Mga Sintomas ng F.A.D. (Facebook Addiction Disorder)

Bagamat talamak at lantaran nang ipinagmamalaki ng ilan ang kaadikan sa ilang masasamang gawain (alak, yosi, droga at porn), dumarami din ang nasisira ang buhay dahil sa networking site na ito. Facebook, wala ng iba. Hindi tulad ng mga bad influence na bisyo, wala itong rektang side effects sa kalusugan ng tao (depende kung mas priority ang pag-log-in kesa sa pagkain). Kadalasang sumisira at nagbibigay ng hindi magandang impluwensya sa utak ang ilang oras na pagbababad sa nasabing site. Social networking site lang, pero nakakatuwa o nakakagulat paminsan-minsan kung paano nito baguhin ang sistema ng tao.

Hindi kasama sa listahan ng necessity ng tao ang pagbuo ng account sa peysbuk, pero iilang porsyento na lang ng populasyon ng tao sa buong mundo ang walang account o hindi kilala (o hindi interesado) ang site na ito. Ultimo alagang hayop, member nito. At kahit na hayop na nag-aasal tao o vice versa, kabilang dito. Malamang na maging katawa-tawa o laos ang isang tao kung saka-sakaling hindi pa nito nae-experience ang mundo ng peysbuk. 8 out of 10 na bilang ng tao sa mundo ang paniguradong kilala o member nito, at yung mga hindi kasali e malamang galit sa modernisasyon o may cyber phobia.

Dahil sa dalang entertainment at ilang accessibilities nito, hindi na nakakagulat kung bakit dumarami ang naadik dito, to the point na halos isama na nila ito sa listahan ng makabagong hobby. Wala pang direktang babala galing sa DepEd o PDEA kung ano-ano ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan ng tao kaya hindi pa ito ilegal na gawain (wag lang magawan ng batas!). Wala pa din naman nagsasabi sa’ken na nakaka-alis ng stress ang pagbababad dito. Pero bakit nga ba marami ang naaadik sa paguubos ng oras sa peysbuk? [Sigaw ng bayan] Walang masama sa pagpe-peysbuk!

Oo, walang masama at hindi ito kasama sa ‘ten commandments’. Pero kung unti-unti na nitong nilalamon ang pag-iisip at pagkatubo ng sungay, malamang na hindi na nga magandang impluwensya sa tao ang sobrang kaadikan dito, lalo pa kung malaki ang epekto nito sa pagtatrabaho o pag-aaral. Meaning, may problema ka na brod.

Heto ang ilan sa mga sintomas na adik ka na nga sa peysbuk:

Online anytime. Kung meron kayong linya ng internet, mapa-broadband man o DSL, mas mataas ang posibilidad na maging online ka, anumang oras gustuhin. Kung anak ka naman ng senador, mas masaya ang buhay dahil nakalinya naman ang gadget mo, o may sarili kang bitbit na wi-fi. Kung wala naman, malamang na naguubos ka ng ilang oras at pera sa mga karatig na internet shop, kahit pa bumabagyo. Maswerte na rin kung may kapit-bahay na hindi alam ang paglalagay ng password sa wi-fi, kaya masayang-masaya ka lalo pa kung wala itong patayan. Para kang lalagnatin o made-depress kung sakaling hindi ka nakapag-online kahit isang beses lang sa isang araw. At alam mo kung gano ka katindi? Nag-log off ka sa computer, pumasok ka sa trabaho, sabay online sa cellphone.

Updated lagi ang status. Ikaw yung tipo ng user na hindi umaabsent sa newsfeed. Konting centimeter lang ng pag-scroll, status mo na naman ang makikita. Quotations, link ng kung ano-ano, share ng kung ano-ano, selfie o picture ng kung ano-ano o sino-sino, kasalukuyang ginagawa (kumakain, naglalaba, nagtatanggal ng blackheads o tumatae) at pagko-comment basta lang makapag-comment, lahat yan gawain mo sa loob lang ng ilang minuto. At kung medyo brutalan pa ang trip, sunod-sunod ang status mo na halos segundo lang ata ang pagitan. Hindi ko alam kung galit ka lang sa mundo o nilulubos mo lang talaga ang promo ng ‘mobile data’. Baka nga unahin mo pang mag-status kesa hanapin ang fire exit o pakiusapan ang holdaper na makapag-status muna bago kusang-loob na ibigay ang mamahaling gadget.

Anger-management. Madaling maginit ang ulo mo kung saka-sakaling hindi mo ma-open ang account mo, na-ban ka, walang internet connection at pag nagba-brown out.

Status affected. Mas madalas mong isipin kung ano-anong interesanteng status ba ang dapat mong ilagay para makalikom ka ng maraming likes, comments at shares. Kahit estado ng buhay ng kapit-bahay niyong namamaos na kaka-videoke, wala kang pakelam. Ang mahalaga’y maipamahagi mo sa mundo ng facebook kung paano mo laitin o purihin ang boses nila. At kung marami man ang mangelam at matuwa, side effect na lang yun.

Too much time spending. Lahat ng activities mo sa buhay, binabawasan mo ng oras para mailaan sa peysbuk. Para sa’yo, productive ang pagiging online. Lahat ng free time, nasa harapan ng newsfeed, kahit nagmumuta ka na ng asin. May mga pagkakataon pang mas gusto mong manuod ng mga viral videos kesa kumain. Nabubusog ka na sa samu’t saring klase ng status sa newsfeed. Hindi na ko magtataka kung makatulugan mo ang pagpepeysbuk. Hardcore na hardcore na talaga dahil pati pagtulog mo e nilalaktawan mo na.

Cyber-friends accepted. Hindi mo siya kilala pero automatic na sa’yo ang mag-accept ng friend request. Malungkot ka kung sakaling 500+ lang ang bilang ng ‘friends’ mo, bukod sa naiinggit ka sa ibang account at naghahabol ng kota. Kung lulong na talaga, kahit sino na ang ina-add mo, lalo na yung nagpapakita ng cleavage o may abs. At kung 80% ng friends mo e hindi mo naman talaga kilala, malala na yan.

Ex-stalking. Hindi naman kita masisisi lalo pa kung hindi mo matanggap ang break up niyo. Naguubos ka nga lang ng oras sa pagi-stalk sa kanya. Kahit na naka-block ka na sa kanya, gumagawa ka pa rin ng paraan para lang maging friend niya ulit, at para sumama ang loob sa mga current status niya, lalo pa kung may bago na siya.

Unproductive. Ninanakawan mo ng oras ang trabaho mo. Kahit sa klase, mas naniniwala ka pa sa lesson ng mga fan page kesa sa teacher o prof mo. Tamad na tamad ka mag-ot at gumawa ng project dahil feeling mo, sagabal sila sa pagpepeysbuk. Nung nakaraang linggo nasuspinde ka ng supervisor mo dahil ni-like mo ang status niyang “Sarap ng buhay sa opisina, walang trabaho. Petiks mode.” habang oras ng trabaho. Dahil diyan nagagawa mong mag…

Facebook anywhere. Sa trabaho kunwari magbabanyo, yun pala magtse-check o magpapalit lang ng status. Pupunta ng library para i-status na napagalitan ng teacher dahil walang assignment, masama pa loob, sinumpa pa ang guro. Dadaan ng simbahan kahit hindi naumpisahan at tinapos ang misa pero magi-status ng “Simba-simba din pag may time”. Tatambay ng gym para lang magpa-picture na nakahawak ng 10 lbs na dumbbell, with matching caption na “Lakas maka-bicep!”. Oorder ng kape sa starbucks, magse-selfie, sabay status ng “Boredom. Coffee with my friends.”

Socializing offline. Tinatamad ka na sa mga pagimik-gimik. Mas masaya ang pakikipagusap ng online dahil sa mga emoticons at smileys. Hindi mo kayang magsayang ng laway para lang makipagkwentuhan sa iba. Kayang-kaya mo kasing magimbento ng kwento sa chat, nang hindi nila nalalaman. At malaya kang i-practice ang freedom of speech dahil hindi ka naman nila masasabunutan o mapipitik sa ilong sa oras ng bangayan at murahan. Side effect na lang ang cyber bully at dumaraming bilang ng mga kaaway dahil sa misinterpretation.

He’s/She’s dating a facebook user. Alam kong nagtitipid ka kaya online na lang ang pakikipag-date mo. Karamihan kasi sa kanila e malalayo ang lugar kaya ang dating scene niyo e cyberspace. Tsaka natatakot kang malaman nila na hindi mo pala tunay na profile photo ang nasa account mo ngayon, kaya umiiwas ka sa tunay na eksena ng pakikipag-date. Tsaka kayang-kaya mo silang pagsabay-sabayin lahat. Tsaka hindi pala totoo yung gender at age mo. Tsaka ganto lagi sinasabi mo pag may nirereto o nakikilala kang ide-date some other time, “May facebook ka ba, chat na lang tayo dun.”

Multiple account(s). Balak mo bang kaibiganin lahat? Ilan ba kota mo? May tinataguan ka ba? O baka naman may kabit ka? Ano ba talaga trip mo?

News from the newsfeed. Hindi na importante sa’yo ang mga balita sa radyo o tv dahil alam mo namang mas updated ang mga sariwang balita sa peysbuk, magmula sa trending, showbiz, sports at viral videos. Wala ka ngang ibang ikinukwento sa mga kaibigan o kasama kun’di mga latest na isyu galing sa peysbuk. Pati pagbe-breastfeed ng kaaway mo, itsinitsismis mo pa. Lahat na ata ng alam mo galing lang sa peysbuk e. Wala kang ibang bukambibig kun’di ‘Hoy napanuod mo na ba yung video na…’ o kaya ‘Nabasa mo ba yung status ni…?’.

Photo-syndrome. Lahat ng puwede mong i-status na picture, kahit pa balat ng kendi, pino-post mo. Nung isang araw nga e tuwang-tuwa ka nung marami ang nag-like at nag-comment sa picture mong umiinom ng isang litrong kape sa starbucks. Ngayon naman, pati nag-aaway na ipis sa banyo, pinag-interesan mo. At ang pinakamalupit, panay ang palit mo ng profile photo.

Refresh button to the highest level. Wala na. Adik ka na talaga. Abangers ka ng bagong messages o comments na lalong magpapadagdag ng oras sa pagtambay mo sa newsfeed.

Body ache(s). Nung isang araw masakit ulo mo dahil magdamag ka nag-peysbuk. Kahapon naman masakit ang batok mo kakayuko sa smartphone. Ngayon naman, nagka-migraine ka kakatitig sa newsfeed. Bukas kaya? Teka, ba’t namamaga mata mo?

Anti-Log Off. Pinaka-ayaw mong button. Nakakasama ng loob at nagiging sanhi ng sudden depression.

So, gaano ka kaadik?

Kelan lang e umabot na sa isang bilyon ang user ng peysbuk, kasama na ko dun. Malaking numero. Hindi biro at seryosong isyu. Ibig sabihin, maaaring milyon-milyong tao na ang lulong sa peysbuk, pero hindi nila ito alam. Ayon sa recent research at studies ng ilang psychologists at researchers, halos kalahating porsyento ng bilang ng mga member ay may gantong uri ng disorder. Kung higit sampung oras kang tulala at nagpapalipas ng oras sa newsfeed, positive ka na sa sakit na to. Bad news na yan brad.

(Kasalukuyan ko pang tinatanong sa tanggapan ng mental hospital at rehabilitation center kung pupuwede ang kaso mo…)


(source: Google and opinion of the author)

Comments

Popular posts from this blog

Imoral Noon, Moral na Ngayon

Ang Mga Uri ng Titser Na Hindi Ko Makakalimutan

Bawal Basahin Ito!