An Open Letter to the Three Major TV Networks

Dear Three Major Television Networks (kilala nyo na po kung sino kayo),

Hindi ko alam kung ano ang tamang pagbati sa inyo dahil hindi ko rin alam kung anong oras nyo mababasa itong liham na ito (kung sakali lang naman). Tutal magmula madaling-araw hanggang hating-gabi ay on-air kayo, siguro mas okey na siguro ang ‘maligayang isang buong araw’ sa inyo.

Una sa lahat, hindi po ako isang peryodista o graduate ng ano mang kurso para maging legal o beteranong manunulat para sumulat (o mag-type) ng ganitong uri ng liham. Pangalawa, wala rin po akong alam sa paggawa ng mga programang pang telebisyon. Isa lang ako sa mga milyon-milyong tao na mula pagkabata hanggang magkaron ng sariling notebook (na hindi mamahalin) na makikiusap o magbibigay ng suhesyton hinggil sa mga telenobela/teleseryeng inyong ipinalalabas, magmula umaga hanggang gabi (na minsan meron pa sa hating-gabi).

Hindi po sana ako gagawa ng ganitong liham kun’di lang ako aksidenteng nakapanuod ng ilang trailers ng mga susunod nyong telenobela/teleserye sa taong 2014. Sa totoo lang po, hindi ako natuwa sa mga susunod niyong proyekto na buong pagmamalaki niyong ihahandog ng walang kasawa-sawa sa aming naghihikahos na telebisyon, na tanging antenna lang ang sandalan para magkaron ng sinasabi niyong ‘entertainment’. Una, wala naman pong bago, maliban sa titulo, font size at design ng title. Ganun at ganun pa rin ang istorya. Nagbago lang ang mga karakter o artistang gaganap. Pangalawa, wala talagang bago.

Alam nyo pa ba ang una kong reaksyon sa mga ‘upcoming telenovelas’ nyo? Yan na naman. Kasunod ng tanong na “Wala na bang bago?”. Gusto ko po sanang itanong sa inyo kung hanggang dito na lang ba ang kaya nating ipalabas? Panigurado, at sigurado talaga ako na mga beterano/beterana na ang mga writer nyo (bukod sa edukado) pagdating sa mga TS/TN (teleserye at telenobela), pero bakit parang walang nangyayaring innovation at evolution? Wala pong progress, sa totoo lang. Best-seller niyo po ang istoryang ‘ampon’, pang-aapi at love triangle. Hanggang dito na lang ba talaga? At kung wala man kayong ibang maisip, aasa na lang po ba tayo lagi sa remake at kopya?

Kung makakagawa lang kayo ng mga kwalidad na TS/TN, panigurado akong hindi niyo na kelangang umarkila pa ng mga Korenovela na wala ring ibang istorya kun’di pang-aapi at love triangle. Sulutan. Agawan ng asawa. Siraan ng pamilya. Natapos na ang generation nila Marimar at Maria Mercedes, heto’t mga Koreano/Koreana naman ang bago nyong trip. Minsan naisip ko na rin na parang walang silbi ang logo ng ‘Parental Guidance’ na nakaharang ng bahagya sa bandang ilalim at kanan ng kawawa namang telebisyon na umaasa sa mga programang may sense at kapaki-pakinabang, dahil sa paulit-ulit na takbo ng istorya ng mga ipinagayayabang nyong bagong TS/TN. Walang ibang lesson kun’di:

-mahahanap ng bida ang kanyang tunay na magulang ilang linggo bago matapos ang TS/TN pero mamatay din ito
-babagsak sa tunay na ka-love team ang bida pagkatapos masulot ng kontrabida dahil sa pera at hindi kapani-paniwalang eksena
-yayaman bandang huli ang bida kahit naging masama na ang ugali nito na ipinanganak na mabuting tao
-magkakatagpo ang magkakapatid na nawalay sa isa’t isa na tatanga-tangang hindi alam na kapatid na niya mismo ang kalaro niya
-maraming pang iba na maraming beses na ring bumebenta pa rin

Yung totoo po, walang bago.

Hindi ko po hinahangad o sinasabing kelangan magkaron ang Pinas ng sariling version ng ‘Walking Dead’, ‘Prison Break’, ‘Greys Anatomy’ o ng kung ano-ano pang tv series ng Amerika (na kayang tapusin ang isang season sa loob lang ng maghapon dahil sa abot-kayang presyo na DVD).  Naghahanap po ang manunuod nyo ng mga programang tumatalakay sa totoong buhay ng tao, maging ang bansa. Yung current issues po. Yung makabuluhan at kayang-kaya nating ipagyabang sa maraming bansa. Pwede naman po sigurong haluan ng love triangle o ng sulutan, pero sana may ilang porsyento din ng quality, originality at uniqueness, kahit pa tambakan niyo ng kalahating oras na commercials o tv ads ang isang oras na TS/TN.

Mahirap po ba ang ganung sistema? Matapos ang mga karumal-dumal na masamang balita dahil sa daily news program, kasunod po ba lagi nun ang walang kasawa-sawang dramahan na lalong nagpapasama sa loob ng mga Pinoy?

Hindi po ba natin kayang umisip ng mga programang pwedeng magkaron ng maraming season kung sakali mang maging successful?

Halos lahat nga ng mga reality shows natin e hiram din natin sa maraming bansa, pati po ba ang mga TS/TN?

Inuulit ko po, hindi ako eksperto sa maraming larangan pagdating sa industriya ng media. Ito po ay isa lamang liham na baka sakaling masagi ko ang natutulog niyong lapis, ballpen o papel pagdating sa pagsusulat ng mga makabagong TS/TN. Marami pong nagkalat na magagaling na writer o scriptwriter sa buong Pinas, mapa-beterano man o amateur. Ilang panahon lang ng pagre-research ang kelangan. Sigurado ako---makakahanap kayo ng mga interesting na istorya na kailanman ay hindi natin napanuod sa hanay ng mga TS/TN, lalo na sa gabi.

Isa pa po sa madalas kong mapuna ay ang takbo ng mga script. Masyadong sensitibo sa balirala. Takot sa grammatical errors. Kung gusto talaga nating makatotohanan ang takbo ng mga eksena, umpisahan natin ang pagbabago ng script writing.

Halimbawa:

Wala kang kasing sama! Hayop ka! Humanda ka sa pagbangon ko!”

Marami na pong pelikula ang gumamit nito. Pwede naman sigurong i-revised ng ganito:

“Kulang ng tao si Satanas dahil andito sa harapan ko ang isa sa mga kampon niya!”

Heto pa ang ilan sa mga linyang best-selling lalo na sa love stories:

Mahal na mahal kita at hindi ko kayang mawala ka sa piling ko…”

Panahon pa nila Balagtas ang ganitong statement. Pwede naman pong ganito:

“Iniwan ko ang barkada ko dahil sa sinasabi mong relasyon natin, tapos hindi mo man lang maramdaman kung gaano kita kamahal? Iiwan mo ko ng dahil lang sa walang kwentang dahilan?”

O kaya:

“Kung iiwan mo ko, siguraduhin mong may dala kang lason o baril. Para hindi ko na maramdaman ang mga susunod na sakit sa pagkawala mo…”

E di ba mas may dating at cool?

Hindi ko sinasabing wala ng tumatangkilik sa mga programa nyo. Marami akong kakilala na patuloy pa ring sumusuporta sa mga paulit-ulit na TS/TN. Pero hindi na po kelangan ng survey kung sino-sino ang mga manunuod na okey at hindi. Marami rin pong kagaya ko na naiinis at hindi na natutuwa sa sistema ng mga programa ngayon, partikular na nga ang TS/TN. Wala lang po talaga silang magawa o lakas ng loob para magmura o umangal dahil sa busy sa maraming bagay.

Malamang nga po may magre-react dito na “E di wag ka na lang manuod!”. Simple lang naman po ang isasagot ko: “Sayang ang telebisyon namin.” Sayang kung puro lokohan na lang ang pampalipas ko ng oras dahil sa telebisyon. Sayang ang free tv ng Pinas kung hindi ko man lang magawang mamuri ng piling programa. Sayang naman ang binabayad namin sa kuryente. Pero sabagay, kung ititigil ko ang panunuod, malamang bumaba ang konsumo namin ng kuryente. Siguro nga.

Sa totoo lang, wala po akong panahon sa mga TS/TN dahil sa schedule ko sa trabaho. Night shift po kasi ako kaya busy ako sa mga oras na nagi-iyakan na ang mga bida o “Si Aling Tekla ang tunay mong ina!”. Pero kung magkakaron ng isang programang deserving na abangan kahit sa internet, gagawin ko po. At buong pagmamalaki ko pang isasama sa status ko sa facebook.

Current status: Can’t wait for the next episode of “Noli Me Tangere”! Ang galing ni Crisostomo!

Ngayon kung tatanungin nyo naman po ako kung meron po ba akong suggestion (dahil baka nayayabangan o naiinis na kayo sa mga oras na to), meron at meron naman po, kahit papano. Tulad ng Noli Me Tangere o El Filibusterismo pero modern na ang setting. Kilala naman po natin ang writer nito. Bukod sa matapang, ubod pa ng talino. Kung magagawa niyo ang ganitong klaseng TS/TN, baka pati mga eskwelahan o paaralan gawing assignment to? At kung susuwertihin pa, baka maengganyo ang mga kabataang mag-aaral na magbasa ng libro?

Mas cool, di po ba? Magiging magandang dahilan na ng mga kabataan ang tumambay sa tapat ng telebisyon dahil sa astig at matapang na programa.

O kaya ang talambuhay mismo ni Rizal. O ni Supremo. Mahirap po ba ang ganung istorya? Magastos po ba?

Isa pang magandang istorya: isang batang salat sa buhay magmula elementarya pero naging successful hanggang makatapos ng pag-aaral sa dahil sa kakaibang talino, sipag at tiyaga. Maraming tutulong sa kanya para makatapos at makaahon sa buhay dahil sa linggo-linggong guest-ing ng mga artista. Makakasalumuha niya ang maraming klase ng tao---magmula sa simpleng tao hanggang sa politika. Atlis hindi magsasawa ang tao sa mukha ng mga artistang ilang buwan (o linggo) nilang napapanuod na kun’di man makikipaghalikan, makikipagsampalan at iiyak ng iiyak kahit hindi naman dapat. Kung maging okey to, maraming mag-aaral ang maeenganyong mag-aral ng mabuti dahil sa magiging inspirasyon ang TS/TN na to.

Kung aksyon naman po ang trip nyo, bakit hindi nyo gawing inspirasyon ang istorya ni Manny Pacquiao? Halimbawa, may isang bata, binata o matanda ang walang-awang napatay ng mga masasamang budhi ang kanyang pamilya dahil sa masamang sugal ng boxing. Dahil dito, magsusumikap na maging professional boxer ang bida at marami siyang makakalabang kapwa boksingero bago niya matunton kung ano at sino ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang pamilya. At dahil dito, maraming atleta ng Pinas ang lalong mai-inspired para mag-uwi ng medalya sa bansa.

Kung musical naman ang tema, sana ganto: may isang batang nangarap na maging singer dahil sa kahirapan. Magiging inspirasyon niya ang pamilya. Sasali siya sa maraming singing contest, hanggang sa marating ang tagumpay. Pero dadaan siya sa maraming pagsubok at drama. Maraming tao ang hindi maniniwala sa kakayahan niya, pero dahil sa pangarap at inspirasyon dahil sa paboritong singer, happy ending pa rin ang huli.

Hindi ko rin nga matandaan kung nagkaron na rin ba ng TS/TN tungkol sa pagbuo ng banda. Magandang inspirasyon ito sa mga nangangarap bumuo ng banda. At dahil dito, baka sakaling sumigla na ang natutulog nating OPM.

Request ko rin po sana na magkaron tayo ng TS/TN na kakaiba ang plot pagdating sa Sci-fi. Yung horror naman ang tema. O kung hindi naman, isang grupo ng mga kabataan na makakadiskubre ng mga kayamanang itinago ng mga ninuno. Dito ngayon lilitaw ang Philippine History. Basta ganun---yung tipong gagamit ka talaga ng common sense at mapapa-Google ka ng wala sa oras dahil sa lalim ng istorya.

Wag po sanang dumating ang panahon na halos ayaw ng manuod ng local channels ang mga Pinoy dahil sa pananawa ng mga ‘bago’ niyong TS/TN. Sana lang din ay hindi dumating ang panahon na mapasama sa bill ng kuryente ang drama ng buhay dahil sa nakakaumay at drama maghapon. Tandaan niyo po na hindi po kami nagbabayad ng kuryente para lalong sumama ang loob kakaiyak kahit hindi naman nakakaiyak. Sana dumating ang panahon na hindi lang dahil sa inaabangang halikan o sampalan episode kung bakit maraming tao ang mas pinili ang manatili sa bahay pagsapit ng hapunan. Iwasan na natin ang mga lumang istilo ng istorya na dapat e i-ban na ng MTRCB dahil mas masahol pa sa tunay na buhay ang eksena ng mga TS/TN.

Sana sa mga susunod na buwan, maisulat ko na sa slumnote ko ang hobbies na “Watching telenovelas”.



Lubos na umaasa at gumagalang,


Juan Mandaraya

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!