Spokening Peso Part 2: Resbak!

(BABALA: OPINYON LANG ITO, HINDI PWEDENG GAMITIN SA THESIS O ASSIGNMENT. AT WALA RING BALAK MAGMARUNONG ANG BLOG NA ITO PARA TAMAAN ANG BUDHI MO, KUNG NABADTRIP O NATUWA KA MAN, KASI NGA, “REYALIDAD” PO ITO)

Habang binabasa ko ang mga komento sa blog na “Spokening Peso” (ng inyong abang lingkod, ehem…), natatawa at napapailing na lang ako.

Sige ganito na lang:

Ano ba talaga ang punto ko at naisipan kong ilathala ang blog na “Spokening Peso”?

Una, hindi para pagtakpan o ikahiya ang dialect na Tagalog. DIALECT. Hindi lenggwahe. Kasi ang lenggwahe ng Pinas, FILIPINO. Nag-evolve nga eh, hindi na nga tayo na-stuck sa salitang FILIPINO LANG. Nahaluan na nga tayo ng ibang lahi kaya normal lang na mahaluan ang tabas ng dila naten ng ibang lenggwahe. Nagkalat na nga sila magmula sa binili mong chichiria, damit, gadget o kahit na simpleng suklay. Alam naman kasi ng producer o manufacturer ng mga bagay na ‘yun na maiintindihan mo rin ang punto nila kaya gumamit sila ng salitang ingles sa iniinom mong softdrinks ngayon at pinupunas sa pwet na tissue. Pero wala pa kong balita kung isasama na rin sa bagong curriculum ang lenggwahe na Jejemon.

Hindi rin simbulo ng isang taong isandaang porsiyentong dugong Pinoy ang walang habas na paggamit niya ng wikang Filipino. Aminin mo sa sarili mo, matatawa ka ‘di ba? Mauumay ka na parang maghapon kang kumakain ng Pritos Ring (meron pa ba nu’n?) Isinulat ni Pepe ang Noli at El FIli sa saliw na Espanyol, na nagmitsa ng giyera laban sa mga lahing Espanyol. So ibig kong sabihin, sa mga panahong iyon, nakakaintindi na sila ng ibang wika.

Pangalawa, hindi ako gramatista dahil wala naman akong kurso na magmasteral pa ng mga kung ano-anong grammar. “Pansin ko lang” na may mga pagkakataon na hindi na tama ang paggamit ng ingles, na madalas na umaabot na sa pagiging exagge. Normal lang na minsan kang matawa sa isang taong nagbitaw ng salitang ingles na barok. Ang MAHALAGA ay nagkaintindihan kayo, at sa huli ay masasabi mo na lang na “Okey” sa Filipino at “Ok” sa Ingles. At normal sa isang taong MEDYO makalimot sa sariling atin kung ilang buwan(?) o taon na siyang nanirahan o nagtrabaho sa mga banyagang bansa. Nasanay eh. IBANG BANSA NGA EH. Parang tayong mga Pinoy na nasanay sa tabo kesa sa shower.


Pangatlo, hindi ko pinagtatanggol/inaalipusta ang mga taong may sapi ng call center agent (o isang call center agent) kung manalita o makipagusap. Hindi ako cape crusader ng mga spokening dollar. Lifestyle ‘yan. Trabaho nila ang mag-ingles habang gising sila sa mga oras na tulog ang mga tao sa Pinas. Trabaho ng ilang mga Pinoy na guro ang ituro at ipaintindi sa’yo (nang hindi mo namamalayan) ang wikang ingles dahil alam nilang balang araw, magagamit mo din ang spokening dollar mo sa pag-asenso mo o sa paraan mo ng paghahanap ng chicks. Hindi ka naman mapapakain ng mala-balagtas mong parirala o pangungusap. Nasa mundo ka ng survival mode: kelangan mong mabuhay dahil mortal ka.

Pang-apat, hindi isyu ang TAGLISH. Dahil una, wala sa batas ang pagbabawal ng taglish, dahil ang mga mismong taga-gawa ng batas naten ay nagtatalo-talo sa saliw ng TAGLISH. Ang ayaw lang nateng senaryo eh ‘yung nagtanong ng Filipino ang reporter, pero sumagot ng Ingles ang isang mambabatas, at ang tagal pang kumpletuhin ang gusto niyang ipahiwatig, na sana nag-tagalog na lang siya para hindi na humaba ang exposure niya sa kamera, nakuha  pa agad ng manunuod ang punto niya.

Pang-lima, Pinoy ka ‘di ba? Nabasa mo ‘yung blog ko na may halong ilang porsiyentong ingles, ‘di ba? Samakatuwid, naintindihan mo ang punto ko, KASI PILIPINO KA, ‘di ba? O malamang edukado ka naman kasi nakakagamit ka nga ng internet eh. Kaya ba’t tayo nagtatalo? Hindi naman ako kano ‘di ba? Hindi ka rin naman kano. Pareho tayong tropa ni Pepe at Balagtas.


Ayaw lang naten makarinig ng mga bagay na nakapagpapakunot ng noo naten. Ayaw lang din naten maging perfectionist. Hindi naten maipapaintindi sa lahat ng tao kung kelan at saan ba dapat gamitin ng tama ang salitang ingles. Wala tayong panahon para iwasto ang pagbaybay o pagbigkas ng mga salita – mapa-FILIPINO man ‘yan o English. Ayaw din nating masabihan ng “insecure”. Ang gusto lang naten, eh magkaintindihan tayong lahat, ng hindi exagge at nakakaloko. Kaya lang tayo minsan nagpo-post ng status natin na English version kasi, gusto natin magpahayag ng damdamin na hindi lang Pilipinas ang makakaintindi, kesihodang bagong sibol ang taghiyawat mo sa ilong o naitapak mo na sa Boracay ang paa mo. Na kahit ang mga kilala nating personalidad mula sa ibang bansa ay nagbitaw ng mga quotations gamit ang salitang ingles, kasi, para sa ikaiintindi ng LAHAT.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!