Anong Problema Mo?!

Muntik na kong mahulog sa upuan noon ng hindi sinasadya.

Pa’no ba naman, tinanong ng Values Education teacher ko (3rd year high school) ang isang magiting na kaklase kung ano-ano daw ang madalas nitong pinoproblema sa araw-araw. Hindi daw valid na sagot ang face value. Pero ewan ko kung kulang sa margarine ang pandesal at walang asukal ang kapeng inalmusal niya ng araw na ‘yon kaya naisipan niyang isagot ang nakakakunot-noong “Wala po!” na madiin at makahulugan. Natural, kasunod nun ang ilang tawanan at mga matang takang-taka sa ‘simple pero nakakaintrigang sagot’ ng kawawang kaklase. Madiin ang pagkakasabi niya ng “Wala po!” na para bang isa siyang anak ng Diyos na hindi uso ang problema. Mukha naman siyang hindi nagbibiro at seryoso naman ang tono ng boses niya (ismarte pa man din ang tindig niya) kaya lalo akong napakapit sa pagkakahawak sa upuan. Inaantay ko na nga lang magkaron ng background music ng mga taong nagtatawanan at nagpapalakpakan nung mga oras na ‘yun tapos may isang babae na magka-cartwheel at aabutan siya ng P10,000.00 sabay sigaw ng “Congratulations!”.

Hindi rin naman kumbinsido ang guro sa sagot nito, kaya minabuti na lang nitong ulitin at i-revise ang tanong sa mas simple at madaling intindihin:

[Boses ng babaeng terror na teacher] “Ano ang madalas mong pinoproblema?”

“Wala po akong problema Ma’am!” ang mabilis niyang sagot.

Tawanan ulit ang buong klase. Hindi man ako mind-reader, pero alam ko ang iniisip ng ilan, “Wow idol ang bangis mo!”. Ako naman, medyo natatawa na lang. Gusto ko sanang ibulong sa kanya na ganito dapat ang isagot niya: “Problema ko po kung ano ang poproblemahin ko dahil wala akong panahon magkaproblema…”.

Awa ng Diyos, kasama naman siya sa mga gumradweyt ng taong ‘yun.

Maswerte nga siya kung talagang wala siyang kinikilalang problema. Ang kaso, ginawa ang tao na problema, at mamamatay na problema.

Sa totoo lang, sa mga oras na haharap ako sa computer para gumawa ng panibagong blog, problema ko kung ano ang ‘interesante’ at ‘cool’ pagusapan. Hindi kasi ako nakikiuso sa mga trending na topic sa kung saan mang pahina ng internet naging usap-usapan, bukambibig, [boses ni Boy Abunda] “Eklusibo!”, fresh, at front page ng mga tabloid na laging may picture ng isang babaeng Rated PG. Hindi ako interesado sa mga bagay na tinapunan na ng kung ano-anong opinyon o kuro-kuro. Mas gusto kong gamitan ng common sense ang mga bagay na parang kalat sa kalsada: hindi gaanong napapansin at walang gustong pumulot. Tingin ko, wala namang problema dun.

Ngayon iisipin mo, “Laos pala ‘tong blogger na ‘to eh!”. Okey lang. Darating din naman ang panahon na ang salitang ‘uso’ ay dadaan sa salitang ‘laos’. Ang trending ngayon, laos na bukas. Kasi darating at darating ang mga bagay na mas nakakaagaw ng atensyon sa tao. Kaya yang hawak mong mamahaling cellphone, next week laos na.

Balik tayo sa main problem ng blog.

Bukod sa kung ano ang magandang topic, sakit din sa ulo ang ‘title’. “T!@#$%, ano bang magandang title?”. Mas gusto ko kasi ‘yung tipong 3 salita lang pero ang bigat ng dating. Yung unang basa pa lang ng mambabasa, magiging interesado na. O kaya ‘yung tipong ‘metaphor’ para mas cool at iisipin ng mambabasa na “Syet mukhang okey ‘to ah!”. Gusto kong sa title pa lang, kukunot na ang noo ng mambabasa at maglalaan siya ng ilang minuto para lang basahin ang ‘hindi naman pala interesante!’ na blog. Yung kahit na hindi na niya tapusin hanggang sa huling tuldok.

Gaya ngayon, walang pumapasok sa isip ko kung ano ang magandang bigyan ng pansin, bukod sa naglalarong Christmas lights sa paligid ko at mga batang nagkakaroling.

Problema.

Bakit nga ba hindi natatapos ang problema ng tao?

Yung normal na takbo ng buhay ng isang tao, hindi bababa sa sampu ang bilang ng problema. Uulanin ng mga tanong na ANO, BAKIT, SINO, SAAN, KELAN AT PAANO. Magmula sa oras ng paggising, sa simoy ng hininga, sa amoy ng sabon, sa lukot na pantalon, sa mabagal na takbo ng jeep, sa baryang ipanunukli ng mamang drayber, sa mga taong nagsusuot ng ‘agaw-atensyon’, sa dami ng trabaho, malayong petsa ng sweldo, lumang sapatos pamasok, usok ng yosi, badtrip na traffic enforcer, nagkalat na mukha ng mga nangangampanya tuwing eleksyon hanggang sa pinaka-cool na status sa facebook…hindi tayo nawawalan ng problema.

ANONG MASARAP KAININ?

SINO DAW SI PARIS HILTON?

PAANO MO NALAMANG CORRUPT SI MAYOR?

BAKIT KA NALIGO KAHAPON?

KELAN DADALAW ANG MGA ALIEN SA PAMPANGA?

SAAN GALING ANG PERANG HAWAK NG MGA SENADOR NGAYON?

Problema. Hindi nauubos.

Sa sarili mo lang, hindi mo na nga alam kung saan hahanapin ang mga sagot sa sarili mong tanong. Instant problema agad. Paano pa kung gusto mo ding lutasin ang problema ng mga taong kakilala mo o kahit na simpleng textmate?

Wag ka magalala, hindi ko babanggitin ang pinoproblema ng paborito mong artista sa blog na ‘to.

Punahin na lang naten ang mga ‘common problems’ ng ‘Pinas, pero wag na nating kwestiyunin ang sistema ng gobyerno. Pare-pareho lang tayong mawawalan ng gana kumain.

Bukod sa problema na ng mga balikbayan ang pagbaba ng dolyar laban sa piso, at kung ano ang masarap na handa sa darating na noche Buena, ang mga sumusunod ay problemang ikakukunot ng noo at makapagbibigay ng reaksyon na “Oo nga no?” ng katulad mong nagsayang ng oras para basahin ito:

  1. maraming nahuhuling ‘jay-walking’ sa ilalim ng footbridge
  2. footbridge na walang bubong na badtrip lakaran tuwing summer
  3. kapag may sumikat na kahit anong genre ng kanta, automatic na magkakaron ng ‘acoustic version’
  4. umaangal kapag sinabi ng PAGASA na may darating na super typhoon, pero hindi naman ganun kalakas
  5. sweldong hindi tumataas
  6. sunod-sunod na pelikulang may temang ‘kabit’ at ‘sulutan’
  7. wala ng “O” sa OPM
  8. mahilig tayong sumali sa Guinness world records kahit hindi naman dapat (sinong lalaban sa pinakamahabang mesa ng sisig sa buong mundo?)
  9. nasa tabi ng “Bawal magtapon ng basura dito” ang…basura
  10. mas maraming commercial o advertisements sa tv kesa sa mga programa
  11. paulit-ulit lang ang takbo ng mga telenobela, yung mga karakter lang na artista ang nagbabago
  12. mahilig sa remake na pelikula o telenobela, takot sa salitang ‘originality’
  13. sa trabaho, daig ng sipsip ang masipag
  14. pag may ginawang batas na tutol ang simbahan, tablado agad
  15. mukhang ‘ATM machine’ ang tingin ng iba sa mga OFW
  16. madalas may ‘pleasing personality’ ang job hiring na hindi naman related sa trabaho
  17. pag magulang ang nagsabi, malabong paniwalaan. Pero pag isang sikat na artista ang nagsabi, share-share na sa mga profile site
  18. madalas na hindi related sa tinapos na kurso ang unang trabaho
  19. parang gobyerno ang sistema ng isang kumpanya pagdating sa trabaho: uso ang kurapsyon at palakasan
  20. Cellphone muna, bago BIGAS
  21. Ang contest ngayon, via SMS na
  22. yung mga reality shows na scripted
  23. hindi naman bumoto, pero galit nung hindi nanalo yung gustong kandidato
  24. may kaakibat na ‘sosyal’ ang pagtambay sa mga coffee shop
  25. ipo-post muna sa mga profile site ang pagkain bago kainin
  26. laging may ‘heroes welcome’ ang mga sikat na atleta kahit na talo, pero yung mga nagdadala ng parangal, palakpak lang
  27. fastfood na hindi naman talaga fast dahil mabagal ang serbisyo
  28. instant ‘matalino-image’ pag graduate ng mga kilalang unibersidad
  29. dumadami ang pulis, dumadami din ang kriminal
  30. legal ang ‘vandalism’ kahit saan
  31. takot ang gobyerno sa simbahan
  32. maghahanda tuwing may okasyon, kahit galing sa utang (wag lang matawag na kuripot)
  33. kilala si Ninong at Ninang pag Pasko
  34. gusto mataas na sweldo, pero tamad sa trabaho
  35. kukuha ng maraming Ninong at Ninang kahit di gaano kilala, para makabawi sa gastos
  36. tatlong katangian para maging singer: 1. maganda/pogi 2. sexy 3. ‘yun lang
  37. kasama ang Eleksyon sa kinikilalang panahon sa ‘Pinas
  38. ACTION STAR or ARTISTA = PULITIKA
  39. kikilos ang mga sangay ng gobyerno kapag may nangyari ng hindi inaasahan
  40. masasabi lang na mabait ka pag patay ka na
  41. sa noontime show inaasa ang kapalaran
  42. kadalasang title ng mga kanta ang title ng pelikula
  43. nagiging “Pilipino ako!” pag nananalo si Pacquiao
  44. ang variety show ay pwede ring telenobela
  45. pag may traffice enforcer, asahan na ang traffic
  46. hindi purong Pinoy ang mga atleta ng Pinas
  47. SILA-SILA, KAYO-KAYO lang ang mga kandidato tuwing eleksyon
  48. hindi man direkta, pero base sa estado ng buhay ng tao ang pwede niyang pasuking ‘mall’
  49. madalas tawanan ang ‘bisaya’ dialect
  50. konting problema, welga
  51. [insert your own problem here]


Madami pang problema, pero hindi ko na ilalagay yung iba.

Problema ko kasi kung pano ang ending ng blog na ‘to.

Paano nga ba?


Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!