Life After Death Part 1



Wala akong magawa kaya pati langit at impiyerno pinatulan kong i-search sa Google. Madaming bersyon. Iba-ibang teorya. Naglabasan ang ilang personalidad na batikan pagdating sa ganung usapin. Inisip ko tuloy kung nakapunta na ba ang mga taong lumikha ng ganung ideya sa ganung klaseng lugar. Pero mas maganda atang i-describe na oras. Oras mo na kung sa piling ni San Pedro ka pupunta o habang buhay mo ng mararanasan ang summer sa piling ni Lucifer. Tapos ang langit, itaas, ang impyerno, dapat sa baba. Kaya kadalasan, ang mga character sa Shake Rattle & Roll eh lumalabas galing sa ilalim. Ang mga anghel, lagi kang mapapatingala bago mo sila masilayan.

Ewan ko kasi medyo curious ako sa sinabi ng isa sa mga nakasama ko sa trabaho. Ganito yung tanong niya:

Pare, pa’no kung mas masaya pala sa kabilang buhay at testing lang ang reyalidad na buhay mo ngayon?

Tinamaan na ng katangahan. Paano nga kaya?

Ang daming ginagawa ng isang tao para mapanatili silang ligtas habang nabubuhay. Kasi nga, ayaw natin maglaho agad sa mundo. Dapat marami tayong ma-experience. Andyan yung gumamit tayo ng mga pamatay peste, vitamins, exercise, diet, sports, yoga, chat sa piling ng mga doktor at bodyguard (kung anak ka ng senador). Makailang milyon na nga tayong nakarinig ng salitang ‘ingat’, kasi nga hindi na safe gumalaw sa henerasyon ngayon. Bukod sa mga pagkaing hindi inaasahang pwedeng kumitil sa buhay naten anumang oras, iba’t ibang klase ng sakit, mga taong bigla na lang sasapian ng demonyo, hindi inaasahang bangungot matapos kumain ng 3 balot ng pancit canton at mga disaster na parang atomic bomb kung magbawas ng bilang ng tao, ang daming paraan sa batas ng tao kung pano tayo made-deads. Wag mo na isama ang suicide. Bad yun. Tsaka para lang sa mayayaman yun.

Sino ba naman ang hindi matatakot sa kamatayan? Masarap mabuhay, kahit halos paulit-ulit na lang ang nangyayari sa sarili mong mundo. Parang isang cd na paulit-ulit pinapatugtog. Iba’t ibang klase ang tunog. Bahala ka kung trip mo ang rock n roll. O parang background music sa isang teleserye. Nagbabago lang ang tunog pag sobra na sa gasgas. Kung makukuha pa sa papunas-punas, maganda. Pero automatic masisira at sa huli, itatapon mo na. Hindi na kasi magagamit. Kung paano naten ingatan ang maselang parte ng cd, ganun din tayo sa sarili nating buhay. Kung burara ka at kung saan saan mo lang ipapatong, prone ka sa gasgas. Pero kung maingat ka, malamang sa bawat gamit mo eh cd case pa rin ang pahinga mo. Safe ka sa gasgas, hindi mo pa masasagap ang lahat ng alikabok sa maghapon. At hinding hindi mo basta pinapahiram ang sarili mo, dahil baka hindi ka na isoli, sirain ka pa. Wag ka ng magtaka kung marami kang katulad. Tulad ka rin ng karaniwang cd, minsan galing lang sa burn. At pinirata.

Kung ako mamamatay, wag naman sana bayolante. Tanggap ko na siguro yung bangungot. Atlis, tapos agad ang kaso. Wala ng ibang sisisihin kundi yung huling kinain ko sa gabi. Presentable pa ko sa ataul, at wala pa kong peklat ng bala ng baril o saksak ng ice pick. Hindi ko rin mararanasan ang ospital. Nakahilata ka na sa disgrasya, may sarili pa ring disgrasya ang bulsa ng magulang ko. Isa na rin kasi sa gateway ng langit/impyerno yun. Mabilis ang pangyayari at maiintindihan agad ng mga kaanak ko na normal ang uri ng pagkamatay ko. Maaga nilang matatanggap at wala pang che-che bureche.

Parang utot ang kamatayan. Walang petsa at oras. Hindi inaasahan. Kung nung ginagawa ka palang ng magulang mo eh may paghahanda at seremonyas, sa kamatayan, walang assurance. Hindi ka pwedeng magtime-out kay Kamatayan. O suhulan mo na yung kapitbahay mo na lang na mahilig sa videoke ang unahin. Ipagdarasal mo na lang siya. O kaya ituro mo yung mga tao sa Malakanyang.


Yung life after death, curious ako.

Hindi ko rin alam kung bakit.

Karamihan kasi sa mga nag-testify nun eh lagi daw silang nakakakita ng liwanag. Hindi galing sa araw. O tig-iisandaang pisong bombilya sa Quiapo. Basta liwanag  na parang may bumabang UFO. Mahi-hypnotize ka at parang wala kang emosyon. Pwedeng namangha ka. O kaya gulat kasi hindi mo malaman kung may parating lang na tren o lumapit lang ng bahagya ang araw sa mundo. At walang background music. Wala kang naririnig kahit sigaw ng magbabalot. O nangaasar na lamok. Hindi tahimik, hindi rin maingay. Hindi nila alam kung naligaw lang sila sa lahar o lulong lang sila sa droga. Basta ang alam nila, naglalakad sila ng nakayapak at hindi sila humihinto kalalakad. Tapos makakarinig sila ng boses na parang narrator sa pelikula. Mga salitang minsan sa ensayklopidya mo lang mababasa at parang mataas ang volume ng echo. Hindi sure kung Diyos na ang kausap o host lang sa isang reality show.

Yung iba pang chapter ng buhay tulad ng reincarnation at resurrection, curious din ako. Kung binibili lang siguro sila sa tindahan, malamang wala na tayong pakelam kay kamatayan. Pwede na natin silang gawing katwiran para mag-absent sa trabaho. “Mam/Sir, hindi po ako makakapasok bukas kasi mamamatay ako. Pero babalik din naman po ako after 3 days. Nakabili na po kasi ako ng updated version ng Resurrection pill…”. At kung may resurrection man, magulo ang history ng mundo. Mag-resurrect man sila Hitler, Rizal, John F. Kennedy, Martin Luther King, Gandhi, Michael Jackson, Elvis Presley, Bob Marley at Kurt Cobain, hindi na natin sila makikita sa mga t-shirt na nakaprint ang mukha at ibinebenta sa kung saan-saan. Hindi rin uso ang autobiography, at mga documentaries tungkol sa buhay nila mula nagsuot sila ng diaper hanggang sa huling status nila sa facebook. Magulo ang mundo. At gagawing laro ang kamatayan. Babagsak ang ekonomiya ng ospital, pabrika ng gamot, mga paaralang sangkot sa pagliligtas ng buhay ang kurso, at punerarya. Walang lamay. Walang burol. Walang sugal. Walang sementeryo at walang holiday tuwing Nobyemre uno. Naiimagine ko pang baka gawing hobbies o interest ng ibang tao ang suicide. Buti na lang talaga hindi ganun.

Balik tayo sa tanong ng tropa ko.

Pano nga kaya? Sa mundo ng mortal  kasi may gutom, uhaw, away, init, broken-hearted, bankruptcy, KORAPSYON, lungkot, saya at takot. Pano kung ang mga ganung pakiramdam eh wala sa kabilang buhay? Hindi mo pinoproblema ang pagkain. ang tag-init. Ang politika. Ang lovelife. Ang pagtaas ng gasolina at kung ano-ano pang bagay sa mundo na normal ang pagtaas ng presyo. Walang HIV. Walang suntukan. Puro positive ang balita sa dyaryo. Lahat masaya. Lahat cool. Lahat parang laging bagong sahod. Problema ang kung ano ang pwedeng problemahin. Walang salitang ‘enemy’. Hindi uso ang lotto. Walang death threat. Walang Sendong at Milenyo. Lahat nakahanay sa masayang buhay. Walang ibang iisipin kundi MASAYA.

Pero hindi naman biglang sisibol ang saya kung wala munang lungkot. O sakit. Laging pagkatapos ng saya, may susunod na lungkot. Binabalanse ang damdamin ng tao para may thrill. Hindi yung para kang nakagamit ng marijuana na laging nakangiti. Normal sa batas ng tao ang minsang nakasimangot. O suplado/suplada effect. Sa isang araw ng mundo, milyon ang lumuluha, nagsasaya, tumatawa, naglulupasay at problemado. Ganyan ang batas ng tao sa mundo. Habang maraming sumusubok gumawa ng mali, hindi rin nauubos ang pilit gumagawa ng tama.


Kung totoo man ang ‘kabilang buhay’, sana para talaga siyang preview ng langit. Masarap ma-imagine na lagi kang masaya. Ganito na yung takbo ng tanong sa’yo “May problema ka ba? Gawan mo naman ako ng problema, T!@#$%^&* ilang araw na kong masaya eh!”.  Tapos pag alisan na, wala na ang salitang ‘ingat’. Hindi na uso ang mga vitamins na sa mga networking ko madalas makita. Wala ka ng pinupuntahang doktor. Hindi ka na magsisindi ng kandila. At totoo na ang endless love.

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!