Life After Death (Part 2)

(BABALA: Wala ka na namang magawa kaya napagdiskitahan mong basahin ang artikulong ito. Kung aktibo ka sa simbahan at mahilig kang makipagdebate tungkol sa langit at impiyerno, WAG NA WAG kang magre-react na parang kang miyembro ng angry birds. Opinyon pa rin ang mga susunod na salitang mababasa mo, at walang ginamit na kahit anong ensayklopedya o ‘based on research studies’ para mabuo ang artikulong ito kundi P!@#$!%^&* broadband connection lang at ilang baso ng tubig)

*Isang kathang-isip na pangyayari*


Sabado. Palubog na ang araw. 6:03 pm. Naglalakad sa kahabaan ng *kahit anong kalsada na hindi ligtas lakaran dahil pwede kang maholdap o mapagtripan ng mga tambay at gawing practice mode ng riot* si Juan pauwi galing sa trabaho. Hindi niya gaanong marinig ang tunog ng mundo dahil sa mataas na volume ng I-POD niya gamit ang mamahaling headset. Sa hindi kalayuan, napansin niya ang isang babaeng simbilis ng Mayor kung tumakbo, kasunod ang isang lalakeng humahabol din sa kanya. Sinundan niya ito ng tingin, hanggang sa ang direksyon ng mga ito ay papunta na mismo sa nilalakaran niya. Dala ng mga maimpluwensiyang pelikula at teleserye gaya ni Spiderman, Super Inggo at Iglot, mabilis na rumesponde ang utak-superhero ni  Juan: tutulungan niya ang babaeng nangangailangan dahil baka magkaron ng kissing scene bandang huli bilang reward. Tinanggal niya mula sa pagkakasabit sa tenga ang headset at parang lumunok ng ilang gramo ng amino acid, ubod lakas na hinarangan ni Juan ang lalakeng humahabol at hinawakan para masira ang momentum. “T$%!@# umalis ka diyan!”, galit na bigkas ng pawis na pawis na binata habang pilit na umaalpas nito sa kamay ni Juan. “Gago ka pala eh!”, tugon naman ng binatang may sapi ng superhero, sabay suntok sa kaliwang panga nito. Pakiramdam niya’y may Rider Punch siya ng oras na iyon. Bumulagta ang binata. Nagulat. Lahat ng nasa paligid ay gulat din at curious. Parang may shooting. Akmang tatakbo ulit ang binata para habulin ang babae pero mabilis na nag-rider kick si Juan. Gumulong-gulong ang binata at sa kamalas-malasang eksena sa teleserye, nasagasaan ng humaharurot na pison ang binata. Dead on the spot. Giniling ang katawan ng kawawang binata sa piling ni Juan.
Saka tutunog ang background music sa saliw ng opening theme ng Mask Rider Black. Ilang minuto muna ang lumipas bago tuluyang dumating ang mga missing in action na pulis. Report dito, report dun. Tanong sa kahit sino, blah blah blah. At sa huling imbestigasyon, mali ang tinulungan ni Juan. Yung babae ang holdaper, biktima yung humahabol. Malas.



-The End-



Maraming klase ng kabutihan, pero hindi lahat ng kabutihan maituturing na mabuti. At kagaya ng kabutihan, hindi lahat ng masama ay talagang masama. Sa mata ng tao, oo. Sa mata NIYA, hindi. Common na yung eksena na nabanggit ko. Baligtad nga lang yung cast of characters. Si Eba ang villain. Iilan lang siguro ang maglalakas-loob para magpakabayani minsan. Dahil ssssooobbrrraannngg busy tayo sa maghapon. At parang malabo na rin minsan sa isang tao ang gumawa ng kabutihan, sa imposibleng misyon. Depende na rin sa kung sino at paano tutulungan.

Sa ilang taon mong nabubuhay sa mundo, naisip mo na ba kung ano na ang pinakamabuting nagawa mo sa buhay mo? Halimbawang namatay ka (halimbawa lang naman), tapos eekesna na yung kaluluwa mo sa purgatoryo, (bakit una ang langit sa judgement day, hindi impiyerno?), tapos tatanungin ka ng isang receptionist ng purgatoryo, sabay ganito yung sitwasyon niyo:

Receptionist: Pangalan?

AKO: Juan Mandaraya po.

Receptionist:  Dahilan ng pagkamatay?

AKO: Suicide po.

Receptionist: Bakit ka nagsuicide?

AKO: Hindi po ako matanggap-tanggap sa trabaho bilang call center agent. Tapos laging mababa ang score ko sa Temple Run kahit inaabot ako ng umaga.

Receptionist: Paraan ng suicide?

AKO: Uminom po ako ng pinaghalong Super Puti detergent powder at Agaw-Atensyon fabric conditioner.

Receptionist: Alam mo bang mortal sin ang suicide?

AKO: Hindi po. Wala pong nagsabi sa’ken.

Receptionist: (umiiling) Mamili ka, Langit o Impyerno?

AKO: T@#$% tanong yan! Siyempre langit!

Receptionist: Don’t say bad words.

AKO: Sorry. Joke lang naman. Peace.

Receptionist: Well FYI, bago ka makapasok sa Langit, kelangan mo munang sagutin ang 2 million question nila. Wala akong magagawa, yun ang rules nila.

AKO: Sige, wag lang math.

Receptionist: ANO ANG PINAKAMABUTI MONG NAGAWA SA MUNDO NUNG NABUBUHAY KA PA?

AKO: (nagiisip habang hinihimas ang baba) hmmm…

After 2 hours…

AKO: Hmmm…

Receptionist: Take time. Check lang ako ng fb. Message mo na lang ako pag meron na.



-the end-




Kung hindi mo masasagot ang ‘pinakamabuti’, sa impyerno ang susunod mong destinasyon. Wala kang no choice. Kelangan may paglagyan ang kaluluwa mo. Kaso yung receptionist na para sa impyerno nagtanong din kung ‘ano ang pinakamasamang nagawa mo sa buong buhay mo?’. bago ka nila papasukin at gawing contractual sa impyerno (Magisip ka ulit. Isip lang. Wag mong gawin.).


Maraming gawaing mabuti. Yung pagmamano, pagmamahal sa magulang, law abiding citizen, pagpapautang, pagaalaga ng mga endangered species na hayop, pagtatanggol sa mga naaapi gamit ang spider-sense at kung ano-ano pang mabuti sa mata ng tao, kabutihan yun. PERO lahat ng mga yun ay pwedeng bumagsak sa kategorya ng masama. Kayang-kayang baluktutin ng mga pilosopo. Halimbawa, ang pagpapautang. Galante ka kaya nagpautang ka sa isang kamag-anak na nangangailangan dahil kelangan niya ng kapital para sa business niyang pasugalan. Sa madaling salita, nagpahiram ka ng pera para magpasugal. SUGAL. Masama yun.

-          Dinamayan mo ang kaibigan mong broken-hearted. Naginom kayo hanggang sa makalimutan nya ang problema niya.  Ginamit mo ang pera ng kapatid mo na pang-tuition niya sa pasukan. Pero dahil alam mong mabait ka, tinulungan mo pa rin ang kaawa-awa mong kaibigan
-          May sakit ang tiyuhin mo. Kelangan niyang maoperahan sa kidney ASAP. Wala silang pera. Nagiiyakan ang buong mag-anak. Wala kang magawa. Kaya naisipan mong mangholdap ng isang lugawan malapit sa inyo.
-          Nasusunog ang katabi niyong bahay. Walang sabi-sabi, daglian kang tumakbo sa loob ng bahay para tulungan ang isang batang umiiyak at humihingi ng saklolo. Bitbit ang bata, mabilis mo itong nailigtas, kasama ang nakita mong SAMSUNG GALAXY na lihim mong nilagay sa bulsa mo
-          Lumapit ang isa sa mga matalik mong kaibigang babae sa’yo para magpatulong na makagptrabaho sa Japan. Dahil matulungin kang tao, inasikaso mo ang papel niya bilang domestic helper. Masayang masaya ang kaibigan mo, na walang ideya na GRO pala ang papasukin niyang trabaho.
-          Masayang nagaabot ng mga relief goods ang isang Mayor sa mga nasalanta ng bagyong Jun-Jun, na lihim na nagmumura dahil hindi nakadalo sa pagka-casino kasama ang ilan nitong tropang Mayor

Kung ako ang tatanungin, hindi maituturing na kabutihan ang pagiging masunuring bata. Ganun talaga sa batas ng tao. At maraming gumagawa nun dahil dapat lang. Kahit pa ang pagiging volunteer ay common. Hindi naman kikilos ang isang volunteer group ng walang usaping ‘pera’, kahit pa ang mga NGO. Hindi naman lahat ng nagboboluntaryo ay mabuti ang hangarin. Ang ilan sa kanila ay dahil sa utos lang ng magulang, nainggit sa kabarkada, at school project. Pati pagdadasal, pwede ring masama. Nagdasal ka na sana manalo ka sa lotto, sugal naman yun. Nagdasal ka na sana mamatay na yung kapitbahay niyong araw-araw nagluluto ng spaghetti. Nagdasal ka na sana maagaw mo yung jowa ng bestfriend mo. O kaya nagdasala ka na sana umulan ng pera (sana lang).

Kung ikaw ang tatanungin, ano-ano ba ang talagang mabuting gawain? Kasi marami naman talagang handang tumulong kahit saan o kahit anong petsa. Walang pinipiling panahon, o kahit na sino. Yung pamimigay ng pera, marami na ring gumawa niyan (pero sa mga taong marami talagang pera, lalo na sa panahon ng eleksyon, mismo). Yung pagpapautang, dala ng awa at pagmamagandang loob. Puro common pa rin. Basta gumawa ka ng mabuti, tapos may kaakibat na “Ang bait mo naman!”, mabuti na ba yun? Papasa ba sa langit yun?

Kung isa sa mortal sin ang pagpatay, aba, lahat na ata ng tao eh makasalanan. Living things pa ring maituturing ang mga peste gaya ng lamok at kuto. Bawal pumatay ng may buhay. Hindi mo naman sinasadya, pero umabot na siguro sa libo ang napatay mong lamok sa buong buhay mo. Minsan mass destruction pa gamit ang katol. Massacre yun. Para ka na ring kamag-anak ng mga  Ampatuan.

Abortion. Isa pa rin sa mortal sin. Pero paano kung ang sitwasyon eh isa lang ang dapat mabuhay? Sino ang dapat piliin? Ang nanay na ayaw sa family planning at against sa RH Bill, o ang walang muang na fetus? Tingin ko yan ang isa sa mga dahilan kaya di maipasa-pasa ang RH Bill. Kahit pa ang mercy killing. Mahirap mamili. At mahirap magdesisyon. Nagmamakaawa ang kapatid mong lantang-gulay na at makina na lang ang bumubuhay sa kanya. Bunutin mo na daw ang aparato para matapos na ang paghihirap niya. Dahil mabuti kang kapatid, umiiyak kang binunot ang plug, nagdasal at humagulgol na parang nanalo ka sa Cannes. Mabuti ang ginawa mo, sa mata ng kamag-anak mo, pero nagkasala ka pa rin sa batas na bawal pumatay.

Pagisipan mo bago ka matulog. Kung saka-sakaling madedo ka na dahil sa bangungot at ikaw naman ang tinanong ng receptionist, ano isasagot mo? Ay mali pala, may isasagot ka ba?

Takdang-aralin:


  1. Isulat sa kaliwang side ng 1 buong yellow pad ang lahat ng mabuting nagawa mo mula magkaisip ka hanggang kahapon. Sa kanan naman ang lahat ng mga nagawa mong masama.
  2. Ipakita sa magulang at papirmahan gamit ang unang ballpen na makikita (kahit anong kulay)
  3. Magdasal bago matulog na sana tubuan ng sungay ang mga tao sa Malakanyang na nabubuhay sa kurakot. I-record gamit ang digicam at i-post agad-agad sa fb.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!