100 People You Have to Meet Before You Die

Naisip ko lang, bakit nga ba wala akong childhood friend(s)? Yung mga kaibigang nakasama mo sa paglaki o pagtanda? Yung tipo ng mga kaibigan na natawa minsan noong mga panahon na halos mahirapan kang abutin ng dila mo ‘yung sarili mong sipon o uhog? O yung nakasaksi sa paglabas mo ng ‘pupu’ sa sarili mong uniporme noong nasa elementarya ka at sinisisi mo ang mga banyo ng paaralan kung bakit laging sira ang mga toilet bowl? AT, kwestiyonable ang “Ma’am may I go out?” mo kahit ang boses mo eh garalgal na at may 2 langaw na nagsisilbing guardian angel habang ang buong klase eh kunot ang noo at nakatakip ang ilong? Sila na nakasama mo ng maraming panahon sa piling ng mga tigpi-pisong tsitsiria (o junkfoods sa mga batang hindi man lang naranasang magkasugat sa tuhod at mag-dive sa baha), maglaro ng mga tunay na laro sa kalye kahit mangamoy-araw at amoy bulok na lapis, maka-jamming mo sa pagkain ng mga prutas-na-pinilit-mo-akyatin-kahit-hindi-mo-naman-pagaari o ng kahit na simpleng nectar ng santan sa tapat ng simbahan. Parang wala akong ganun.

Paano ba naman, elementary ako, sa Makati, nung nag-high school, 1st year sa Olongapo, tapos 2nd-4th sa Manila, tapos yung pangalawang 4th year high school (hindi ako bumagsak ha? Binagsak ko talaga kasi paborito ako ng Physics teacher at PEHM, baka lang ma-miss nila ako kaya ako nag-extend ng isa pang taon), balik ulit sa ‘Gapo hanggang makatapos ng ‘2 year vocational course’ na may pangakong trabaho agad matapos mong gumasta ng pagkalaki-laki alang-alang sa miscellaneous na hindi ko na babanggiting technical school. Ngayon naman, andito na ko sa lungsod ng Muntinlupa para lumikha ng ibabayad para sa buwis at pasahod sa mga suplado’t supladang empleyado ng gobyerno. Pero hindi sa piling ng rehas at may sariling guwardiya.

Kaya eto, wala akong permanenteng teritoryo, kapit-bahay, paboritong konsehal at kaibigan.

Sabagay natatandaan ko pa nung bata pa ko, kung saan-saang bubong at pader na ang natulugan ko, at napaglipasan ng ilang panahon. Yung iba naman kasi, hindi ata umaabot ng taon. Nung mga panahong ‘yun, ‘di naman ako curious kung ano man ang trip ng magulang ko kung bakit hobby niya ang tumira sa kung saan-saang mapa man ng ‘Pinas. Pero puro Luzon lang naman, at madalas, Metro Manila pa. Mas interesado kasi ako sa Dragon Ball Z nun at tumakas para lang maglaro ng video games.

Hindi ako ‘loner’ o sobrang samang tao para mawalan ng mga kaibigan na talagang pangmatagalan. Parang minsan naisip ko na lang na ang isang kaibigan eh pana-panahon lang ang role sa buhay. Pwedeng bukas, hindi na kayo close. O kaya mamaya, mortal na kaaway mo na.

Sa sarili kong facebook account, halos iilan lang din ang nasa ‘friendlist’ kumpara sa ilang user na halos umabot na ng libo ang bilang. Pero hindi ako naiinggit, at walang dapat kaiinggitan sa ganung sitwasyon. Isang click lang ang pag-add, isang click lang din ang pag ‘unfriend’.

Sa dami na nga ng lugar na napuntahan ko, madami na rin akong nakasalamuhang tao na iba-iba talaga ang pananaw, pagiisip at trip sa buhay. Sa probinsya, simple lang ang gusto, ang makarating ng lungsod. Ang mga taga-lungsod naman, umuubos ng maraming pera at nagpaplano ng malaki para lang makapag ‘unwind’ sa probinsya. Ang mga sanay sa usok at anghit ng konduktor, pangarap ang bahay-bakasyunan sa probinsya. Ang mga sanay sa lupa at hamog, pangarap ang makaapak sa elevator. Ibig sabihin…uhm…magulo sila kausap.

Naisip mo na rin ba minsan kung sino-sino na bang tao ang naging bahagi ng buhay mo simula ng mag-diaper ka, hanggang sa mga oras na binabasa mo ang wala man lang kapupulutang aral na blog na ‘to? O parang wala lang dahil mas mahalaga sa’yo ang maraming ‘friend request’ kahit hindi mo naman nakaututang-dila o nakabiruan man lang ang isang taong pilit kang dinagdag sa account nila para lang sa salitang “Wow! Ang dami mo namang friends!”?

Naitanong mo na ba minsan sa sarili mo kung sino sa mga taong nakilala mo ang pilit mong inaalala, kinakalimutan, iniiwasan, kinaha-high blood at parang utot na biglang na lang nawala? Kelan mo na-realize na may mga taong sana hindi na lang naging  parte ng buhay mo?

Hindi pare-pareho ang tao. Maaaring ang cool sa’yo, eh kinaiinisan ng marami. At maaaring ang idolo ng nakararami ay kaaway ng iilan. Isang patunay lang na hindi robot ang tao na pare-pareho lang ang takbo ng isip. Kaya nga naglipana ang mga IQ test sa kung saan, bilang sukatan ng kung sino ang mga taong nakakaintindi, hirap umintindi at ayaw talaga umintindi ng mga bagay na against sa sarili niya. At isa rin sa dahilan eh kung bakit maraming genre ang music at pelikula.

Hindi daw lahat ng tao mabait, at hindi rin naman lahat ng mabait eh talagang mabait. Minsan, ang gumagawa ng masama ang nakagagawa ng mabuting resulta, at ang gumagawa ng mabuti ang pilit namang nagiging mali sa iba. Basta sa sarili ko namang opinyon, lahat ng tao mabait: kanya-kanyang version lang.

Napansin mo na rin ba minsan na kung bakit may mga taong hindi mo naman kilala o first time mo makita, pero ang gaan-gaan ng loob mo sa kanya, o kaya naman inis na inis ka sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawang masama sa’yo? O yung eksena ng isang estrangherong bigla kang nginitian pero binato mo naman ng irap? Kasi, IBA-IBA ANG URI NG TAONG MAKAKASALAMUHA MO SA MUNDO. Sa ayaw mo man o sa gusto, makaka-jamming mo sila ng walang nakakaalam na petsa o oras. Bakit? Kasi. Kelangan. At ganyan ang mundo. Isang malaking pinakbet. May mga gulay na kakainin mo, at yung iba eh iiwan mo na lang sa plato, at diretso na ng kanin-baboy.

Hindi pwedeng yung gusto mo lang na tao ang makakasama mo habang buhay. Hindi pwedeng laging cool at best-of-friends. Kelangang dumating sa buhay ng tao ang mga taong magpapainit ng ulo mo at maaaring ituro mo sa mangkukulam para tubuan ng pigsa sa dila.

At yan ang tinatawag na balance.

Habang nagbibilang ka ng edad at kandila sa birthday cake, patuloy na darating ang iba’t bang karakter ng tao sa buhay ng tao. Dahil hindi naman humihinto ang mundo sa pagikot, hindi rin humihinto ang tao sa paghahanap ng mga bagay na tatapos sa mga katanungan niya bilang tao. At yun ay sa tulong na rin ng mga taong nakikita mo araw-araw.

Kaya eto, naisipan ng nagtatali-talinuhang blogger na ‘to na ibahagi ang ilan sa mga taong ‘dapat’ mong makasalamuha bago ka man lang kunin ng liwanag. Kung hindi mo pa sila nakasama o nakabanggaan man lang ng balikat, pwes…bahala ka. Ikaw ‘yan eh. Pero sa ngalan ng henerasyon nateng umuulan ng charger at tsismis, heto ang ilan sa mga uri ng taong tunay na magbibigay ng aral at impluwensiya sa buhay mo, magmula pagtubo ng ngipin hanggang sa paglagas ng ngipin:

Ang ilan sa mga mababanggit na tao ay hango sa tunay na buhay:

  1. kalaro na tinuruan kang maging mabuting kaibigan kaya lagi mo siyang binabalatuhan pag natatalo sa teks o holen
  2. amoy lapis na kaklase tuwing papasok
  3. lider ng kung ano-anong klaseng usapan, mapalaro man o simpleng kwentuahan
  4. BIDA LAGI SA LAHAT!
  5. mahilig manghingi ng piso para sa yosi
  6. kapit-bahay na may prinsipyong “TAPAT MO LINIS, TAPAT KO, LINISIN MO NA RIN!”
  7. hobby ang alak at yosi
  8. nanghikayat sa’yo na maraming benefits ang pagsali sa GANG at FRATERNITY
  9. TEACHER NA MAHILIG MAGPAKOPYA!
  10. traffic enforcer na pula ang mata
  11. jeepney driver na matalas ang pandinig sa “BAYAD”, pero bingi sa “Yung sukli po nung bente!” at “PARA!”
  12. tinderang mataray magtinda ng “DVDX”
  13. tropang amoy-araw sa gabi
  14. guidance counselor na nananabunot
  15. pasahero sa jeep na hindi nakakaintindi sa “NO SMOKING” sign habang nagyoyosi
  16. pedicab driver na amoy ginisang sibuyas na panis
  17. EX na mahilig sa S__
  18. katrabahong amoy bulok na diaper ang bibig
  19. konduktor na mahilig sa dialogue na “boss may ticket na?”
  20. boss sa trabaho na parang wala lang
  21. boss sa trabaho na wala man lang…
  22. ESTUDYANTENG WALANG SAPATOS PAG PUMAPASOK
  23. KONSEHAL NA NAGPAPAPINTURA NG KALSADA TUWING ELEKSYON
  24. barangay tanod na “TULOG” sa duty
  25. nurse na cool kausap
  26. kaklase sa high school na nagsabing “TARA, CUTTING NA LANG TAYO!”
  27. teacher na parang hindi alam ang tinuturo
  28. textmate na nagpanggap na babae
  29. chatmate na nagpanggap na babae
  30. EX na nagkahiwalay dahil sa religion
  31. bus driver na laging nagtatae pag nagmamaneho
  32. HINDI TUMATANGGAP NG OPINYON NG IBA (TAMA SIYA PALAGI)
  33. badtrip sa overtime at ilag sa holidays
  34. TAG-LISH MAGSALITA HABANG TALSIK ANG LAWAY
  35. reklamador/reklamadora sa pila ng fastfood chain
  36. nandidiri sa ‘shawarma’
  37. diyos na si Michael Jordan
  38. kapit-bahay na hobby ang videoke
  39. DOKTOR NA PARANG HINDI SIGURADO SA SINASABI
  40. EMPLEYADO NG CITY HALL NA MAHINA ANG BOSES AT MAHILIG SA SALITANG “NEXT!”
  41. taxi driver na parang host ng “Maalala mo kaya?”
  42. tropang tuldok ang pagmumura
  43. kaklase ng elementary na sugapa sa masustansiyang sopas at champorado
  44. kaklase ng college na 2 taon mong hindi man lang nakausap
  45. kaklase ng college na 2 taon mong hindi alam ang apelyido
  46. service crew na laging nakasimangot
  47. MAGANDANG RECEPTIONIST na parang laging pumapapak ng lechon sa kintab ng labi
  48. barberong hindi mo kasundo sa ahit
  49. parloristang MAY SAPI NI VICE GANDA
  50. miyembro ng networking na biglang yaman
  51. matigas na tropa noon, beki na ngayon
  52. hindi makabasag-pinggang kamag-aral na 4 na ang anak ngayon
  53. tropang naging tropa ng dahil lang sa pera
  54. textmate na naging tropa na naging kaaway
  55. TEACHER NA LAGING NAGMUMURA SA UMAGA!
  56. guwardiya na may halong “effort” ang ‘frisking’
  57. patay-malisyang katabi sa jeep na nakatatlong “Paabot nga po ng bayad” pero biglang napasukan ng lamok ang eardrum
  58. college instructor na mahilig sa Xerox!
  59. kapit-bahay na google at yahoo sa daming alam na tsismis
  60. mahilig sa katagang “wala ba kayong barya?”
  61. katrabahong laging ‘pera’ ang topic
  62. tindero ng mani na amoy sibuyas
  63. principal na parang artista kung magsalita
  64. kaklaseng hobby ang suntukan
  65. batang nangangaroling sa jeep habang nag-aabot ng sobre, tuwing NOBYEMBRE!
  66. traffic enforcer na nanghuli ng walang helmet, na hindi naka-helmet
  67. nakatuluyang bestfriend
  68. PAKELAMERO’T PAKELAMERA
  69. laging galit sa gobyerno
  70. ESTUDYANTENG MASAYA TUWING SUSPENDIDO ANG KLASE
  71. MGA BEKI NA KUMAKAWAY SA HINDI-GAANONG-MATAONG-LUGAR-NG-MALL
  72. TEACHER NA, NEGOSYANTE PA (sa loob ng klase)
  73. taong pakiramdam niya’y sosyal siya anytime
  74. NAGIIBA ANG ANYO PAG NAKAINOM
  75. WALANG BILIB SA PINOY
  76. nakokornihan sa telenobela, teleserye, etc…
  77. mga pulubing maraming hawak na barya
  78. driver na parang SENADOR: CORRUPT
  79. EX NA SINUMPA KA
  80. EX NA SINUMPA MO
  81. tricycle driver na laging walang panukli
  82. mainitin ang ulo pag summer
  83. mainitin ang ulo pag bumabagyo
  84. kapit-bahay na galit sa ozone layer kaya hobby ang pagsusunog
  85. kalaro na madaya
  86. kalaro na ubod ng daya
  87. taong hindi natatawa sa joke(s)
  88. korni mag-joke
  89. mahilig pag-aralan ang buhay ng may buhay
  90. galit sa gulay
  91. galit sa karne
  92. mga taong handang mag-volunteer (walang bayad)
  93. mga taong laging handang mag-volunteer (may bayad
  94. teacher na anak ang turing sa estudyante
  95. traffic enforcer na magalang
  96. driver na tapat sa panunukli
  97. doktor na sincere sa sinasabi
  98. kapit-bahay na walang bahid na pulitika kung tumulong
  99. kaibigan na lagi kang naalala ano mang panahon o oras
  100. MGA TAONG NALULUNGKOT AT UMIIYAK HABANG NAKAHILATA KA SA MALAMIG NA KAMA NG OSPITAL HABANG NAGHAHABOL NG HININGA…



-the end-

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!