May Batas ba ang Social Life sa Pinas?

Napasama ako sa isang lakad na wala sa plano. Kagagaling ko lang sa trabaho nun, naglalakad na ko pauwi ng may humintong sasakyan (na medyo malapit na sa kategoryang mamahalin) sa gilid ko at agad nagbukas ng bintana ang driver, “Oy Juan! Sama ka! Kain tayo!”. Isang malapit na kaibigan. Sinipat ko ang mga kasama niya sa loob: mga ilang kaibigang walang ibang sinisigaw ang utak at daloy ng paningin kun’di “Sumama ka na dahil lalagyan naming ng kulay ang madilim mong social life!”.

Hindi ko na nagawang umangal. Matapos akong kumamot ng batok kahit hindi nangangati at pacute na ngiti, isinampa ko na ang sarili ko sa magarang sasakyan. Mahirap nang matawag na KJ. Tutal ilang araw na akong walang social life, wala namang masama sa MINSAN.

Tinahak namin ang kahabaan ng Alabang papunta sa isang lugar na kanina pa nila pinagtatalunan. Kesyo na masarap daw ang pagkain, mura ang kung ano-anong menu, maganda ang ambience, tahimik, malinis at walang lasinggero na maghahamon ng away. Katakot-takot na debate muna ang senaryo na sa huli, dun din pala ang destinasyon.

Matapos ang halos isang oras na biyahe dahil sa traffic at pasikot-sikot na short-cut ‘kuno’ ng kawawang kaibigan, natunton din namin ang nasabing lugar. Maganda ang lugar, at tatawagin ko na lang siya sa pangalang “Social Climbers Spot Only”. Sa pagmamasid ko sa kapaligiran, tahimik at halos mahihiya ang naka-tsinelas at naka-sando kung wala siyang suot na rolex at BMW para magmerienda man lang sa nasabing lugar. Naka-park ang ilang sasakyang halos hindi mo nakikita sa mga national road ng Pinas. Katabi nito ang ilang naglalakihang hotel at restaurant na hindi kilala ang kwek-kwek at turon.

Walang tigil ang mata ko sa pag-oobserba. Tinahak na namin ang main entrance, kasalubong ang receptionist na talaga namang…. Hmmmm… Agad-agad kaming sinalubong ng mga salitang kabisado na naten, “Good evening mam/sir, welcome to Social Climbers Spot Only. Ilan po ba sila?”. Matapos makipagnegosasyon ng mga kasama kong mapalad ang estado sa buhay, naupo na kami sa isang mahabang mesa na sa mga department store ko lang ata nakikita.

“Anong ginagawa ko dito?” “Bakit ako nandito?”. “Kakain lang, DITO pa?”. Nakngtokwa, anong klaseng kainan ‘to? Hindi ako kumportable sa nasabing lugar. Amoy aircon ang suot ko, habang nakasampay sa balikat ko ang jacket na binarat ko lang sa ukay-ukay, tapos ang mga kasama ko eh parang walang ideya kung saan ang ukay-ukay at dalawa ang cellphone. Sa ilang mesa naman ay mga taong alam kong mamahalin ang simpleng t-shirt, kahit pa naka-short lang, hawak-hawak ang isang baso ng iced tea na masayang nakikipagkwentuhan sa mga kapwa niya maganda ang estado sa buhay, ibang klase humawak ng kubyertos, tahimik ang paraan ng pagkain, maya’t maya pinupunasan ang nguso sa bawat subo, bilang na bilang ang salitang tagalog laban sa salitang ingles habang nagkukuwentuhan, mga batang busy sa PSP, matatandang ‘panyero’ ang tawagan sa isa’t isa, mga teen-ager na parang kagagaling lang sa taping ng isang walang kamatayang soap opera at kung sino-sino pang mga uri ng tao na hindi ko madalas makahalubilo. Mga uri ng tao na angat sa buhay at walang panahon makibaka para sa dagdag-sahod.

Matapos ang ilang minutong pagaantay, lumapit na sa’min ang isang waitress na talaga namang… At tulad ng inaasahan, isa na namang debate ang naganap sa pagitan ng mga kaibigang hirap magkasundo sa kung ano ang dapat orderin. Hindi ko sila masisisi. Anak-mayaman sila at natural lang na sumaliwa ang mga ideya nila sa kung ano ang mahal, masarap, healthy at kaaya-aya sa mesa habang nagkukuwentuhan. Kanya-kanyang suggestion, ideya, paglalarawan ng kung anong klaseng sarap at health benefits sa ganitong uri ng pagkain at palitan ng kuro-kurong hindi ko naman maintindiha dahil lipad ang diwa ko sa mga oras na ‘yon. Bakit kelangang magtalo pa? Pare-pareho namang masasarap ang mga ‘yan. Hitsura palang sa menu eh parang tuwing handaan ko lang sila nakikita. Wala nga lang akong alam sa presyo nila.

“Ikaw Juan, anong gusto mo?”, tanong ng katabi ko na parang walang pakelam sa kung magkano man ang aabutin ng ‘bill’ namin mamaya. Ganito sana ang isasagot ko: “Gusto ko ng kumot para matakpan ang pagkatao ko sa lugar na ‘to, meron ba sila?”, pero minabuti ko na lang na tumingin sa hawak niyang menu para hindi masabi na KJ. Alam ko kasing kukulitin lang ako ng mga kasama ko pag sinabi kong “kahit ano na lang…”. Minasdan ang mga larawan ng mga pagkain, pinagaralan kung meron ngang heatlh benefits, paminsan-minsang tumatalon ang mata sa presyo, pinakiramdaman ang sikmura at laman ng coin purse, saka nagbigay ng suhestiyon na “ito na lang… mukhang masarap.” Sabay turo sa isang putahe na binalutan ng gulay ang isang karne sa hindi malamang pagbigkas ng pangalan ng pagkain. “Ha? Hindi masarap ‘yan. Ito na lang…” sabay turo sa isa na namang putahe na wala naman akong magagawa kung magreklamo pa ko. Eeeeeeeeeeee… Mali ang diskarte ni Juan. Hirap talaga sumakay sa trip ng mga taong iba ang sasakyan ng trip. At para walang debate sa ngalan ng pakikisama, sumang-ayon na lang ako. At maya-maya pa, isa-isa ng nagturo ng kung ano at alin ang in-order ng samahan namin sa waitress na talaga namang… Swabe ang kilos, mabilis ang responde ng pagsusulat. Hindi ko na inintindi ang mga sinabi nila. Sa mga oras na ‘yun eh parang gusto kong mag-teleport sa bahay para manahimik na lang at matulog. Saka inulit ng waitress ang mga order namin, ngumiti at dali-dali ng nilisan ang mesa namin.

Hindi talaga maikakaila na ultimo lugar ng kainan eh kumakategorya sa kung anong uri ng pamumuhay meron ka. Sa mga oras na ‘yun, pakiramdam ko hindi ako kabilang sa kanila. PERO, hindi ko pinilit ang sarili ko para ang akyatin ang social life nila. Dala ng pakikisama kaya nakaupo ako ngayon sa isang lugar na kahit sa panaginip eh di sumagi sa’ken. Hindi ako mapakali. Hindi ako kumportable. Parang bilang na bilang ang kilos ko. Na parang mortal sin pag nangulangot ako. Na parang maisasama nila ako sa status nila sa facebook kapag nagkamali ako ng tamang volume ng pagbahin o ng pagubo. Na para bang isang malaking isyu kapag maya’t maya ko iniinom ang nauna ko ng order na iced tea. Na para bang dapat mag taglish ako para makasabay ako sa daloy ng usapan nila. Na para bang isang malaking joke sa oras na ilabas ko ang cellphone ko, at nalaman nila na isa lang ang cellphone ko.

Nakakulong ako sa isang lugar na may sariling batas at atmosphere.

Bakit nga ba may kategorya pa ang isang lugar para sa estado ng buhay ng tao? Tingnan mo, minsan na rin makilala ang isang lugar dahil sa karamihan sa mga artista eh dun kumakain, nagpapahangin at gagawa ng panibagong tsismis. Minsan na ring nakilala ang isang lugar dahil tambayan ng mga estudyanteng kilala ang paaralan dahil sa katakot-takot na laki ng matrikula. O isang mall na walang karapatan ang mga taong mababa sa limanlibong piso ang laman ng bulsa. Kainan na bawal ang matakaw at sanay sa unlimited rice. Pasyalan na tanging anak lang ng mga taga Malakanyang ang nararapat. Bar/restaurant/sinehan/gym/ na hindi pwede ang karamihan sa lipunan. Ang buong MASA.

May sariling lugar ang masa. Halos tabi-tabi lang ang mga lugar kung saan lagi natin silang nakikita. Hindi mo na kelangan ng mapa para hanapin ang pwersa ng masa pagdating sa galaan, kainan, pasyalan at kung ano-ano pang social life. Kahit saan pwede sila, wag lang sa mapa ng mga taong bibihira maalikabukan ang mukha at nakokornihan sa mga soap opera.

Kapag madalas ka sa ganitong lugar, huhusgahan ka agad sa kung anong meron sa pagkatao mo. Korni, jologs, anak-mayaman, sosyal, conyo, bisaya at kung ano-ano pang bansag na maglalabas ng estado mo sa buhay. Sabagay, ganito talaga sa Pinas, wag na magtaka.


Parang minsan kulang na lang na magkaron ng detector ang bawat establishment sa Pinas na kapag mababa sa sampunglibong piso ang sweldo mo, hindi ka maaaring pumasok sa ganitong uri ng lugar. Awtomatiko kang ihahagis o ihahanay sa mga taong walang ‘dessert’ tuwing tanghalian o hapunan pag nalaman nilang puro customize lang ang t-shirt mo at hiniram mo lang sa kapatid mo ang alahas sa katawan mo. Kung nasa minimum wage ka, tablado ka. Wala kang karapatang mag-social life. Magtiis ka sa lugar ng masa, kahit gusto mo lang naman ma-experience ang lugar ng mga taong angat sa buhay. Simpleng ‘discrimination’ na hindi masyado halata.


Makalipas ang halos kalahating oras, inihain na sa hapag-kainan ang ilang uri ng mga putahe ng pagkain na sana marami din ang makatikim, kahit experience lang. At dahil sa sabit lang ako, nagkunwari ako na hindi gaanong gutom kaya paunti-unti lang ang kuha ko ng pagkain. Dahil na rin sa may kamahalan ang presyo, inasahan ko ng masarap talaga ang pagkain ng mga maswerte sa buhay. Na-experience ko na rin ang ganitong klase ng kainan, sa wakas. May bago na naman akong achievement, pero wala akong balak gawin silang status sa facebook.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!