Onli In Da Pilipins Part 4: Ganito Kami Mag-Pasko

Bagong ligo. Amoy binata dahil sa mumurahing pabango. 10 minutes bago mag-alas-sais ng gabi. Dating gawi, papasok na naman. Dating gawi, lalanghap na naman ako ng polusyon ng Metro Manila. Gaya ng nakagawian, magbibilang na naman ako ng ilang ‘bad words’ dahil sa lintik na traffic na lalong dumarami ang recruit tuwing Friday. At gaya ng nakagawian, manaka-nakang idlip na naman ang aktibidades ko sa jeepney sa loob ng halos dalawang oras na biyahe (50% ng oras ay traffic). Pero hindi gaya ng dati na parang same-same lang ang imahe ng mga araw-araw kong nakikita sa paligid, iba na ngayon. May kulay at disenyo na ang bawat lingon ko. At medyo iba na ang simoy ng hangin.

Magpapasko na, walang duda.

Paglabas ko pa lang ng bahay, karamihan sa mga kapit-bahay e may sarili ng disenyo ng Christmas lights. Gaya ng dati, iilan lang ang nagpapasikat, humble at walang pakialam sa bill ng kuryente. Sa subdivision pa lang yan, pero hindi papatalo diyan ang ilang establishments lalo na sa mga commercial areas na animo’y mga contestant sa “Philippines Greatest Set of Christmas lights”. Gabi-gabi ko na ring nasisilayan ang pinagkagastusan ni mayor sa kanyang sariling mansion. Namumutakti na naman sa Christmas lights ang city hall na konting budget pa e pwede ng gawing tourist attraction. Kahit san ako lumingon, aakalain mong panahon ng mga mahihiwagang alitaptap. Everytime na makakakita ako ng ganun, pakiramdam ko e isa akong bata na excited na sa darating na pasko.

Ang gaan sa pakiramdam, masarap sa feeling. Para na rin akong nakabili ng ‘peace on earth’ kahit saglit.

Nakakatuliro man, pero okey na rin na gabi-gabi ako nakakarinig ng “Sa may bahay…ang aming bati!”. Ramdam na ramdam mo sa mga bata ang pagka-excite dala ng kapaskuhan, lalo na pag inabutan mo ng barya. Ramdam na ramdam mo rin ang disappointment kapag nabanggit na ang litanyang “Ang babarat ninyo! Thank you!” na may dala atang sumpa. Ewan, pero pagpasok ng disyembre, dumarami talaga ang mga talentado at creative pagdating sa larangan ng karoling. Dun mo talaga makikita ang pagiging madiskarte ng mga pinoy para lang kumita, kahit barya.

Ang akala ko nga makakaligtas ako sa mga nagkakaroling sa bahay dahil gabi ang pasok ko. Hindi pala. Extended na rin pala ang teritoryo nila. At ang isa sa paborito nilang destinasyon ay jeep. Loob ng jeep. Hindi ko alam kung pati sa bus meron na rin. Yun nga lang, pamasko ang kanta nila pero yung amoy nung nagkakaroling e bagong taon.

Nakakaurirat din ang daloy ng traffic pagpasok ng disyembre. Lalong tumitindi ang bonding ng mga sasakyan kaya lalong ang hirap makalanghap ng oxygen sa tindi ng traffic. Resulta kasi ng mga ‘night market’ at ‘midnight sale’ sa kung saan-saan na parang mga alagad ni Baclaran at Divisoria. Mas marami daw kasing pera ang mga tao dahil sa bonus, 13th month at kung medyo swerte-swerte pa e meron ding 14th month. Kaya tuloy tumataas ang porsyento ng mga taong masayahin at nakangiti.

Lalakas na naman ang ekonomiya ng puto-bumbong at bibingka, gaya ng dati. Kasabay kasi nito ang simbang-gabi na ewan kung may mga naniniwala pa rin sa sabi-sabi na matutupad ang wish mo kung sakaling makumpleto mo. Hindi ko pa nagawa yun. Yun nga lang ‘falling star’ na bihira mo makita, hindi ako napagbigyan, yun pa kayang gumising ka ng maaga para magsimba, na pwede namang gawin sa gabi?

May bagong damit. May bagong karelasyon. Trip-trip ng barkada. Iilan lang yan sa mga dahilan kung bakit dumarami ang attendance ng mga nagsisimba tuwing magkakaron ng simbang-gabi. Mas mataas lang ng kaunti ang porsyento ng mga taong isinasabuhay kung ano ba talaga ang meaning ng simbang-gabi. Pero panigurado yung iba dun, sa loob ng isang taon e yun lang ang attendance sa pagsimba. Pansinin mo rin na mas mataas ang porsiyento ng mga nagsisimba sa unang araw ng simbang-gabi. Nababawasan yan pagdating ng kalagitnaan. At tumataas ulit pag malapit na ang pasko. May ningas-kugon pa rin kahit sa panahon ng kapaskuhan.

Ramdam mo na rin ang bakasyon ng mga estudyante dahil bukod sa ingay ng karoling, madalas ka ng makakarinig ng ingay dahil sa mga larong-kalye. Natural na dumarami din ang mga batang nangungupahan na sa mga internet shop para sa mga online games. Isali mo na rin ang mga estudyanteng paborting destinasyon ang mga malls para mag-date, window shopping, mamili ng pamasko at pang-regalo. Idamay mo na rin ang monito’t monita.

Kamakailan lang problema ko ang tema ng monito’t monita sa opisina. Yung unang linggo, something long and hard daw. Sa halangang bente pesos, ano pa ba ang maiisip ko sa ganun kun’di ballpen? Nung sumunod na linggo, something wet ang slimy naman. E di sige, regaluhin ng ‘special taho’ ang nabunot ko, tutal trenta pesos lang ang usapan. Yun nga lang, parang nainsulto ata yung niregaluhan ko. May sakit kasi siya sa kidney, kaya ayun, nagpalit na lang kami. Ibinigay ko ang jelly ace kapalit ng taho. Mabuti naman at walang misunderstanding na nangyari.

Next week something big and soft naman. Hmmm…isang kilong bulak.

Bukod sa monito’t monita, nakahiwalay pa ang exchang gift ng buong department sa opisina. P500 ang presyo. Ang exciting, hindi mo kilala ang mabubunot mo dahil sa codename. Ipo-post ang wish list sa bulletin, at bahala ka na kung paano mo hahanapin ang trip nila. Kung pwede nga lang na iabot na lang yung pera para wala ng hassle. Ang hiniling ko lang naman e mamahling tsinelas na aabot ng P500. Pero ang nakakatuwa sa ilang nabasa kong wish list, relief goods na lang daw para sa mga biktima ni Yolanda.

Astig.

Kabi-kabila na rin ang pagpaplano ng Christmas party, kahit saan. Iba-iba din ang tema. Pero balita ko, mas marami ang nag-postponed dahil sa nakaraang Yolanda. Makabubuting i-donate na lang daw ang budget sa mga biktima nito.

Mas cool ata yun.

Namumutakti na rin sa tv ang mga commercials na temang pasko. Yung iba, taun-taon ko ng nakikita. Pansin ko nga na mas madaming commercial ang ham. Teka, simbulo ba talaga ng Noche Buena ang ham, gaya ng mga kano na turkey tuwing thanks giving? Anong meron sa ham at kelangang dapat present ito sa pasko?

Lahat ng mga number 1 radio station sa Pinas, madalas na rin marinig ang mga Christmas songs. Magmula sa luma, hanggang sa ‘all time favorites’. At lahat ng yan ay maririnig mo ng ubod-lakas tuwing umaga. Mapa-bahay ka man o kalye, basta may radyong nakabukas, asahan na ang maya’t mayang Christmas songs. Mas nakakatuliro pa sa mga batang ngumangawa pag nangangaroling.

Si Santa Claus, ganun pa rin. Hindi nagbago ang fashion. Red pa rin ang tema. At sa loob ng mahabong panahon, hindi ko alam kung ilan sa mga reindeer niya ang nagkasakit na at nagkaroon ng ng sariling pamilya. Matanong lang, binibigyan din kaya niya ng bonus at 13th month pay ang mga tagapag-gawa niya ng regalo? Bakit pilit niyang pinagkakasya ang sarili niya sa chimney? Ano-ano ang mga ginagawa niya kung mula January hanggang November? May balak ba siyang magretiro?

Ang mga ninong at ninang na masayang-masaya sa group picture nung binyag at halos hindi na makahinga sa kabusugan (na may kasamang pang take-out) ay sinasapian ng “inaanak syndrome”. Tuwing pasko, nagkakaroon ng eksenang:

  1. mild amnesia – pansamantala ka nilang makakalimutan lalung-lalo na sa pangalan. Kaya ipinapayo kong isama ang mga magulang kung sakaling mamasko ang mga inaanak ng magkaron ng kwentuha hinggil sa history ng pagiging ninong at ninang. Mas makabubuti kung may dalang video o picture noong nakaraang binyag para mas matibay ang ebidensya. Iwasan ang madadaya at malalabong kuha na in-edit sa photoshop.
  2. hide and seek – ang paboritong laro ng mga ninong at ninang. No more questions, your honor.
  3. question and answer portion – uungkatin ang lahat ng impormasyon, verification at mahaba-habang proseso ng kwentuhan upang mahugot ang ugat ng history ng binyag
  4. emergency cases – nawawala si ninong at ninang dahil sa hindi inaasahang sitwasyon gaya ng vacation leave sa Singapore at meeting/conference sa Disneyland

Taun-taon, ganito ang eksena ng Pinas.

Walang bago.

Walang naiba.

Kahit yung natatanggap mong exchange gift, same old s**t pa rin.

Sa totoo lang, dalawa ang mukha ng selebrasyon ng pasko sa Pinas. May magse-celebrate, at meron namang matutulog na lang. May mga taong namombroblema kung ano ang menu pagdating ng Noche Buena, samantalang marami din naman ang problemado kung saan kukuha ng pambili ng pagkain. May mga taong sumasakit ang ulo kung ano ang mas magandang brand ng bagong smartphone para sa sarili, samantalang marami ang magpapatuloy sa pagtulog sa kalye, na tanging karton lang ang sapin. Maraming bata ang nag-a-abang kay Santa Claus, samantalang mas maraming tao ang hanggang ngayon, hindi siya kilala.

Pero…

Hindi naman yun ang mahalaga.

Habang papalapit ang pasko, dumarami ang mga taong gumagawa ng mabuti at kahit papano’y sumasaya sa kabila ng mga problemang dumaan. Pansamantala nating kinakalimutan ang mga kalungkutan at pasakit alang-alang sa isang selebrasyon na minsan sa isang taon lang natin i-celebrate, magmula ng magsimula ang ‘100 days before christmas’.

Kahit may Yolanda ang dumaan, Pinas pa rin ang may pinakamasayang pag-celebrate ng pasko, na nagsimula pa nung September, hanggang katapusan ng January, depende pa yan sa trip ng tao.


Ikaw, paano ang pasko niyo?

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!