera, sa ayaw
man o sa ayaw naten.
Maraming bagay ang kumikilos ng dahil sa pera. Isang
magandang halimbawa dito ang simbahan (pasintabi sa mga active sa simbahan).
Ano’t ano man, hindi naman magkakaroon ng naglalakihang simbahan kung hindi rin
naman galing sa bulsa ng mga katulad naten. Na naniniwala sa biyaya. Na ang
simbahan ay hindi kusang magta-transform ng dahil lang sa dasal. Ang simbahan
ay nabubuhay hindi lang dahil sa may pari, pastor, bibilya at nagsisimba.
Tandaan na ang bawat barya o papel na ihuhulog sa kahit saan man bagay na
pwedeng ihulog bilang ‘boluntaryong’ biyaya, katumbas ng pasahod o maintenance
ng simbahan.
Hindi ko sinasabing gahaman ang mga simbahan pagdating sa
pagpapatayo ng mga simbahan, o ng kahit ano mang adhikain nila sa hawak nilang
budget. Inuulit ko lang na ang relihiyon ay nabubuhay din ng may pera, at hindi
kikilos ng walang budget.
Tama na ang religion.
Samantala (para may segway), ang taong-bayan naman ang
nagpapasahod sa lahat ng mga empleyadong pang-gobyerno. Tayo ang boss nila, na
minsan, parang hindi naman naten nararamdaman.
Paano nangyari yun? Simple lang. Ang dakilang buwis na
kinakaltas sa’ten tuwing araw ng sahod ang siyang nagiging budget ng gobyerno
sa buong taon. Nakasalalay dito ang lahat ng pwede nilang isipin kung paano gagastusin
o gagamitin ng maayos at pakikinabangan ng taong-bayan. At kasali na nga dito
ang pagpapasahod sa lahat ng mga empleyadong nagtatrabaho sa gobyerno. Isantabi
na naten ang ibubulsa ng iba.
At yan ang life-cycle ng pera.
Ngayon, hindi na bago sa’ten kung sino-sinong mga men of
authority ang biglang yaman simula ng tumambay sa malakanyang. Diyan ngayon
pumapasok ang iba’t ibang uri ng mga gahaman. Dito ngayon pumapasok ang bansag
na ‘corrupt’ at ‘magnanalaw ng kaban ng bayan’. Ehem…
Ngayon, ano naman ang mapapala ng taong maraming pera? As in
limpak-limpak na pera?
Isantabi na rin naten ang buhay mayaman at naguumapaw na
bank account. Ano ang silbi ng pera sa tao?
Sumisimbulo sa estado ng tao kung gaano karaming pera ang
hawak nito, o nakatago. Mas maraming pera, mas masipag. Mas masigasig at mas
maraming pangarap sa buhay.
Pero hindi ako sang-ayon dito.
Iba ang masipag sa gahaman.
Isipin na lang naten na walang pera noon, pero umaabot ng
libo ang edad ng mga tao. Baket? Walang stress. Walang pinoproblemang palitan
ng piso. Walang sindikato at walang abusado. Walang isinilang na corrupt. Walang
nagaastig-astigang congressman na may mga bodyguard na na naka-swimsuit. Walang
taong nagpapatay sa ngalan ng pera. Walang nasisirang pamilya, pati na ang
relasyon. Walang away at hindi pa kasali sa diksyunaryo ang ‘utang na loob’.
(Game over. Please insert coin here)
Comments
Post a Comment