Mga Dahilan ng Break Up

Bilang estudyante ng elementary noon, madali lang para sa’ken sagutin ang tanong na “What is love?” sa slum note (ewan kung uso pa rin ito sa mga estudyante ngayon). Dahil hindi pa naman ako ganun kainteresado sa pakikipag-fling o pakikipagrelasyon, naniwala na lang ako sa ilang mga kaklase ko sa katagang “Love is like a rosary that is full of blah blah blah…”. Sa tantiya ko, hindi bababa sa tatlong kaklase ko ang nakigaya sa ganung uri ng definition. Sa murang edad, ang ganung uri ng rason e isa ng mabigat na prinsipyo na kahit ang mga titser e magdadalawang-isip kung bakit nauso ang ganung uri ng paniniwala, kahit karamihan sa’min e hindi pa tuli. Pero wala akong pake. Bahala na sila kung bansagan man akong walang originality. Mas problema ko kasi noon kung saan ako kukuha ng pera para makapaglaro ng Street Fighter at Contra.

Ngayong nagbabayad na  ko ng buwis at may mahigit isang libong likes sa page (na ewan kung natutuwa ba sila sa mga pinagsasabi ko), malabo na para sa’ken kung paano i-define sa mas simple at makahulugang eksplanasyon kung ano nga ba ang pag-ibig. Dahil sa dami ng version ng mga loves story, magmula telenobela hanggang pocketbooks, lahat sila e may kanya-kayang definition at paniniwala. Parang religion. Parang fraternity. Parang senado. Kanya-kanya ng paniniwala kaya mas madalas na hindi maganda ang ending.

Pero hindi naman talaga yun ang problema ko ngayon. Naisip ko lang isang araw (matapos makabasa ng isang article kung bakit nagbe-break ang mag-jowa at matapos kong maisulat ang “Mga Senyales na Dapat Ka ng Makipag-Break”), bakit nga ba hindi lahat happy ending ang love story?

Para sa mas cool na paliwanag, heto ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagtatapos ang ilang relasyon, na nakalap ko sa ilang website at bukambibig ng ilan:

(Paunawa: ang lahat ng mababanggit ay opinyon lamang ng awtor. Inuulit ko, OPINYON LANG)

Boring. Ito ang isa mga dahilan kung bakit hindi mo dapat laktawan ang “getting to know each other first” sa unang chapter ng ligawan. Yan kasi ang panahon na dapat makilala mo ‘muna’ ang ka-date mo, bago pumasok sa commitment. Aminin na natin, sa unang chapter ng panliligaw e marami tayong baong ‘interesting topics’ para nga naman magpakitang gilas at masabing hindi boring ka date. Pero huli na ang lahat. Sa pagdaan ng maraming monthsary (o anniversary kung susuwertihin), dun mo lang na-realize na wala pala siyang sense kausap at boring ang topic na pork barrel. Hindi pala siya sanay sa mga experimental na lambing at suprises kaya hindi na nakapagtataka kung bakit nawalan ka ng gana. Systematic ang relasyon to the point na parang paulit-ulit ang nangyayari na halos ikayamot ng ilan.

The “X” effect. Dito papasok ang salitang ‘rebound’. Pumasok sa isang relasyon na walang assurance. Pero hindi natin sila dapat sisihin. Ang mga taong fresh pa ang break-ups ay madalas nababalutan ng sangkatutak na ka-emo-han sa katawan kaya madalas naghahanap ng ‘shoulder to cry on’. Pero deep inside, hindi pa naman talaga siya nakakapag-move on. Maaaring natuwa lang siya sa presensya mo at korning jokes. Isama mo na ang suhol na rosas at tsokolate. O Starbucks card. Puwede ring walang humpay na advise at makalaglag-garter na concerns. Puwedeng natakpan ng mga ganung uri ng pansamantalang kaligayan, pero hindi nito maitatago ang naiwang alala at experience sa ex, bagay na hindi kayang saluhin o higitan ni [insert your present partner here]. Mamili ka: naging kabit ka o naging panakip butas ka?

Schedule. Siya, nagtatrabaho kapiling ang araw. Ikaw, nagtatrabaho sa piling ng buwan. Ending, bagay sa inyo ang kanta ni Jireh Lim---magkabilang mundo. At ang masaklap pa, hindi pareho ang araw ng dayoff niyo. Ending ulit, hirap kayong makakuha ng “Araw ng Bonding”. Tandaan: ang tunay na nagmamahalan, sabik sa halikan. Wag nang magpaka-plastik. Ang isang relasyon ay nangangailangan ng oras at atensyon. Minsan hindi lahat nadadaan sa pa-text-text at pa-chat-chat. Kelangan meron ding moment sa sinehan, Luneta, Mcdo at SOGO (puwede ring hotel kung malaki ang budget). Busy siya sa mga araw na hindi ka busy, at vice-versa. Isa pang ending, sure na puwedeng may manlamig o maghanap ng kabit.

LDR Syndrome (Long distance relationship). Ops, teka lang. Pangungunahan na kita. Hindi lahat ng relationship apply dito. Marami akong kilalang successful ang relasyon kahit ilang milya ang layo nila sa isa’t isa, PERO marami din akong kilalang maagang lumabo ang relasyon dahil sa ganitong sitwasyon. Ang tanging panghahawakan lang naman ng mag-partner sa gantong pagkakataon e tiwala at communication. Lang. Kahit ang taong kasal na ay nasisira ang status na married sa oras na kumati ang [censored] at naghanap ng ‘ipinagbabawal na relasyon’. Pero maraming isyu nito ang hindi nagtatagal sa dahilang nawawalan na ng communication at magkaiba ang oras. Now playing: Magkabilang Mundo by Jireh Lim.

N A G G E R (for men). Girls, listen carefully and put down your sobrang-expensive-at-high-tech-na-smartphone. Kaming mga guys, ayaw namin ng mabunganga. Tuliro kami sa matitinis at nakakangilong boses lalo na kung wala kami sa mood at pagod sa kung ano mang dahilan. Gaya niyo na ayaw sa nananakit ng pisikal, ayaw din naman ng binubungangaan. Nakakatunaw ng pride. Hindi masama maging hysterical minsan, pero hindi ka dapat magtatatalak kung ang kasalanan lang naman namin e nauna kayong bumati ng ‘happy monthsary’. Please po. Yun lang po.

I R O N – M A N (for women). Guys, listen ang put down your cheap-sexy-magazine. Kaming mga girls, hindi kami pinanganak ng nanay namin para pagpraktisan ng muay thai o gawing sparring. Malambot kami, at malakas lang kami magbunganga. Pero credit-inside (utang na loob), wag na wag kayong mambabatok o mananampal kung sakaling galit kayo o natalo at idadamay niyo kami sa frustration nyo sa DOTA. Iyakin kami, at lalo pa kaming iiyak kung mararamdaman namin ang pasa at galos sa mukha namin. At iiyak kami ulit kung sakaling maaalala namin kung paano mo patayin ang lamok sa pisngi namin, kahit wala namang lamok. Please po. Yun lang po.

The PESO-Value. Totoo ito, at saksi ako sa maraming relasyon na nagtapos na at marami din naman ang on-going pa rin kahit wala siyang ibang reklamo kun’di “Parang pineperahan lang ako ng jowa ko…”. May mga ganitong insidente na nabubuhay lang dahil sa pa-libre-libre at “Pautangin mo muna ko pang-load.” Yung isang side, masaya at abusado. Yung isang naman, masama ang loob at tanga. Pero-pero-pero, hindi dapat isyu ang pera sa isang relasyon. Give ang take nga daw. Kung sino ang meron, go. Ang kaso, yung isa lang ang laging meron. At NOON yun. Wag ng magpakaplastik (ulit). Maraming relasyon ang nasisira dahil sa pera, at nagsama lang dahil sa pera. At pag wala ka ng ilalabas, wala na din si Hudas.

You against all odds. Ayaw ng family at friends mo sa kaniya. Sa maraming dahilan, ayaw nila sa kanya. Basta. Hindi uubra ang rason na “Mahal ko siya kahit lulong siya sa katol…”. Pero dahil sa sawa ka na at pagod ka na sa mga pang-aalipusta sa kanya, iniwan mo na siya, kahit against sa’yo. Para sa ikatatahimik ng lahat. Hindi mo naman sila masisisi. Mahal ka ng pamilya at kaibigan mo, at may sarili silang version ng ‘ito dapat ang jowain mo’.

Un-Happy. Sa una, oo. Kung magbibilangan kayo ng masasayang moments, mapapagod ka lang. Pero habang tumatagal, nawawala na ang sigla. Hindi na exciting ang panunuod ng sine at pagbibilang ng wishing star sa tanghali. Hindi ka na rin interesado sa monthsary at anniversary. Wala lang. Parang yung una kong sinabi, boring na.

You don’t know him/her totally, as in to the highest level. Gaya nga ng sabi ko, hindi mo dapat laktawan ang ‘getting to know each other’ portion sa una o sa mga susunod na date. Uso ang plastikan, panggap, at kasinungalingan sa unang date kaya hindi ka dapat ma-fall agad. Dapat alamin mo muna kung ano-ano ang mga bagay na ayaw at gusto niya, mga weaknesses niya at mga bagay na mate-turn off ka, in the future. E ang kaso, huli na ng ma-discover mong may amoy pala ang paa niya at santo niya si Justin Bieber. Wala pala kayong similarities at mas marami ang differences. Taliwas ang opinyon nyo sa maraming bagay. At ang masaklap, follower pala siya ni Hitler at Sadam. Ending, hindi mo tanggap ang pagkatao niya kaya natapos na ang love story niyo.

Trust issues. Ikaw, palihim na ka-text si ex. Siya, palihim na nakikipag-flirt sa ex. Ending, taguan ang peg niyo parehas. At pareho na kayong tamang hinala, kahit wala naman dapat ikahinala. Lahat ng bagay ay bibigyan na ng meaning, at ang maliit na isyu e lumalaki at tumatagal na ng ilang araw. Natural yun kung nag-cheat ka sa kanya, at nag-cheat siya sa’yo. Ano pa ang reason para magstay? T@$%#* ka pala e!

Over sa OA. Hindi healthy ang over protective. Katumbas nito ang katagang ‘nakakasakal’. Hindi masama ang maging concern sa ka-partner, pero wag namang OA. Yung halos awayin mo na siya dahil bibili lang ng bigas habang umaambon. O nagpupuyat dahil sa movie marathon. Hindi ka pumasok sa commitment na para kang bumili ng asong may breed. Mahal mo pero nakatali.

Illegal-lovers. Uso ‘to sa mga hayskul at college students (hindi ako sure sa elementary). Well, hindi nyo naman masisisi ang magulang niyo kung paulit-ulit silang nagpapaalala na “Aral muna, Landi later.” Sabi nga ni Sen. Defernsor, “Mahal mo siya, mahal ka niya, pero mas mahal ang tuition.”

Religion. No further explanation needed.

“I just don’t love you no more”. Eto na ang pinaka-masaklap na reason sa lahat. Ngayon ka mapa-paranoid kung bakit isang araw, sabihan ka na lang ng mga gantong litanya. Ang mga tanong na “Ano ba na nagawa ko?”, “May kulang ba?”at “May iba ka na ba?” ay normal na lumabas sa utak at bibig dahil sa hindi inaasahang pangungusarp. Walang kasing sakit. Pero mas okey na rin kesa ipagpalit sa iba o imbitahan sa ‘third-party’.

.
.
.

Ba’t nga pala kayo nag-break?

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!