Itim na Blog
Dahil sa long-hair ako at madalas naka-itim na damit, hindi
malayong “Wow rockers!” o kaya “Alagad ni Lucifer yan!” ang madalas na first
impression sa’ken. Hindi na bago sa’ken yun. Umay na ko sa ganung pilosopiya at
sanay na sanay na, kahit hindi man ibuka ang bibig ng nanghuhusga. Kamakailan
lang, bumili ako ng pandesal. Eto yung eksena:
AKO: Miss, pabili ng bente pesos na pandesal na ako lang
ang kakain.
Tindera: (ngumiti at parang curious sa hitsura ko)
Maya-maya, di na nakatiis, nag-comment na pagkabigay ng
pandesal
Tindera: Kuya, rakista ka? (tunog namamangha na parang
ngayon lang nakakita ng lalakeng bumibili ng pandesal, puyat na mahaba ang
buhok at naka-all black. Kakauwi ko lang galing sa graveyard schedule)
AKO: (ngumiti lang saka inabot ang bayad)
Tindera: Sampol naman dyan!
AKO: (nakangiti na kumakamot sa ulo kahit walang balakubak,
saka nilisan ang panaderya)
Una sa
lahat, hindi ako alagad ng sinumang naka-check in sa impyerno. Pangalawa, wala
din akong balak mag-aral mangkulam o tropahin ang mga taong gingawang public
transportation ang walis tingting. Yung imaheng rockers, pwede na, bukod sa yun
naman talaga ang madalas kong pakinggang musika, nag-banda na rin ako (pansamantalang
kukunot ang noo ng mambabasa at magtataas ng
kilay) at impluwensyang naipasa sa dugo galing kay erpats. May dugong
musikero ako na tumutugtog na siguradong hindi mo kapupulutan ng aral at wawasak
sa eardrum at lakbay-diwa. Sa madaling salita, hindi ako fanatic ni Justin
Bieber at Lady Gaga.
Noong
nabubuhay pa ko sa panahon ng mga holen at amoy-araw habang naglalaro ng kahit
anong larong kalye, kalimitang yung itim na miyembro ng kung sinumang superhero
ang trip ko. Sa maskman, si blackmask. Sa power ranger, si black ranger. Sayang
nga lang at wala sa bioman, kaya okey na din si blue 3, tutal kumupas na itim
naman ang kulay niya. Tuwang-tuwa pa ko kay Mask Rider Black nun, lalo na pag
poporma na siyang may kung anong malutong na bagay sa kamay niya para mag-rider
change. Kesihodang malaki ang mata niya, ayus lang. Astig. Angas na angas ako
sa mga ganung porma ng superherong walang alam sa buhay kundi basag ulo at
mamerwisyo ng mga inosenteng tao. Sabi nga nila, kung nasan ang mga superhero,
nandun ang gulo. At sila ang dahilan kung bakit may mga kontrabida sa huli eh
talunan din naman.
Kung
bubuksan mo nga lang ang sarili kong aparador, aakalain mong arkilahan ng damit
kung aattend ng burol. At sa oras naman na magsampay na ko, iisipin ng
kapit-bahay na may kapit-bahay silang nangongolekta ng bungo at upos ng sigarilyo.
Magdadalawang-isip na sila kung lilipat na sila ng tirahan o kusa ng
magpapadala ng espiritista para masiguro lang na ligtas sila lalo na pagsapit
ng gabi.
Magmula sa
damit, pantalon, sapatos, medyas, tsinelas, salawal, anklet, netbook, mouse at
mouse pad, cellphone (ultimo casing ng cellphone), lahat kulay ITIM. Kahit
sabihin pang pawisin at mainit ang itim (lalo na ang nakakapikon na summer),
itim pa rin ang isusuot ko. Wala lang. Malinis at convenient para saken ang
ganung kulay. Dumihin akong tao kaya hindi bagay sa’ken ang puti, lalo na ang
mga kulay matitingkad. Ayokong maglakad na parang Christmas tree.
Walang
masama sa itim, at yun ang paniniwala ko. Hindi para ipamukha ko sa makakakita
at makakapansin na “rakista siguro yan?” o “astig yung porma niya pare!” kun’di
dun ako komportable. Lahat naman ng tao kanya-kanya ng trip, at gusto lang
maging komportable. Kesyo ilang beses na kong na-challenge na mag-suot naman
ako ng matinong kulay, wala. Itim talaga ang kaaya-aya sa paningin ko. Maaliwalas.
Hindi ako color blind. Kung pa’no matuwa ang mga tunay na lalake sa pink at
yellow, pwes, sa itim pa rin ako natutuwa. Tuldok.
Hindi ako
nababahala sa kung ano man ang dalang simbulo ng itim, mapa-religion man,
science, pamahiin o “what is your favorite color?” na tanong. Ano’t ano man,
wala akong tradisyong binabali o binibigyan ng pakahulugan sa mga bagay na
kulay lang ang sangkot. Pero sabi nga ng mga eksperto sa kulay, hindi
nabibilang ang itim sa kulay. Absence of light/color ang itim kaya parang wala.
Tulad ng blackout AKA brownout, walang masilayang liwanag ang mata sa oras na
hindi na present ang lahat ng alam mong kulay magmula kinder, na nagresulta ng
pagkain ng lahat ng pwede mong ma-imagine na kulay, kahit sa rainbow lang.
Walang available na liwanag tuwing blackout/brownout kaya walang kakayahan ang
mata na maka-distinguish ng sapat na kulay, depende kung may sinag ng buwan at
nasusunog ang kalapit-bahay.
Sa
paghahagilap ng impormasyon upang patunayang hindi satanismo ang simbulo ng
itim, humingi na naman ako ng tulong kay Mang Google at Wikipedia. At ayon na
rin sa dalawang eksperto sa kung saan at ano mang bagay, medyo napahiya ako ng
onti sa sariling opinyon. Mas maraming ‘hindi maganda at masama’ ang simbulo
nito. Sa usaping relihiyon lang, natural na kadiliman ang simbulo ni itim. Yun bang
blanko ang birth certificate pagdating sa religion at ni minsan ay hindi
nakalanghap ng oxygen sa simbahan. Hindi maganda sa mga relihiyoso, pero bakit
ang mga pari sa Vatican
eh naka-itim? Ang mga madre? Ang cover ng bibliya? Ewan. Pero natural na ding
tradisyon at basehan na ang puti ay kabutihan at ang itim ay kasamaan. Gaya na lang ng mga
puting fairies at itim na witches na obvious naman, costume pa lang. Kelan nga
ba nagkaron sa history ng kung ano mang itim na bibliya at mahika na nagsuot ng
technicolor ang isang mangkukulam? Isali mo na rin ang kulay ng mga anghel at
demonyo. Nasa kamay ng mga mangkukulam ang dark o ‘black magic’,
samantalang…alam mo na.
Malas ang
itim na pusa, pero wala akong nakikitang magandang scientific explanation dito.
Halimbawang aksidenteng nabuhusan ng itim na pintura ang isang pusa, malas na
kaya ang unang taong makakasalubong sa kanya? Hindi ba’t yung pusa ang malas
dahil hindi naman siya pader para pinturahan? Kasalanan niya bang natuyuan ng
utak ang pintor kung bakit siya ngayon ang nadapuan ng sinsabi nating malas? At
kung masagasaan man ng taong idolo si Ghost Rider, sino ba ang malas? Si tao o
si pusang itim na bawas na ang siyam na buhay?
Nakasanayan
na rin tuwing usaping ‘patay’ na dapat itim o dark colors ang isusuot kung
aattend man ng burol (kahit titikim lang ng libreng lugaw at magsusugal),
bilang respeto na rin sa kaluluwang namayapa. Pero di ba madalas din nating
irespeto ang hiling ng taong mauubusan na ng hininga lalo na kung galing pa sa
suicide note? Paano kung galit sa itim na kulay yung taong kukuhanin na ni
kamatayan at nagrequest na sa halip magsuot ng madidilim na kulay (gaya ng dark
white at dark yellow) sa burol niya, pulos pink ang isuot o phlegmatic green?
Hindi na
nakapagtatakang ‘black sheep’ ang tawag sa katangi-tanging miyembro sa isang
pamilya. Dahil nga sa suwail siya at masamang member ng clan, dapat siyang
gawaran ng itim na basbas:
Isang gabi habang naghahapunan ang pamilya Mandaraya:
AMA: Juan, dahil ikaw ang may pinakamasamang ugali sa
sampung magkakapatid at hindi man lang marunong sumipsip, hayaan mo’t basbasan
kita bilang black sheep ng pamilyang ito (magiiyakan at magpapalakpakan ang
lahat ng miyembro ng pamilya).
JUAN: (nangingilid ang luha na naka-dirty finger) Salamat
aking ama!
AMA: Dahil diyan, pinahihintulutan kitang magkaroon ng
ilang araw o higit pa na paglalayas at pagsira sa sarili mong buhay. Bahala ka
kung san mang bagay ka hiyang malulong. Effective, ASAP!
Kung ang pinakamasama ay black sheep, paano naman kung
hindi gaanong pasaway? Blue sheep? Red sheep? O depende sa kung ano man ang
natapos niya sa pagaaral?
Pero kung
ako ang tatanungin, mas maigi ng matawag na black sheep kumpara sa blacklist.
Yung tipong hindi ka naman terorista pero iniiwasan ka ng marami. Na nagdasal
ka na sa maraming uri ng anito at santo, pero ayaw ka ng tanggapin ng society
dahil kasama ka sa listahang-itim.
Madalas
ding gamitin ang salitang ‘black’ sa maling gawain. Kung pamilyar ka sa
salitang blackmail, hindi mo nanaisin ang ganitong moves. Buti sana kung pera lang ang sangkot, paano na
kung puri, dangal, pamilya at ang I-Phones 4s? Masakit di ba? Gagawing
miserable ang buhay mo, sisirain ang reputasyon mo. Gagawan ka ng istoryang sa
mga teleserye mo lang napapanuod. Naka-tag pa ang pangalan mo sa kung anumang
sex scandal at status sa facebook.
Pero wala
sa mga nabanggit ang sisira sa kagustuhan ko sa itim. Eto na naman ako, ayon na
rin kasi sa mga psychologist(s), ang itim ay sumisimbulo ng kapangyarihan o
authority. Halimbawa, ang mga hurado sa korte suprema ay nakaitim. Ang
matatalinong senador, madalas nakaitim sa kamara. Ang S.W.A.T. team, nakaitim.
Pinili ni batman ang costume na itim. Si
Count Dracula, Voltron, Mask Rider Black, Shaider, The Punisher, Black Widow,
Blade, ang ilang member ng X-Men, lahat pinili maging itim? Bakit? Hindi para
ipakita na mas astig sila at malakas. Kun’di para ipaalam sa mundo na hindi
lahat ng paniniwala ng tao sa itim ay masama. Walang kinalaman ang kulay ng
damit o costume kung ano man ang budhi mo.
Ang itim
ay mananatiling kulay itim, kahit wala kang pagkakataong gumawa ng mabuti o
masama.
Comments
Post a Comment