Liars Go to Hell?

Hindi ako nawawalan ng kasinungalingan sa katawan. Sa pagkakaalam ko, sa araw-araw na schedule ko sa buhay, nakakapagsinungaling ako ng hindi sinasadya o kelangan naman talaga. Parang ganito:


Eksena sa Canteen:

AKO: Miss pabili ng isang ‘ubod sarap na ham sandwich’ dahil wala naman akong choice sa menu nyo ngayon… (inabot ang P100 bayad)

Miss Joray: Wala po ba kayong barya Sir?

AKO: Ay wala eh… (pero alam ko namang meron, gusto ko lang mabaryahan ang pera ko para pamasahe na rin mamaya)

Miss Joray: (kamot ulo kahit walang balakubak)


Nakalista na naman ang pangalan ko sa impyerno. 1 point ulit. Bali kung magbibilangan kami ng rececptionist ng impyerno sa mga kasinungalingan ko mula pagkabata, sindami na ng utang ng Pinas ang bilang (exagge na kaya korni).

Yung tattoo ko sa katawan, sinasabi ko lang na ART yun sa paningin ko. Pero kung kasinungalingan man yan, malamag ang ikakatwiran ko eh ‘gusto ko lang talaga ng atensyon at magpapansin’. Pagpasok ko naman sa umaga, sinasabi ko sa sarili ko na masipag ako ng araw na iyon, kahit tinatamad naman talaga akong pumasok. Madalas bumabati ako ng ‘good morning’ sa text, pero wala naman talagang good sa morning lalo na kung panay ang mura ko sa traffic. Sinasabi ko rin na masarap ang kinain kong ulam sa canteen kahit alam ko namang napipilitan lang ako dahil gutom lang talaga ako. Puro kasinungalingan na mababaw lang.

Pangwalo sa sampung utos NIYA na huwag magsisinungaling. Hindi na yun kasali sa libo-libong batas at debate ng mga sinungaling na mambabatas o senador dahil napakalawak na ng eksplanasyon ng utos na “Huwag kang magsisinungaling…”. Mahirap kumbinsihin ang sarili na hindi mo yun magagawa KAHIT ISA dahil utos galing sa taas. Kahit pa ang mga magulang eh yun ang itinuturo sa mga bata dahil bad nga naman. Matindi pa ang honesty ng mga paslit. Malaki pa kasi ang takot nila sa mga magulang na walang ibang bukambibig kundi “Asan na yung sinturon ko?!” o “Pipitikin ko yang nguso mo pag di mo sinabi kung sino ang jowa ng daddy mo!”. Di gaya ng mga elementary student, unti-unti ng natututong gumawa ng istorya sa ngalan ng DOTA at walang-pawis-na-galaw-sa-piling-ni-computer-games. Kung isa namang ganap na high school student, laganap ang talksh*t  sa larangan ng ligawan, project na wala naman at cutting classes na imbento lang. Naglulupasay naman sa iyak ang guardian angel ng isang college student dahil sa mga kasinungalingang minsan eh kinakailangan ‘din pala’ gaya ng dagdag allowance, overnight outing o gawa-gawang field trip (na ewan ko ba kung educational ba talaga o social life), galing lang ‘daw’ sa inuman kaya ginabi si Juan/Maria at ‘hindi ako buntis’ kahit mas malaki pa ang tiyan ni Maria kesa sa boobs niya. Kung ganap ka namang isang empleyado at nagbabayad na rin ng buwis, ang biglaang sakit ng kahit anong parte ng katawan bilang dahilan sa AWOL ay gasgas na. Tuluyan ka ng iniwan ng anghel dela guwardiya mo. Isali mo na rin ang best-selling quotations na “Traffic eh…” pag laging late sa trabaho. O kaya magiisip ng isang kamag-anak na namatay para lang makapagbakasyon o instant delaying tactics na absent, kahit 2x ng namatay ang Lolo/Lola, o kahit hindi naman talaga kamag-anak. Mahirap maging script writer. Nagkalat ang mga ganung klase ng tao, pero buhay pa rin sila. Iilan nga lang ang nabibigyan ng parangal. OA na kasi yung iba.

Tandang-tanda ko pa ang debate namin nun nung 3rd year high school ako. Values education ang subject, bale ‘white lies’ ang topic. Masama daw ba ang ‘white lies’ sa tao. Susme, yung salitang ‘lies’ eh bawal na eh. Nalagyan lang ng salitang ‘white’ kaya medyo mababa na ang impact nun sa korte ng impyerno. Ka-debate ko ang TOP 1 ng klase, siya yung sa side ng masama ang ‘white lies’, ako naman ang dedepensa sa side ng ‘hindi naman gaanong masama’. Batuhan na ng opinyon, sa una masaya, parang usapang tambay lang. Tapos lumalalim na kasi papunta na sa relihiyon ang segway. Iniiwasan kong gamitin niya ang “Sampung Utos ng Diyos” dahil automatic na +100 agad ang puntos niya. At pakiwari ko ay kakampi niya ang teacher namin. 2 vs 1 na ang labanan. Taga-tawa lang ang mga kaklase ko sa side ko dahil medyo ginagawa kong comedy ang madugong debate. Mahirap pag masyadong seryoso. Uulanin ka ng taas-kilay at mala-artistang titig-con-irap. Dahi medyo natatalo na ko at pakiramdam ko eh magkukulay na naman ang grado ko sa card, kaya ginamit ko na ang secret weapon kong tanong:

HALIMBAWANG PINAGHAHANAP NG ABU SAYYAF  ANG MGA MAGULANG MO AT KELANGAN SILANG KIDNAPIN PARA MAGTRENDING ULIT ANG GRUPO NILA SA FACEBOOK AT MAKITA  ULIT SILA SA SAMU’T SARING TV CHANNEL, AAMIN KA BA NA KASALUKUYANG NAGLALARO NG SOLITAIRE ANG TATAY MO SA KWARTO AT KASALUKUYAN NAMANG NAKIKIPAG-CHAT SA YM ANG NANAY MO?

Boom. Dumipensa ng pautal-utal. Wala na. Kung may galit man siya sa mga magulang niya, malamang umamin na agad siya, at siya pa ang maghahatid sa mga masasamang-loob para dakpin ang mga magulang niya. Naubos ang oras kakapaliwanag, pero hindi ko naman makuha ang punto, habang kasalukuyan namang namumula sa galit ang teacher ko dahil hindi na rin makadepensa. Pero wag mag-alala, pasado naman ako sa subject niya. Ewan kung totoo yung grado o ‘white lies’ lang.

Hindi ako kumbinsido sa mga taong nagsasabi ng “kahit kelan di ako nagsinungaling…”. Parang malabong paniwalaan. Ayaw mong maniwala, pwes, heto ang ilan sa mga eksena na pihadong na-experience mo na rin at pihadong nagawa mo na rin:


Dumating ang ilang mga kaklase ni Juan sa kanilang bahay para sa isang school project. Agad namang pinapasok ng mga magulang ni Juan ang mga kamag-aral nito at kaagad inalok ng merienda. Tinanggihan naman ng mga kaklase ni Juan ang alok at sinabing ‘busog’ pa sila kahit namumutla na sila sa gutom at dala na rin ng kahihiyan.


Nagmamadaling sumakay ng dyip si Juan pagpasok sa trabaho. Inabot nito ang P50 sa driver na kasalukuyang namomroblema sa baryang panukli. Tinanong ng driver kung meron bang barya si Juan ngunit supladong-iling lang ang naisagot nito kahit bakat sa pantalon nito ang mga barya


Nagkukuwentuhan ang mga barkada ni Juan na kasalukuyang naka-breaktime. Isang box-office na love story movie ang pinagkukuwentuhan nila na pakunwang nakokornihan si Juan sa ganung pelikula at hindi niya hilig ang mga ganung tipo ng pelikula, gayung 3x na niya itong napanuod at kunwang ayaw magkomento.


Tapos ng kumain sa isang fine din restaurant si Juan at Maria. Nilapitan sila ng isang waiter at tinanong kung nagustuhan ba nila ang inihandang pagkain. Isang mabilis na tango at ngiti lang ang naging tugon ni Juan kahit kasama na sa listahan niya ang restaurant na hinding-hindi na niya babalikan.


Namimili ng pantalon si Juan sa isang hindi naman gaanong sosyal na mall. Agad naman siyang binigyan ng assist ng isang sales representative kung alin ang mas bagay at alin ang hindi. Matapos makapili at agad sinukat ang pantalon, mabilis na tinanong ni Juan ang sales rep kung bagay ba sa kanya. Mabilis namang nambola ang dalagita sa ngalan ng propesyon at sinabing “Bagay na bagay sa inyo sir!”, kahit asiwa ang mukha nito at palihim na nilalait si Juan dahil sa kabaduyan.


Kasalukuyang nagtse-check ng facebook si Maria ng may maka-chat itong isang ubod sa gwapong adan. Nabighani ang dalaga sa lalakeing ito kaya agad nitong kinuha ang cellphone number at itinangging may boyfriend na ito kahit kasalukuyan niyang katext ang asawa niya.


Biglang bangon mula sa pagkakatulog si Maria ng maalala nitong may lakad pala sila ng boyfriend niya. Tiningnan nito ang cellphone at makailang text message na ang natatanggap niya at miss call galing sa boyfriend. Agad-agad niya itong tinext ng “On the way na ko…”, kahit magsisimula pa lang itong maligo.


Mahirap iwasan ang kasinungalingan. Kung tutuusin, maraming tao ang nabubuhay sa ganung uri ng kasalanan. Abogado, politiko, artista, writer, guro, pulis, doktor, driver at kung ano-ano pang propesyon ---- lahat yan kumikita ng may halong kasinungalingan. Gumanda ang estado ng buhay dahil sa kasinungalingan. Hindi totoo. Isang napakalaking peke. Wala namang ibang huhusga sa kanila kundi ang mga katulad din nilang sinungaling. Pare-pareho lang naman tayong dapat maka-survive sa sinungaling na mundo at panahon. At pare-pareho lang naman tayong nagsisinungaling, kahit sa sarili nating buhay. Kunwang mayaman na ang Pinas sa bagong administrasyon. Mayaman my ass!

Isipin mo na lang kung hindi ka gagawa ng kasinungalingan ‘kahit isang beses’ sa isang araw. Naisip mo na ba minsan, ang isang ‘white lies’ ay kayang magligtas ng nakararami? Isang ‘white lies’ kapalit ng kapahamakan ng iilan? Kung walang gumawa ng kasinungalingan noon, tingin mo ba totoo ang buhay mo ngayon?


Alam mo ba kung bakit ka nagsisinungaling? Kasi parang minsan yun ang tama. Minsan yun ang makakatapos sa isang problema. Pampalubag-loob at para takasan ang reyalidad. Para makaiiwas sa isang malaking eskandalo o simpleng problema, kelangan mong magsinungaling, kahit MINSAN.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!