"The god That Failed"

Simula ng magka-wifi sa bahay, halos araw-araw na kong sumisilip sa newsfeed. Nakikibalita. Nakiki-tsismis. Kahit ano o kahit sino lang. Updated sa mga current events at trending. Updated sa mga kakilala at nasa ‘friends list’.  Kung anong pinaggagawa nila sa mga nakalipas na araw; kung ano ang naging interensante sa buhay nila; at samu’t saring status na ewan kung totoo o “copy + paste”. Sa ilang minuto kong pamamalagi sa sarili kong account, nadadagdagan ang impormasyon sa utak ko kahit pa-browse-browse lang at paiskro-scroll down. Ganun lang kasimple. Ganun lang kadali.

Automatic yun araw-araw, kahit pagod ako o wala sa mood. Mas madalas na bago matulog pagkagaling sa trabaho. Minsan nasusundan pa pagkagising, bago naman pumasok. Nagiging bahagi na ng past time o habit. Parang tumatamlay ang hindi-ko-na-babanggitin-ang-brand-ng-smartphone-ko kapag hindi ko napipindot ang ‘wi-fi on’. Nagiging dahilan para ma-lowbatt ang hindi-ko-na-babanggitin-ulit-ang-brand-name-ng-smartphone-ko. Hindi kumpleto ang isang araw na hindi ko nasisilayan ang social media site para lang matuwa o ma-stress sa bandang notifications button. May halo pang suspense kung namula ang friend request o message button.

Kaya nga nitong nakalipas na bagyong Glenda, para akong adik na natatakam sa kanya. Dahil halos isang linggong walang kuryente, isang linggo din akong blangko sa kung ano-anong pangyayari sa bansa. Tinuring ko pa namang diyaryo yun. Hinahanap-hanap ko ang mga impormasyon at hinaing ng maraming tao. Ang mga status na walang kwenta. Ang mga viral videos na nakakadiri. Ang mga quotations na mali-mali ang spelling.

Nakakasira ng bait. Nakakatunaw ng pagkatao.

Sa trabaho, sa telebisyon, sa radyo at kung saan-saan pa, halos lagi ko na siyang napapanuod o naririnig. Bukambibig na nga ng ilan. Kadalasang pinagmumulan ng magandang usapan, lalo na sa mga oras na parang wala lang. “Huy, nabasa mo ba yung status ni [insert your favorite enemy here]?”. Napapadalas na rin ang paglitaw ng logo nito sa kahit saang parte ng kalsada. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses itong lumitaw sa maraming billboard ads sa highway. Konti na lang, dadaigin na nito ang mga nakapaskil na mukha ng mga kandidato tuwing eleksyon, na sa tingin ko e mas okey na rin.

Pansin na pansin ko nga ang pagbabago ng tao simula ng umusbong ang social media site na to. Kung paano nito binago ang mukha ng teknolohiya. Kung paano nito lamunin ang modernisasyon, at kung paano nito sakupin ang isip ng maraming tao. Lahat ng klase ng tao. Naisama na ata sa bilang ng necessity ng tao, kaya dapat meron ka nito, para hindi ka laos o huli sa balita. Noong una nga e nakokornihan ako dito, lalo na nung kakapasok lang nito sa Pinas. Pero gaya ng sore eyes, nahawa din ako. Nakiki-status na rin. Nakiki-share at nagpe-paste na rin ng kung ano-anong link.

Mahigit isang dekada na nga ang lumipas simula ng maimbento ito. At dumarami ng dumarami ang miyembro nito. Buong mundo ang sakop nito, at walang pinipiling edad. Pinaka-popular at usap-usapin ngayong dekada. Simbulo ng pagiging ‘in’ at mababansangan kang tag-bundok kung saka-sakaling inosente ka pagdating sa gantong usapin.

Marami ang natuwa at na-entertain. Pero sinimulan din nito ang pagkasira ng tao, sa maraming paraan.

Ano ba hanap mo? Impormasyon? Viral videos? UFO at aliens? Quotes? Weather forecast? Current events? Bogaloyds na tsismis? Games? Chat? Videocall? Lahat yan, andito na! Pagsama-samahin mo lahat ng encyclopedia at diyaryo sa buong mundo (kahit ang pinakamumurahing tabloids), ito lang ang kelangan mo. Mismo.

Kung tutuusin, mas updated pa ito sa lahat ng puwedeng pumasok na balita, araw-araw. Hindi lang sa Pinas. Buong mundo. As in. Madami itong galamay at hawak din nito ang ilang networking sites para sa mas mabilis at organisadong proseso. All-in-one na nga, kung tutuusin. Wala ka ng hahanapin pa dahil lahat ng pangangailangan mo sa mundo ng cyberzone ay nasa kanya.

Kelangan mo lang mag-register at maging lehitimong member. Mas premium ang membership kung may sarili kayong internet at computer para araw-araw updated. Wag lang brown-out.

Matapos mong ibigay ang ilang personal mong impormasyon, welcome to the jungle! Isa ka ng hayop na naghahanap pa ng iba’t ibang uri ng impormasyon sa maraming klase ng hayop! Dito mo maluwag at malayang mae-express ang lahat ng gusto mong sabihin sa mundo, nang walang makikialam at walang kokontra. Kung may mga negatibo mang komento, side-effect na lang yun. Kung marami ang natuwa at sumang-ayon, congrats!

Hindi ko rin masagot ang tanong na “Ano ba ang napala ko dito?”. Aminado ako at hindi ko maitatanggi. Malaking tulong ito sa maraming paraan. Pinagagaan nito ang ilang bagay na noon e hindi kayang sagutin ng mga nakalipas na social networking sites. In-entertain ako at binigyan ng maliit na espasyo para mapabilang sa isang mundo na kung saan, ang lahat ng klase ng tao ay puwede kong kausapin, kamustahin, murahin o isumpa. Dito ko ibinuhos ang lahat ng mga saloobin ko bilang tao. Dito ko natutunan ang maraming bagay, at dito ko rin nalaman ang mga bagay na minsan e hindi ko na pala dapat natutunan. Naging advance-learner ako dahil sa dami ng fan page na ni-like ko. Nakapanuod ng hindi na mabilang na videos, magmula sa tamang pagguhit ng rainbow hanggang sa paggawa ng sariling atomic bomb. Lahat yan, ibinigay niya sa’ken simula ng magpa-member ako sa kanya. Libre lahat. Wala akong binayaran. Internet bill lang buwan-buwan.

Hindi ko namamalayan, para na pala siyang diyos.

Sinusunod ko kung ano ang gusto niya. May ilang mga utos siyang kahit against sa’ken e ginagawa ko pa rin. Hindi lilipas ang araw na hindi ko siya nakakamusta. Pinapasok ko sa utak ko kung ano man ang ituro niya sa’ken, nakakatuwa man o stressful. Marami siyang inihahain sa’ken na halos hindi ko na alam kung alin o ano ang dapat kong unahin. Oo lang ako ng oo sa dami ng impormasyon na ibinibigay mo. Bahala na ko kung maniniwala ako o hindi. Hindi man tuwirang nanghihingi ng koleksyon, pero buwan-buwan ko siyang binabayaran.

Sino ka ba? Diyos ka ba?

Ang dami mo kasing miyembro. Wala ka mang tuwirang simbahan, pero internet ang templo mo. Milyon-milyon ang taga-sunod mo, at dumarami pa sila. Wala kang pinipiling lahi, edad o estado ng buhay. Ang lupit ng marketing strategy mo kaya marami ang sumasandal sa’yo. Sinakop mo na ang lahat, as in lahat-lahat. Ikaw na nga ang lahat. Isa ka na sa necessity ng tao. Marami kang tinulungan. Marami kang pinasaya at pinatawa. At marami-rami na rin ang binago mo ang buhay.

Pero marami ka na ring sinirang buhay.

Dahil sa’yo, maraming tao ang nahikayat magpakabit ng wi-fi kaya kasama na ito sa buwanang bills. Tumaas ang demand ng mga smartphones at tablets, kaya maraming tao ang nagiipon para dito, imbes na sa pagkain o pang-araw-araw na gastusin. Tumaas din ng ilang porsyento ang konsumo ng kuryente ng maraming tao. Maraming establisyemento sa Pinas ang kusang-loob na nagpaskil ng ‘w-fi zone’ sa dahilang maraming tao ang sumisilip dito, at bahagi ito ng business strategy. Araw-araw, dumarami ang bilang ng mga nag-uubos ng oras nang dahil sa’yo, at mas nagiging priority ka na ng mga walang magawa. Nilalayo mo ang ilang kabataan na mag-aral sa oras ng pag-aaral. Nanira ka ng maraming relasyon. Pinag-away-away mo ang maraming bansa. Pinakain mo ng pinakain ang utak ng tao ng kung ano-anong bagay na sana e hindi na nalaman. Dahil sa’yo, nadaragdagan ang dahilan ng tao para ma-stress. Dahil din sa’yo kung bakit nabubura na sa dictionary ang salitang ‘privacy’ at ‘social life’.

At gaya ng ilegal na droga, marami ang nahuhumaling at naaadik sa’yo. Wala ka mang rektang side-effect sa katawan, pero unti-unti mong nilalason ang utak ko. Ang dami mo kasing alam. Sinakop mo na lahat---kahit ang mga nananahimik na impormasyon, nasusungkit mo dahil sa talino ng mga miyembro mo. Minsan gusto ko magpasalamat, pero no thanks na rin. Hindi rin naman ako sigurado sa mga impormasyon mo. Naniniwala pa rin ako sa kasabihang “Think before you click”. Iba ang turo mo, iba ang turo ng libro. Mabuti na lang at di ka gaya nila shabu at cocaine na magastos. Ano mang oras pupuwede kitang gamitin, nang hindi patago at hinahabol ng PDEA.

Pero nakakabilib ka. Going strong ka pa rin. Hindi ka nalalaos. Dumarami ang pauso mo at updates. Ayaw mong manatili sa iisang style. Siguro nga sa mga oras na’to, nag-iisip ka na naman ng mga bagong pakulo. Para hindi ka matulad sa dati mong kalaban na nilamon ng mga abusado at walang mapagtripan. Kaya bilib pa rin ako sa’yo. Ang lakas at ang galing mo. Nananatili kang matatag sa kabila ng batikos at negatibong komento ng ilan. Makapangyarihan ka, na para ka ng diyos na sinasamba.

Pero hanggang kelan?

Magkakaron ka din ba ng sariling version ng sakit sa utak o syndrome? O sariling pangalan ng cancer? Paano kung isang araw e bumitaw ka na dahil sawa ka na, ano na mangyayari sa mga taga-sunod mo?

Ayokong dumating ang panahon na magkakaroon ng reality shows kung saan ang mga contestant e magpapaligsahan ng may pinakamahabang panahon na hindi nagbubukas ng kanilang account. Pati na yung panahon na kung saan, magkakaron na rin ito ng sariling subject sa paaralan. Mahirap isipin yun. Sana hindi dumating yung panahon na isasali na sa world depression ang pagbagsak pansamantala ng site mo.



(Welcome, Juan Mandaraya! You have 2 notifications and 1 friend request…)

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!