Paano Kung Alien Si Juan?
Sa
panahong kasama na sa schedule ng buhay ng tao ang magpapalit-palit ng status
sa facebook, paulit-ulit na takbo ng istorya ng mga
tele-fanta-korea-mexico-serye, walang humpay na pagbabago ng mga cellphone at
kung ano-anong anik-anik, paghahanda ng ilan sa propesiya ni Nostredamus na
2012, may ilang mga taong naguubos ng oras at gumagastos ng milyong-milyon para
magsaliksik at patunayan sa madla (o media) na meron talagang ‘alien’.
Kung base
sa teorya ng tao ang salitang ‘alien’ katuwang ang iba’t ibang diksyunaryo,
ensayklopidya o kahit na si Google, tumatalakay ito sa mga nilalang na ‘hindi’
sa earth galing o nagmula. Parang ibang lahi na tumira sa Pinas na walang
permiso o walang kaukulang papeles na nagpapatunay na Pinoy siya kahit hindi
siya marunong managalog. Trespasser at walang’ya.
Binabali
kasi nito ang pilosopiya o paniniwala ng tao na ang tao ay ginawang perpekto
dahil meron siyang:
- 2 mata
- 1 ilong
- 2 tenga
- 1 bibig (na may 1 dila at
humigit-kumulang na 30 ngipin, depende pa sa tutubuan ng wisdom tooth at
sungki)
- kamay at braso (na may sampung
daliri)
- paa at binti (na may sampung
daliri)
- magkaibang maselang bahagi ni
adan at eba
- katawan na magkaiba rin kay
adan at eba
- utak
- at iba pang internal organs
na
samantalang ang madalas nating makita sa media o simpleng pelikula na ang imahe
ng alien ay abnormal sa imahe ng tao. May alien na isa lang ang mata, 3 daliri,
walong braso, walang tenga, singhaba ng edsa ang dila, ngipin na kelangang
dumaan sa dentista, utak na sinlaki ng pakwan, balat na laging bagong ligo at
kung ano-ano pang hitusra na hindi angkop sa paniniwala ng tao na dapat ‘ganito
lang ang hitsura mo para matawag kang tao’. Madalas din silang tiwali sa
paniniwala ng tao sa physics dahil sa hindi maipaliwanag na kakayahan o naging
miyembro na sila ng X-men gaya ng sobrang taas ng talon, pandinig na umaabot
hanggang 5 kanto (o higit pa), kuko na sintalim ng espada ni King Arthur,
bumuhat ng isang trak ng basura, umihip na
kayang magpatuyo ng buhok ng isang nagmamadaling estudyante, boses na tatalunin
ang speaker ng diskuhan, bilis ng kilos na kayang tapusin na ang walang humpay
na paghuli kay road runner, at marami pang iba na sana meron din ako.
Pero wala
pa rin namang patunay, kahit man lang video clip sa youtube na meron ngang
alien (meron man, parang ang labo pa ring paniwalaan), o kahit saglit lang na
interview kay Oprah. O kahit siya na lang ang kumanta ng Lupang Hinirang sa
laban ni Pacquiao. Kung meron, bakit hindi nagpaparamdam sa Pinas? Mas madalas
na sa states sila nagbabakasyon. Gaya ng Area 51
sa Nevada .
Racist ba sila? Choosy? O nagkakaron muna sila ng survey kung saan mas magiging
okey ang pag-landing ng UFO nila? Makailang beses na rin kasi akong nakabasa ng
ilang artikulo o column sa mga tabloids na may namataang kakaibang sasakyang
pamhipapawid na namataan sa bandang ganito sa Manila, o footprints na sinlaki
ng paa ni Yao Ming, at kakaibang fossil ng mga hindi pangkaraniwang imahe ng
tao sa hindi malamang lugar sa Pinas. At hindi rin naman big deal sa’ten kung
magkaron man, dahil mismong mga alien ay tutuban ng phobia kung sakaling dito
nila gugulin ang vacation leave nila. Baka nga maging biktima pa sila ng kidnap
for ransom, at hindi malaman kung ano ang magiging kapalit dahil wala namang
pera ni juan ang mga extra-terrestrial. At kung gumawa man sila ng video na
napasakamay ng mga kidnapper ang mga alien, hindi ako sigurado kung may cable o
antenna na abot galaxy ang planetang pinagmulan ng kawawang alien.
Sa totoo lang, curious ako kung
meron nga bang alien, katulad na rin ng tanong ng mga alien kung meron nga bang
mga tao. At kung meron man, anong klaseng pamumuhay meron sila? Uso din kaya sa
kanila ang salitang kurapsyon? Ano-ano ang pagkain nila? May mala-alien din
kaya silang baboy o baka? May kinalolokohan din ba silang profile site? May
EDSA din kaya sa kanila? Uso din kaya ang crab mentality sa kanila? Hirap din
ba sila sa langis? May minimum wage ba
sila? Ano ang basehan nila ng kabayanihan? Paano ang parusang kamatayan sa kanila?
May ‘respeto’ kaya sila? Holiday ? Pista? Tuli?
Paraan ng suicide? Makabuluhan ba ang blog nila (kung meron man silang
internet)? May eleksyon din kaya? Gaano katagal? Paano ang proseso ng eleksyon
at paraan ng pagpili ng iboboto? Noontime show? Game show? Walang kamatayang
alien-novela? Sports? Alien dollar? O WALA SILANG PINAGIBA SA TAO?
Madaling i-apply sa buhay ng tao
kung asal-alien ka o hawig ka ng isang alien. Basta’t hindi ka naaayon sa batas
ng imahe ng tao, alien ka. ‘Yun bang hindi kaya ni Ripley’s na paniwalaang tao
ka, at sabog ang ideya ng siyensya sa hitsura mo. Nahahanay ka sa mga bagay na
imposible at out of this world. Hindi ka normal. Kakaiba ka. Wala kang katulad
at unique. Meron kang taglay na wala sa isang normal na tao. Panis ang talento
sa’yo dahil inborn ka. Samakatuwid, hindi ka tao.
Isang napakalaking PERO, hindi na
kelangan pang magpadala ng kung ano-anong spaceship o samahan sila Optimus
Prime sa pagtuklas ng ilang parte ng universe para lang maghagilap ng alien.
Marami tayo niyan, nang hindi mo namamalayan kasi busy ka sa pagbabasa nito.
Actually minsan napapanuod mo lang sila sa TV, o kaya nakatabi mo sa sinehan ng
‘di mo namamalayan. O nakainuman mo na rin, textmate o isa sa mga ‘friends’ mo
sa facebook. Mas madalas silang makita sa diyaryo, tv, magazine, pader (lalo na
pag eleksyon), at marami ang tulad nila sa Malakanyang. Sila ‘yung mga taong
nabubuhay ng walang puso, walang konsensiya, walang modo, ubod ng talino, hindi
tama ang pagiisip, maraming kalaban, hobby ang pagpapahirap, kulangot ang
tingin sa masa, bihira tumayo dahil mas madalas nakaupo, dalawa ang mata pero
nasa likod ang paningin, bingi sa sigaw ng mahihirap pero tumatalas ang
pandinig tuwing eleksyon, nagiibang anyo ‘tuwing’ eleksyon, at nagta-transform
tuwing nag-aabot ng mga relief goods tuwing may disaster. Ang boses nila ay
gawa sa yero na pumupunit ng eardrum tuwing eleksyon. Ag salita nila ay madalas
nating hindi maintindihan tuwing may anomalya sa gobyerno.
Kilala mo sila. Ikaw pa nga ang dahilan kung bakit nasa
palasyo sila ngayon. Binoto mo kasi ‘sila’ kasi akala mo ‘mutant’ sila na
anytime kaya nilang baguhin ang sistema ng Pinas. Ikaw din ang dahilan kung
bakit ang mga karapat-dapat na mamuno ay nanghihinayang ngayon. Ikaw ang may
sala kung bakit ang piso ay nanatiling piso. Ikaw din ang naging dahilan kaya
nakahanay pa rin ang Pinas sa listahan ng mga manggagantso, manggagaya,
palaisdaan ng puta at talamak na mga bagay na imoral. Sa madaling salita, wala
tayong pinagiba sa mga alien.
(nga pala,
panuorin mo ‘yung pelikulang ‘Paul’. Tungkol siyempre sa isang alien tapos…
bahala ka na humusga. Comedy naman ‘yun kaya cool pa rin)
Comments
Post a Comment