Mga Senyales na Dapat Ka ng Makipag-Break

Mambabasa, pinangungunahan na kita na hindi ka tuturuan ng blog na ‘to para makipag-break. Isipin mo na lang, senyales ito galing sa langit na matagal mo na rin namang tinatanong sa sarili mo habang nag-uubos ng tissue sa gabi, pumapapak ng ice cream at nag-aabang ng wishing star. Ang lahat ng nakasaad dito ay opinyon ko lang at nakalap na ideya galing sa bibig ng mga taong nakapag-move on na at nakapagpalit na ng jowa (salamat na rin sa internet!). Wag ka mag-alala, hindi mo kelangan ng buhay na manok, orasyon at bigas na isasaboy sa pinaghihinalaang ‘nuno sa punso’ para matauhan sa mga babanggitin kong…ewan kung tips ba o advice. Bahala ka na.

Pinangungunahan ulit kita: hindi ka tanga, hindi ka bobo at higit sa lahat, tao ka. May mga pagkakataon lang siguro na nakakalimutan mong gumamit ng utak, lalo na sa usaping pag-ibig. Kasalanan yan ng pagbababad mo sa mga telenobela at pagkahumaling sa pocket books. At oo, alam ko, hindi ako anak ng Diyos at lalong hindi kami textmate ni kupido, pero sa ngalan ng pakikipag-kapwa-tao at natitirang respeto sa sarili, hayaan mong bigyan kita ng ilang senyales kung bakit---at dapat na ring magpalit ng status matapos ang ilang gabing pagkabaliw at iyakan.

Bitawan mo muna ang tissue at itigil mo muna ang pagse-senti sa mga sad love songs mo. Baka lang makalabit nito ang common sense mo, bago mahuli ang lahat:

Lack of contact. Pasalamat tayo dahil sa naisipan ng mga network companies ang pagsilang ng salitang ‘unlimited’. Ay naku naman, talaga naman! Sandata ito ng mga bagongs-sibol na relasyon. Yung halos hindi na kumain makapag-register lang sa ‘UNLI30 and send to 143’ sa ngalan ng maghapon (at magdamag) na pakikipag-text, at kung medyo yayamanin e unlicalls pa. Pero makalipas ang ilang buwan(?), linggo(?), taon(?), unti-unti ng nababawasan ang bilang ng pakikipag-text mo sa kanya. Madalas ka na rin gumamit ng makapigil-hiningang “K…” sa pagre-reply. Ultimo pakikipag-chat sa peysbuk o videocall sa Skype, madalang na madalang na rin. Dahil sa ayaw mo na, at parang wala ka na rin namang pakelam kung magre-reply o tatawag man siya, malamang sa malamang e…wala ka ngang pake sa kanya. In short, naglaho na ang concern mo. Malamang hindi ka na rin magulat kung sakaling mag-text man siya sa’yo na BREAK N TYO [insert emoticons here].

Lahat panget sa kanya. Dati napupuna mo yung cute niyang nunal sa ilalim ng ilong, magandang hubog ng kuko sa paa at pantay na alignment ng ngipin. Ngayon, nauumay ka na sa nunal niya, nasusuka sa kuko at halos matawa sa ngipin niya. Hindi mo na magawang kusang tanggalin ang muta niya at sungkitin ang nakasilip na ‘booger’. Tinatamad ka na ring kumuha ng cottonbuds para sa earwax. Wala ka ng ibang nakita sa kanya kun’di mga panget na bagay, lalo na pisikal. Mas napapansin mo na ang mga bagay na lalong nagpapapanget sa imahe niya, na halos ikatuwa mo at ayos lang. Kung ganito na ang nararamdaman mo, bawas na ng 27.9% ang pagmamahal mo sa kanya.

Hindi na magandang topic ang future. Aminin na natin, na minsan na tayong natuwa sa mga pangakong magandang bahay, masayang pamilya, bilang ng mga anak at pagpapakasal. May kunwang debate pa kung alin ang mas cool at mas convenient. Pero sa paglipas ng panahon, wala ng gustong magbukas ng ganung topic. Pareho na kayong umiiwas at natatawa sa salitang ‘kasal’. Hindi mo na rin maisip na siya ang ka-holding hands mo pagkalipas ng isang dekada. Kung mapag-uusapan man ito, normal ang makaramdam ng biglaang pagsusuka, pasulpot-sulpot na pagtawa at alanganing pagtango. Hindi na uso ang planong anniversary sa Baguio, o sa mga lugar na sa tingin niyo e romantic. Nasanay na kayo sa paglipas ng anniversary ng wala lang at ayos lang kung walang magaganap na espesyal.

Uso na ang pagsisikreto. Hindi na kayo open sa isa’t isa. Kinalimutan mo na ang salitang ‘trust’ at masaya ka na sa sariling lihim. Hindi ka na nagkukuwento ng mga sikretong bagay gaya ng pag-amoy ng kulob na damit sa tag-ulan, pag-nguya ng lumang karton pag nababagot at paglalakad sa EDSA ng nakayapak habang umiinom ng yakult. Kung puro na lang ganun, ano pang saysay na magpatuloy pa ang relasyon? Hindi ba’t ang unang pundasyon ng isang masaya at healthy-ng relasyon e dapat may tiwala?

Effortless. Kung dati ang tingin mo sa bagyo ay ambon lang at ang madaling-araw ay hapon para lang masundo siya, ngayon, halos katamaran mo na ang lahat ng bagay sa kanya. Mas madalas o lagi ka ng nagdadahilan sa mga usapan. Ayaw mo na ng holding-hands-while-walking-and-eating--french-fries. Lagi mo na lang inisip ang “Gastos lang yan!” o “Mapapagod lang ako…”. Ayaw mo na ring mag-isip ng tema ng pakikipag-date tuwing monthsary o anniversary. Mas masaya ka pang mag-DOTA kesa samahan siyang manuod ng ‘Miracle in Cell no. 7’ para lang makaiwas sa bonding.

Romantic-less/Concern-less. Laos na ang text message na “Kumain n b u?” o “2log k ng maaga h?”. Tinanggal mo na rin sa bokabularyo mo ang mga endearment. Balewala sa’yo kung may sakit man siya o nagbabalak na siyang mag-suicide. Hindi mo na magawang dalawin siya tuwing may sakit. Wala ng kwenta sa’yo ang salitang ‘surprise’. At higit sa lahat, hindi ka na nagpapautang.

“I need some space”. All time favorite ng mga nagbabalak maging astronaut. Hindi dahil sa ayaw mo na siyang katabi sa sinehan, pero mas maluwag sa kalooban mo kung may mga lakad ka na hind na siya kasama at hindi ka na rin nagpapaalam sa mga lakad na dati’y may kasama pang usal at lambing, payagan ka lang sa lahat ng gimik o gala. Dati, gustong-gusto mong nakikipagkwentuhan sa kaniya kahit ang topic ay tungkol lang sa mga alien o simpleng usapin gaya ng pork barrel, basta kasama mo lang siya. Ngayon, hindi na hassle sa’yo ang maraming assignment, project o overtime dahil mas gusto mo na lang makausap ang mga kaklase/katrabaho mo kesa sa kanya. Feeling mo e single ka na everytime na wala siya sa tabi mo, at gustong-gusto mo yun. Pinangarap mo na rin na sana pumayag siya sa cooloff. Sa ganung sitwasyon, baka maisipan mo na ring lumandi, kahit saglit.

Carino brutal. Dati, takot na takot kang masampal o mabatukan man siya dahil lang sa pakikipag-away tungkol sa kung mas masarap ba ang French fries sa Mcdo o Jollibee. Ngayon, halos i-idol niyo na ang mga UFC fights at boxing. Hindi lang kayo basta nagmumurahan---may kasama ng sampal-ala-selos at suntok-con-kabit. Nilalait mo na rin siya at halos idamay mo na ang lahat ng mga friends niya sa peysbuk. Halos ipahiya mo na siya sa mga pamilya niya, kasunod ng pagwo-walkout habang tumutugtog sa background ang “Wrecking Ball”. Trophy na lang ang blackeye at natural, ayos lang ito sa’yo.

P.D.A. (Public Display of Away). Ang pakikipag-away ng kayo lang ay hindi na maganda sa pakiramdam, pero kung ang eksena ay nasa gitna kayo ng intersection o C5 road, ay isa ng magandang GO signal para mag-walkout at magpalit na ng sim card. Ayos lang sa’yo kung may interesadong manunuod na kinuhanan ang eksena niyo at ni-like mo ang video matapos itong mai-upload sa youtube at ulanin ng mga comments at likes. Kung wala ka ng pakelam sa mga nakakakita at nakakarinig sa away niyo, wala ka na ring respeto sa kanya. Ang kawalan ng respeto ay parang paggamit ng cellphone, pero walang battery. Kung ganito na ang sitwasyon, $%^&#@*, i-break mo na siya!

Madali ng mapikon. Dati, tolerable pa ang mga personal niyang biro. Ayos lang sa’yo kahit paulit-ulit ka niyang inaasar tungkol sa maliit mong [censored] o maitim mong kilikili. Ngayon, kahit maliit na bagay, basta naiirita ka, e binibigyan mo na ng meaning at halos lagi ka ng napipikon kahit pinuna lang naman niya ang dilaw mong ngipin. Pinalaki mo na ang away hanggang sa balikan niyo na ang mga nakalipas na away kahit hindi naman dapat. Siniseryoso mo na ang lahat ng biro at hindi ka natutuwa sa mga jokes niya.

Sex no more. Pusang-gala, eto na siguro ang pinaka-masaklap! Mga bata, wag na tayong magpaka-conservative! Alam naman natin na ang pakikipag-sex e isa sa magandang halimbawa ng bonding. At isa rin ito sa magandang ending pagkatapos ng mahabang away. Pero kung madalas ka ng makaisip ng pagpapantasya sa iba, at masaya na sa pagsosolo, wala na yan. Ending na talaga ang kasunod niyan. Kung nanlalamig o nandidiri ka na sa pakikipaghalikan o lampungan sa kanya, aba’y ano pa ang dapat mong gawin?

Kabit syndrome. Sinunod mo na ang bulong ng demonyo. Naging fanatic ka na ng “My Legal Wife” at “No Other Woman”. Mas kinikilig ka na sa pakikipaglandian sa iba at naisip mo na ring gumawa ng panibagong account sa peysbuk. At dahil hindi ka pa nakuntento, bumili ka pa ng isang cellphone, dual sim. Dito mo ilalabas ang pagiging makati mo at galawang-higad. Ngayon mo naisip kung bakit walang status sa peysbuk na ‘flirting with ___’.

Hindi mo na siya mahal. No need for explanation.

Kung hindi pa sapat ang mga sintomas o senyales na nabanggit ko, baka may iba pang paraan. Baka nga.

Goodluck!


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!