Talentadong Pinoy

Pansin ko lang: kasabay ng pagsikat ng Facebook, ang daming naglitawang talented.

Ang dami naman palang nakatagong model at photographer sa Pinas eh, ‘yun nga lang, Facebook ang museum exhibit nila.

PERO---hindi tulad ng mga museo na pwede silang bilhin at tawaging ART. Mas maganda kasi silang tawaging kaartehan at…iling na lang na reaksyon.

Parang maraming bagay na dapat ipagbawal sa nasabing profile site. Pero hindi naman maitatanggi na curious tayo sa kung “ano ba ‘tong naka-post na ‘to?”.  Parang lagi tayong may bagong natutuklasan ‘pag nakakita tayo ng mga larawang hinding-hindi kailan man natin nasilayan sa normal na pamumuhay naten.

Okey na sana mga ‘tol. Pero meron lang akong pupunahin pansamatala.

Ok na sana ‘yung mga kuha ng larawan na tagilid ang mukha, passport size o ‘yung para kang nagaapply o ‘yung naka “peace” sign. Pero ang hindi ko talaga maintindihan ay kung bakit kelangang kuhanan ang LANGAW SA BASURA…

Ano ang art dun? Hindi pa ba nagagawa sa tanang ng buhay ng tao ang makuhanan ng camera sa piling ng basura? Eh halos araw-araw na tayong nakakakita n’un ‘di ba?? At tangina pre, hindi lang Pinas ang may langaw kaya ‘wag mo na ipagmalaki. ‘Wag mo na rin masyadong i-broadcast na aliw na aliw ka sa langaw kaya napasama siya sa photo session mo.

Sabi nga nila, hindi porke may digicam ka na o kahit singhaba ng tako ng bilyar ang lens ng DSLR mo, photographer ka na. Hindi ganun ang batas nun dre. Wala akong alam sa pamantayan ng tamang pagkuha ng mga bagay na kaaya-aya, pero marunong akong humusga ng larawang okey at larawang nakakatawa at kasula-sulasok.

Eto pa ang isang mahiwagang tanong: ano ang meron sa “Sinigang na Baboy” at kelangan mong isama sa “wall photos”? Pinapamukha mo ba na ikaw lang ang may karapatang kumain ng pinaasim na baboy kaya dapat mo ipagmalaki? O ngayon ka lang nakatikim ng ganung ulam? Suggestion: laging meron niyan ang mga karinderya, iba-iba lang ang version. Kung magpo-post ka ng sinigang na dragon, pwede pa.

Advise galing sa “Word of The Lourd”, “‘Huwag na ‘wag---na huwag  kang magpo-pose ng naka-bathing suit o naka-two piece ka kung mala-balyena ang pigura mo. Tandaan na sadyang mabait lang ang mga friends mo kaya nila nila-like ang picture mo, pero hindi mo sila masisisi kung natatawa sila.”. Ate, minsan ang respeto ay nababawasan. Iayon lang ang asal sa kagandahan.

Minsan nayayabangan na ang ilan sa mga taong ginagawang background ang ilang sikat na lugar---na madalas na anak lang ni Lucio Tan ang nakakapunta. Totoo ‘to pre, maniwala ka. Magandang background lagi ang Starbucks kaya ‘wag ka na magaksaya ng panahon. Pa-picture ka na agad! Iaangat mo ang in-order mong Cappuccino at samahan mo na rin “peace sign” para astig. Siguradong mamamangha sila sa larawan mo. Isa pang magandang tip eh ‘yung background mo ‘yung sinehan, katabi ng movie poster. Para alam nila na hindi ka lang umaasa sa mga pirated dvd.

Common na nga ‘yung mga larawang background ang dagat, bundok, kweba o kahit na simpleng kanal, pero gawin mong background ang kubeta??? Naks! Isama mo na rin ‘yung toilet bowl para realistic.

Limitahan lang din dapat ang pagkuha sa mga araw na may selebrasyon. Ang pagpo-post ng taong sumuka dahil sa pagkalasing ay hindi kaaya-aya. Malay ba ng ilan kung sadyang malakas lang siyang dumura, kaya hindi napigilang sumama ng mga spaghetti at lumpiang shanghai sa paglabas.


At tsaka---makatarungan bang gawing primary photo ang larawan ng iba? Eh ano kung mataba ka? Kung kapos ka sa kolesterol? Hindi gumagana ang glutathione sa’yo?  May pangil ka ni Shrek? Nakakahiya ba? ‘Di ba mas nakakahiya ‘yung mga mukha ng pulitiko na nakadikit sa pader o nakasabit sa kawad ng kuryente ang tarpaulin nila tuwing eleksyon? Na tuwing eleksyon na lang eh promotor ng kalat at ubod ng pagpapanggap? Mas nakakahiya ‘yun ‘di ba?

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!